Oct 19, 2008

papagayo

Bata pa lang tayo noon mahilig ka ng magyaya magpalipad ng papagayo.
Hindi natin alintana ang init ng araw, basta’t natapos ang nanay sa pagkakayas ng walis tinting sa silong ng aming bahay, kakaripas na tayo ng takbo sa tumana. Doon ay ginagawa mo akong taga talang ng iyong papagayo, habang ikaw naman ay panay ang hila sa pisi nito. Ganito na tayo nuon pa mang pagkabata, lagi mo akong hinihila para ipagtalang ka.

Nasa high school tayo noon, maaga kang pinauwi ng teacher natin sa math.
“Eric, umuwi ka muna sa inyo. Ipinagbilin ng iyong ina sa driver ng jeep na kadadaan lang na pauwiin ka muna” si mam bernabe iyon. Nagtatanong ang aking mga mata habang papalayo ka, anu kaya ang nangyari sa inyo? Wala naman maysakit sa inyo para magka emergency.

“Hoy, anu nangyari sa inyo, bakit ka pinauwi ni ma’m?” bulagang tanong ko sa ‘yo kinahapunan ng Makita kita sa may lilim ng punong mangga. “wala, dumating lang ang tatay.” Sagot mo naman. “Talaga? Aba eh di ang dami mong pasalubong, may chocolates? May pamango?” sunod sunod kong tanong sa ‘yo. “wala…” sabay talikod mo sa akin.

Malungkot ang mukha mo, hindi ka excited sa pag uwi ng tatay mo galing pa ng Saudi. Balitang balita pa naman ang mga uma abroad, nagsasalok daw ng pera, eh bakit ang nakikita ko sa mukha mo parang malungkot ka. Ayokong mag usisa pa, wala ka kase sa mood.

“ay sya, uuwi na ako. Magsasaing pa ako. Kita na lang tayo bukas. Sya nga pala, may asignatura tayo sa panitikan. Kailangan daw isumite sa lunes kay sir Castro.” Pamamaalam ko sa ‘yo.

Naging usapan sa ating barangay ang pag uwi ng iyong tatay, pero imbes na maging maganda, pangit ang mga kwento nila. Nakulong daw sa Saudi ang tatay mo. Napagbintangan nagnakaw sa kaibigan ng amo nya, na ang paliwanag daw ng iyong tatay ay gusto sya nitong pagsamantalahan. Ibig sabihin pala nuon eh, kahit lalaki napapagsamantalahan din ng mga arabo sa Saudi? Nakakatakot naman pala sa bansang iyon.

Simula noon ay nag iba na ang ugali ng iyong ama, naging maiinitin ang ulo nito. Kalaunan nabalitaan na lamang naming isinanla ng iyong ina ang pilapilan at ilang pitak ng palayan ninyo para maipagamot ang iyong ama.

“Halika, may ipapakita ako sa ‘yo” araw iyon ng sabado, unang araw ng ating bakasyon. “san naman tayo pupunta?” “sa tumana, may sorpresa ako sa ‘yo” sabay hila mo sa braso ko.

Sa tumana nakita ko ay may 2 bata pa na naka abang na sa ating pagdating, tangan nila ang magkabilang pakpak ng pagkalaki laking papagayo. “ang laking papagayo naman nyan!” bulalas ko “ hindi na papagayo ang tawag dyan, BULADOR na” pagtatama mo sa akin. At doon ay nasaksihan ko kung paano lumipad ang isang bulador, matayog, maingay kesa papagayo. Imbes na sinulid ang tali, tansi na ang gamit nito. Itinali mo ang sumbang nito sa puno ng aratiles sa may sugahan ng kalabaw upang malayang makapamayagpag sa himpapawid na hindi mo na kailangan pang kontrolin..

Iyon na nga ang huli nating pagkikita. Kinabukasan ay lumipat na kayo papuntang norte kung saan taga roon ang iyong ama. Hindi ka man lang nakapag paalam sa akin, ang bulador na iyong iniwan sa tumana, kina umagahan ay hindi na nakita pa. nanduon parin ang tali nito at sumba sa may aratiles, pero wala na ang bulador sa kalawakan. Sabi ng ilang mga bata, nakaligaw daw kagabi. Napatid siguro ang tali sa sobrang bilis ng hangin.

10 taon na ang nakalipas pero naalala ko pa rin ang lahat. Ang ating mga pinag samahan, mga tawanan, mga bakas ng ating kamusmusan. Minahal kita hindi dahil sa kababata kita, marahil ay umusbong ito noong panahon na palagi tayong magkasama. Naramdaman ko na lamang ang kalungkutan at iyong halaga ng mawala ka. Hindi ka man lang sumulat o nagparamdam simula noon. Ni wala na rin kaming nabalitaan sa pamilya ninyo.

Alas tres na pala ng hapon, tamang tama lamang para sa Misa. Medyo malayo din ang lalakarin ko papuntang cathedral.

“Miss, baka matapilok ka sa daan.” Pamilyar sa akin ang boses na iyon. Kumabog bigla ang aking dibdib, at paglingon ko nga ay ikaw ang nakita ko. “Eric ikaw ba yan?”

“not unless may iba pang tao dito sa kalsada” pabirong sagot mo.”halika may ipapakita ako sa ‘yo” sabay hila mo sa kamay ko. parang narinig ko na ang linyang ito, 10 taon na ang nakakaraan, ganitong tagpo rin ng huli mo akong iniwan.

Sa di kalayuan ay nandun ang isang magarang sasakyan, nakaparada sa harapan ng cathedral.

“Eto nga pala ang pasalubong ko para sa ‘yo, wag mo munang bubuksan. Pag uwi mo na lamang. Hindi na nga pala ako magtatagal, magdadapit hapon na, kailangan ko pang mag maneho ng ilang oras. Ipangako mo sa akin hindi ka aalis ng bahay nyo bukas.” Mahaba mong litanya, sabay abot sa akin ng isang maliit na paper bag. Pagkatapos ay lumulan ka na sa iyong sasakyan at tuluyan ng umalis.

Pag uwi ko sa bahay, doon ko lamang nabuksan ang binigay mo sa akin, sa loob nito ay may sulat at ilang pirasong makukulay na papel at sa gitna nito ay may isang singsing..

“ alam kong tampo ka or baka nga galit ka sa akin dahil sa itinagal tagal ng panahon, hindi man lamang ako nagparamdam sa ‘yo. Napakarami na ng aking napag daanan, at sa bawat araw na iyon, tanging alaala ng ating nakaraan ang aking kapiling, mga gunita ng ating kamusmusan ang nagpatibay ng loob ko para marating kung anuman ang aking kinalalagyan sa ngayon.

Wala na si itay, binawian sya ng buhay dahil na rin siguro sa depresyon niya. Si inay naman ay pinalad na makakuha ng maayos na negosyo sa probinsya ni itay sa norte. Inilaban naming ang kaso ni itay sa OWWA at sa embahada ng Saudi, nabigyan ako ng scholarship at heto nga naging maayos naman ang buhay ko. Pero sa kabila noon, nanatiling ikaw ang nasa puso ko.

Naalala mo pa ba nung itanong mo sa akin kung bakit ikaw palagi ang hinihila kong taga talang ng papagayo ko? Di kita sinagot noon. Kaya’t ngayon ay sasabihin ko na sa ‘yo..

Para sa akin, isa akong papagayo noong mga musmos pa tayo. Ikaw ang taga talang ko dahil ikaw ang nagsisilbing inspirasyon ko para lumaban sa mundo. Lumaki tayo at nagkaisip, kaya’t minabuti kong gumawa ng bulador, matayog na ang aking mga pangarap, at hindi na kakayanin liparin ng isang papagayo lamang. Hindi ikaw ang pinapag talang ko ng aking bulador noon dahil ayokong mabigatan ka, ayokong maging pabigat sa ‘yo, iyan ang tamang dahilan. Gusto kong abutin ang aking mga pangarap na hindi kita pinapahirapan, gusto kong lumipad sa himpapawid dala lamang ay ang aking katawan pero ang puso’t diwa ko ay sa ‘yo ko iniwan., hindi ako nagpaalam sa ‘yo na ako’y lilisan, gaya ng nangyari sa bulador ko na iniwan sa ere, kinaumagahan ito ay nawala na lamang.

At ngayon nga ay nagbalik ako upang tupadin ang aking mga pangakong naiwan, ako ang bulador, at ikaw naman ang aking pisi. Ikaw ang silbing tali sa bulador. Ikaw ang aking buhay.

Nagmamahal,

Eric”

Kinabukasan nga ay hinigi mo ang kamay ko sa aking magulang. At gaya ng dati, heto at nandito na naman tayo sa tumana, nagpapalipad ng saranggola n gating mga pangarap.

Oct 18, 2008

'tay dalaga na po ako ngayon

Isinilang ako sa lugar kung saan ang mga babae ay walang ibang tungkulin kundi maging taong bahay, ang kalalakihan naman marapat na siyang maging haligi ng tahanan, tagapagbanat ng buto.

11 kaming magkakapatid, hindi pa ata uso noon ang family planning ng magpakasal sina itay at inay. dahil nasa gitna ng tumana ang aming munting bahay kubo, kokonti ang kapitbahay kaya't walang mapaglibangan sina inay at itay kundi gumawa ng mumunting anghel na pupuno ng halakhak sa sakahan na amin ng kinalakihan.

mahirap mag alaga ng mga nakababatang kapatid, 3 kuya ko ay nag aaral na sa bayan, ako ang ika 4. 6 na kaliliitang bata ang alagain ko. sina itay at inay ay sa bukid parati para sakahin ang aming palayan.

1 araw ay dumating ang panginoong may lupa sa aming nayon, kinakailangan na daw nila ang lupang aming sinasaka, dahil matagal tagal na rin naman na nanirahan doon sina inay at itay, minana pa nila ito sa kanilang mga magulang, ay binayaran sila ng panginoong maylupa ng may kalakihan din namang halaga. nagpasya sina itay na lumipat kami sa laguna, doon daw namin hahanapin ang kapalarang naghihintay sa amin.

Noong una ay naging napakahirap sa aming lahat ang ginawa naming paglipat, panibagong pakikisama, panibagong mundo. hindi kami sanay sa maingay na lansangan. tuwing pasko lamang kami nakakaluwas ng bayan kung kaya't manghang mangha kami sa mga sasakyan na aming nakikita.

Dahil sanay sa bukid, sina itay at inay ay nangalakal. binibili nila ang mga gulay sa bukid at inilalako sa bayan. maayos ang pagkita nila, nasa 2nd year high school na ako at ang bunso naman namin ay grade 1 na. Ngunit sabi nga nila, walang permanente sa mundo. Isang gabi ay nagising na lamang kami na sumisigaw si itay sa labas ng bahay, humihingi ng saklolo. Si inay, hindi namin alam ay may dinaramdam na palang sakit sa puso. Inatake sya habang naglalakad pauwi sa aming bahay. 5 hakbang na lamang halos at tarangkahan na namin, ngunit binawian ng buhay si inay.

Mula noon ay si itay na ang kumalinga sa amin,dahil may talento si itay sa pag guhit at pagpipinta,kahit papaano ay may kinikita sya lalo na kapag may mayayamang nagpapagawa ng canvass sa kanya, ang 3 kuya ko ay napahinto sa kolehiyo. Nagtrabaho sila habang nag aaral sa gabi, ako naman ay natutong gumawa ng paraan upang magkaron ng pambaon sa eskwela kaming 7 pang magkakapatid.Nagtinda ako ng sundot saging, maruya, at kung minsan ay sumang dapa. Kapag walang pasok at bakante ako, matapos kong maglako ng kakanin ay nagpupunta ako sa kapitbahay naming sastre at tumutulong maglilip ng mga tinahi nyang trahe. Umikot ang aking mundo sa ganitong sitwasyon, pinagkakasya ko ang aking kinikita para pantustos sa pambaon man lamang ng mga nakababata kong kapatid, si itay naman ay hindi rin tumitigil sa pagta trabaho, alam kong nami miss nya si inay pero nilalabanan nya ang lungkot. lagi nyang ipinapaalala na lahat tayo ay mawawala din sa mundo, kaya't kinakailangang maging handa kami anuman ang mangyari. Maaring mauna sya sa amin kaya't kailangan namin maging matatag.

Edad 16 ako noon,nagkaron ng programa sa school namin na drama.Dahil na rin siguro sa bibo ako, napili ako bilang isa sa gaganap.Naging maayos ang lahat, ang mayor namin ay aliw na aliw, makabagbag loob kase ang drama na ginanapan ko. Nagulat na lamang ako 1 araw ng bigyan ako ni Mayor ng scholarship para makapag aral sa Unibersidad ng Pilipinas.Dahil na rin sa hirap ng buhay namin noon,halos hindi malaman ni itay kung paano ako papayagang makapag aral sa maynila.Mabuti na lamang at ang 3 kuya ko ay nagboluntaryong tumulong pambayad sa titirahan ko.

Mahirap ang buhay estudyante,Liberal Arts ang kurso ko.Bukod dito ay nagpa part time library attendant pa ako pantustos man lang sa araw-araw kong pagkain.Nilalakad ko na lamang ang eskwelahan, 1 oras din halos na lakad takbo ang ginagawa ko araw-araw,hindi ako pwedeng mag dyip,kakalam sigurado ang sikmura ko kapag ginamit kong pamasahe ang 2 piso kong baon.

Nasa 2nd year college ako ng maramdaman kong may kakaiba sa pagkatao ko.Mas ginugusto kong manatili sa harapan ng salamin at pinagmamasdan ang sarili ko, ini imagine na isa akong EBA.Hinanap ko ang sarili ko, alam kong magagalit sa akin ang mga kapatid ko, lalong lalo na ang itay. Hindi ko napaglabanan ang lahat, marahil nga ay ito ang nakatakda para sa akin.Dahil narin siguro sa impluwensya ng kursong kinuha ko,natutunan kong tanggapin ang aking panibagong pagkatao.Matagal din akong nagtago kina itay. May araw na dinalaw nila ako ng mga kapatid ko pero dahil sa hindi ko pa maipaalam sa kanila kung ano na ako,minabuti kong wag silang harapin.Nag alala si itay, halos 3 buwan akong hindi umuwi sa amin.Inakala ni itay na may malaki akong problema kaya't panay ang ginawa nyang pagdalaw sa akin, na palagi ko namang hindi hinaharap.

Biniyayaan ako ng magandang boses,sa tangkad kong 5'11 at sa katawan kong hinubog ng panahon noong kabataan ko na naglalako ako ng kakanin, mapapagkamalan talagang isa akong tunay na Eba.Tumatanda na si Itay, 6 ko pang kapatid ang nangangailangan ng tulong upang makaraos sa buhay. Kaya't pikit mata kong tinanggap ang mga alok sa akin upang rumampa sa entablado.Hanggang isang gabi, dinalaw ako ni itay, nagtaka sya dahil nakapagpadala ako ng malaking halaga,nanalo kase ako sa Miss Gay kaya't pinadalahan ko sya para gastusin ng mga kapatid ko.Inakala nya na kung saan ko iyon kinuha kaya't napaluwas sya ng maynila. Hindi ko inaasahan na aabutan nya ako sa isang kahiya hiyang sitwasyon.Nasa entablado ako noon at umaawit ng himig ni Whitney Houston,kilala ni itay ang timbre ng boses ko.Di sya pwedeng magkamali na ako ang nasa entablado.

Para akong binuhusan ng kumukulong tubig, hindi sya gumawa ng eskandalo.Tumalikod lamang sya ng makita nyang nakatingin ako sa kanya. Alam kong nasaktan ko sya.Sino nga ba namang magulang ang matutuwang makita ang anak na lalake, nakabihis ng traheng pambabae.Simula noon ay hindi na nya ako dinalaw.Pati mga kapatid kong lalake hindi na rin ako pinuntahan, alam ko itinakwil na nila ako.Pero gayunpaman,patuloy ko parin pinadadalhan sila ng pang gastos,minsang nagpapadala ako sa banko, sinabi ng teller na ang laki na daw ng laman ng account na hinuhulugan ko. Napaiyak na lamang ako, hindi pala kinukuha ni itay ang mga pinadadala kong pera para sa kanila.Talagang galit nga sya.

Dito ako nagsimulang mangarap,nag iisa na lamang ako sa mundo, tinalikuran na ako ng pamilya ko.Matapos kong maka graduate sa kolehiyo,hindi ko pinutol ang pagrampa ko sa entablado.Hindi ko ininda ang sakit na nararamdaman ko,gusto kong ibangon ang sarili ko.Hindi para sa akin kundi para ipakita kina itay na wala akong ginagawang masama, na hindi ako lumalabag sa kasulatan ng bibliya. OO, isa akong eba sa katawan ni adan pero ni minsan hindi ko sinubukang umibig sa isang tunay na adan.Pinigilan ko ang sarili kong malubog sa putikan.

Makalipas ang 20 taon,umuwi ako ng Pilipinas. Hinanap ko ang pamilyang aking naiwan,ngunit ganun na lamang ang gulat ko ng malamang propesyunal na lahat ang mga kapatid ko. 3 kuya ko ay nakasakay na sa barko, may kani kaniya ng pamilya, 2 babae kong kapatid ay nars na sa PGH, 3 kapatid ko pang mga babae din ay nagta trabaho na sa multi national company at si bunso ay isa ng tanyag na manunulat sa pinilakang tabing. Naluha ako ng magkita kita kaming magkakapatid,dahil nasa barko sina kuya ang 6 na babaeng kapatid ko na lamang ang nakita ko.Doon ay itinanong ko kung asan si itay,imbes na sagutin nila ang tanong ko, minabuti nilang isama ako sa kinaroroonan nito.

Hindi ko napigilan ang mapaiyak ng dalhin ako ng mga kapatid ko kay itay, naroon sya sa silid kung saan nya ginagawa ang kanyang mga iginuguhit na canvass, sa gitna noon ay ang pagkalaki laking portrait ko, naiguhit nya pala ang itsura ko noong gabing makita nya ako sa gay contest, kung saan huli kaming nagkita. Sa ilalim ng pigura ko ay may nakatitulong " ang anak na nagbigay ng karangalan sa kanyang ama sa larangan ng Sining"

Sa tagpong iyon ay walang namutawi sa aking bibig kundi ang salitang "Salamat itay". Wari'y nawala lahat ng bigat sa dibdib ko, niyakap ko si itay at walang humpay naman niyang hinagod ang likod ko sabay sabing " tapos na ang lahat anak, salamat bumalik ka sa piling ko.Hindi kita ikinahiya noong mapanood kita sa entablado, ikinahiya ko ang sarili ko dahil ginagawa mo iyon para makapagpadala ka sa amin at maiahon kami ng mga kapatid mo, simula noon ay nagsikap akong igapang ang mga kapatid mo dahil ayokong maging pabigat pa kami sa dinadala mo.Naiintindihan ko noong panahong iyon na masyado kang nalilito sa tunay mong pagkatao kaya't minabuti naming lumayo sa iyo"

Noon ko napatunayan na ang pagmamahal ng magulang sa anak ay hindi matatabunan ng anumang kahihiyan o galit. Tinanggap ako ni itay kung ano ako, hindi sya nagtanong kung bakit ako naging ganito. Dahil doon ay lalo ko syang hinangaan. Hindi lamang sya isang ama ng tahanan, isa syang mabuting ama...

Gumamela

"o, yung bababa dyan ng Tambo nasa Calabarzon exit na,pakihanda na po at tatabi na ang bus" ani ng kundoktor.

Hay... nasa Lipa na pala ako, ang bilis talaga ng oras.

Nakita ko ulit yung mga sunflower sa tabi ng kalsada papuntang Marawoy. Naalala ko tuloy ang usapan namin noon.

"Uyy!! ang gaganda naman ng mga ito, aakyat ka ba ng ligaw? Sino kaya ang malas na babae na yun?" ngiting tanong ko sa kanya.

"Para kay Ellen yan, sa tingin mo magugustuhan kaya nya?"

"Oo naman noh! kahit sinong babae basta binigyan ng roses kahit pa pinitas mo lang sa kapitbahay, siguradong kikiligin na sya. Sabi nga nila, di bale ng walang chocolates dahil ito'y nakakataba basta may bulaklak na maganda. Teka bakit nga ba sa dinami dami ng roses na ibibigay mo, kulay pink pa? Pwede namang red, peach, white. Mas nakaka impress yun di ba"

"kase para syang pink rose..."

"washuuu!!! para namang lahat ng naging babae mo eh naka relate sa roses ha!" pagtataray na sagot ko sa kanya

"Well, let's say na ganun nga"

"Sige nga, anong klase ng roses si Jenny, si Nancy at Olive"

"Jenny is like white rose, mahinhin. Tahimik. Bagay sa kanya ang puti, while Nancy is like a red rose, masyadong mapusok, yet may tapang talaga na itinatagal...hey, bakit ganyan ka makatingin sa akin, parang dadaragan mo ako ng mata mo ah!?"

"Naisip ko lang, kung lahat ng babae para sa ' yo eh nakaka associate sa roses, eh ako kaya meron din?

"Meron nga"

At ano naman yun, blue? yellow? ah, alam ko na, malamang green, kase makulit at mataray ako sa 'yo. madali lang naman bumili nun sa recto eh, may nakita pa nga ako, violet rose"

"Maganda rin ang green rose, kahit di pa ako nakakakita nun, bagay nga sa 'yo, matapang, may paninindigan...may sense of humor at kakaiba...pero para sa akin hindi ka rose eh.Isa kang Gumamela"

"Gumamela?! Halamang gubat yun eh. Sabagay, ang gumamela pakalat-kalat kahit saan pwede mong makita. Mumurahin pa, as in pwede mo ngang pitasin lang kahit di ka na magpaalam sa nagtanim di ba."

Nakangiti ako sa kanya, pero sa loob ko naghihimutok ako. Nasasaktan.


Ilang taon na tayong magkasama, halos simula ng mag-aral ako sa maynila ikaw na ang nakasama ko. Akala ko mapapansin mo ang pagmamahal ko, pero sa tinagal-tagal ng ating pagsasama, dead ma parin ang puso ko.

Siguro nga tama na ang kahibangan kong ito, dapat ko ng tigilan anuman ang nararamdaman ko. Nagpapaka tanga na lang ako sa kanya, umaasa na mapapansin nya gayung may roses na sa buhay nya. Ano ba naman ang laban ng gumamela sa roses?

Nasa Marawoy na pala ako, habang papasok ako sa gate na bakal, napansin ko ang pagsalubong sa akin ng matandang babae na kailan lamang ay palagi kong pinupuntahan upang makikain ng tanghalian lalu na't malapit lamang sa opisina ng tatay ko ang bahay nila.

"Mabuti't nakarating ka, akala nami'y hindi ka na aabot." Sabay akay nya sa akin papalapit sa kubol kung saan may pari na nagdadasal sa harap ng isang puting ataul.

Habang benibendisyunan ng pari, nilapitan ko ito at doon ay nabungaran ko ang payapang mukha ng taong hindi ko nakita may 10 taon na ang nakakaraan. Iyon parin ang mukha na palagi kong kasama noong college days namin, ang payapang mukha na pilit kong iniwasan ilang taon na ang nakakaraan.

"Eto nga pala, ipinabibigay nya." Sabay abot sa akin ng isang box na kasinlaki ng kahon ng sapatos. "Matagal na nya iyan inihabilin sa akin, subalit hindi ko naman alam kung paano ka makokontak, hindi naman nya alam kung kanino ka ipagtatanong dahil umalis na nga kayo dito sa Lipa."

Sa loob ng kahon ay nakita ko ang ilang mga pictures namin noong nag-aaral pa, may mga kuha kung saan ang dungis ng mukha namin pareho, kuha iyon sa kodak na gamit nya para sa kurso nya. At ang huli nga ay ang sulat nya:

"Sorry kung nasaktan kita, pero hindi ko binabawi ang sinabi ko na para sa akin, ikaw ay isang bulaklak ng gumamela. Gaya ng sinabi mo, halamang gubat ito, kahit saan makikita. Simple, pero maganda. Kahit hindi mo alagaan, pilit parin nabubuhay, namumulaklak. Parang ikaw, matagal man tayong hindi nagkita at nagkahiwalay, tuluyan ka pa rin yumabong. Naging makulay ang mundo mo. Anumang bagyo o unos ang dumating sa buhay mo, mamumulaklak ka pa rin.
Ang mga roses, kapag itinanim, kinakailangan pang alagaan. Kinakailangan pang diligin. Pag may dumating na bagyo at unos hindi sila nabubuhay, ang gumamela, pang habambuhay. Parang ikaw."

Palaging nagmamahal sa 'yo,
Dhino

Oct 17, 2008

dear tatay

dear tatay,

sana ay hindi na masakit ang arthritis mo habang binabasa ang sulat ko. hindi rin ako sigurado kung may oras ka pa ba para pansinin ang mensahe kong ito. Gaya ng dati, tumawag na naman ako sa inyo, pero si inay lang ang nakausap ko. kelan ka na ba naman nakipag usap sa akin, halos 15 taon na rin tayong hindi nagkakarinigan ng boses di ba?

naalala ko pa noong bata pa ako, ikaw ang idol ko. matapang ka kasi. Kahit babae ako, tinuruan mo akong kumilos na parang lalake, binibihisan mo pa nga ako ng shorts at pantalon. Minsan nagalit si inay ng pinagupitan mo ako ng gupit syete. nagmukha tuloy akong lalake. ang saya saya natin noon, palagi mo akong kasama sa trabaho lalo na kapag may overtime ka, naalala mo pa ba noong hanapin mo ako dahil akala mo nawawala ako, yun pala nasa punong aratiles ako at nanginginain ng bunga nito. hindi ko makalimutan kung paano ang itsura ng mukha mo, alalang alala ka.

nag elementarya ako, kahit nahihirapan akong magbasa ng english, basta't ikaw ang kaharap ko pinag ta tyagaan kong bumasa kahit mali-mali. para magsipag akong mag aral, pinangako mo na mag uuwi ka ng pasalubong gabi-gabi basta nakakabasa na ako.doon ko natutunan magsaulo ng babasahin,akala mo ang galing kong bumasa, hindi mo alam sinaulo ko na ang kwento sa libro bago ka pa dumating. malaki na ako pero sa tabi nyo ni inay parin ako natutulog, hindi kase ako makatulog kapag hindi kita naaamoy, kahit pagod ka, tatabihan mo ako para patulugin.

nag high school ako, doon na medyo naiba ang gimik nating 2. Naging busy ka na sa trabaho mo, si inay naman ay nagkaron na rin ng negosyo nya, sabi mo nga sa amin ni ate, para maibigay nyo ang the best sa aming 2 dapat ay magtrabaho kayong mabuti. Hindi ko na namalayan ang panahon,magko kolehiyo na pala ako. Hindi maipinta ang kasiyahan sa iyong mukha ng maka 99.98% ako sa NCEE. At ng matanggap ako sa Unibersidad bilang Iskolar ng Bayan, halos maiyak ka sa galak.

Nagsimula na akong kumarera sa napili kong akademya, sabi mo wag akong kukuha ng kursong hindi ko gusto o hindi ko kakayanin, ayaw mong matulad ako kay ate na nagpapalit palit na ng kurso at ngayon nga ay walang natapos dahil tinamad ng mag aral sa edad nya. Gusto ko talagang maging doktor, pero hindi kakayanin ng utak ko, kaya't minabuti kong kumuha ng Political Science, sabi mo magiging abogado ako. Nag trabaho ka ng husto upang pagdating ng panahon may maitustos ka sa pag aaral ko,pang 4th year ko na at graduating ngunit di pa nagtatagal ang huling semestre, pinauwi mo ako.

Nakita mo lang naman akong nagma martsa kasama ang mga kapwa ko estudyante sa harap ng Rotonda, imbes na pluma at papel, ang tangan ko ay bandila, winawagayway habang sumisigaw sa gitna ng kalsada. Sabi mo binigo kita, galit na galit ka. Ikinahihiya mo ako dahil sa dinami dami ng mga estudyanteng pwedeng makunan ng camera, bakit mukha ko pa ang nakuha. Halos bumaon ang kamao mo sa mukha ko sa galit na iyong pinakita. Pero hindi ako natakot, kinabukasan lumuwas uli ako ng maynila, alam kong hindi mo ako maiintindihan noong panahong iyon kung bakit ako sumasama sa kanila, sabi mo nagkaganun ako dahil sa kursong aking kinuha. Dahil sa kagustuhan kong mawala ang galit mo, nagpalit ako ng kurso, ayoko ng math, ikamamatay ko ang problem solving, pero dahil sa ipinakita mong galit sa akin, natuto akong gumamit ng calculator. Natutunan ko kung ano ang world wide web, nakilala ko si Windows 98, namukhaan ko kung sino si Bill Gates, nalaman ko rin kung bakit nagtutunggali sina Intel at AMD. Nasukat ko kung gaano kainit ang pumuputok na bulkan, kung bakit nagyeyelo sa north pole at kung bakit may gustong makarating sa buwan.Napakaraming teknolohiya na hindi ko na matandaan kung paano ko natutunan, akala ko sapat na ang laws at theory, yun pala mahalaga ang applied science lalo na sa mundong ating ginagalawan.

Simula ng umalis ako sa bahay ay hindi mo na ginustong marinig ang pangalan ko. Banned na nga daw pati mga tawag ko hindi na pwedeng makarating sa iyo, ni ayaw mong magku kwento tungkol sa akin.

Nagtapos ako na hindi ko man lang nasilayan ang iyong mukha,hindi mo kase matanggap na hanggang sa makatapos ako, patuloy parin akong sumasama sa lipon ng mga tinatawag mong aktibista. Naaalala ko pa noon ng huling tumawag ako bago mag graduation, sabi mo kay inay wag na akong dalawin sa maynila, malamang ay namundok na ako at bumaba lamang para humingi ng sustento. Nasaktan ako, graduating na nga at lahat, pinagbibintangan pa ng kung ano. Sa galit ko sa 'yo hindi ako umuwi sa atin. Nanatili akong nasa maynila, naghanap ako ng trabaho. Pero dahil sa hirap sa atin, wala akong nagawa kundi mag apply sa ibang bansa.

Naswertehan naman at natanggap ako, walang humpay ang iyak ni inay habang nagpapaalam ako sa NAIA, hindi ka man lang sumama sa paghahatid sa akin. Ilang taon na ba tayong hindi nagkikita noon?Halos 3 taon mo akong tinikis, hanggang sa huling sandali ko sa bayan natin hindi mo man lang ako sinilip. Palagi akong nakikibalita kay inay, kinukumusta kita. Pero ni minsan wala syang nasabi na kinukumusta mo ako, o kung naaalala mo man lang ako. Nakailang birthday na ako, wala man lang message ni Ha ni Ho mula sa iyo. Itinuring mo na nga akong iba. Hindi na rin kita makilala, alingawngaw na lamang ng iyong pagmumura noong kolehiyo pa ako ang naiwang alaala sa aking tenga kung anong boses meron ka.

Noong naoperahan ka sa puso, gusto ko sanang puntahan ka, uuwi sana ako pero dahil sa ayokong lumala ang sakit mo pag nakita mo ako, tiniis ko na lamang ang lahat.Buti na lamang iniipon ni inay ang perang aking pinapadala,wala tayong naging utang sa pagpapagamot mo. ayaw mo daw kase gastusin ang padala ko. Siguro nahihiya ka, o baka naman sadyang ganun na kalalim ang galit mo.

Kailan lamang ay tumawag si inay, inaatake ka na daw ng arthritis mo, sabi nya pinahihirapan ka nito ng husto. Gusto mong mamasyal, pero naka upuang de gulong ka na. Ayaw mo namang maging pabigat kay inay kaya nagmumukmok ka na lamang dyan sa upuan mo.

Alam kong hindi matatapos ang hidwaan nating 2 kundi ako kikilos at gagawa ng paraan. Gusto kong itanong sa 'yo kung ano ba ikinagagalit mo sa akin? Ikinahihiya mo ba dahil Tibak ako? Galit ka ba dahil binigo ko ang pangarap mong maging attorney ako?

Kaya't kagabi ay tinawagan kita, pinilit ko si inay na ibigay sa iyo ang telepono para makausap ka. Hindi ka makapagsalita kaya't ako na ang nauna:

"Tay, patawad sa lahat ng pagkakamali ko, tapusin na natin ang tampuhan na ito" Sabay noon ay sumagot ka

" Gusto ko ay makauwi ka, hindi mo kakayaning mabuhay sa prinsipyo mo"

Dahil sa sinabi mong iyon ay naunawaan ko ang lahat. Ayokong sabihan ka ng bobo dahil ikaw ay tatay ko, pero natatawa ako sa iyo. Inubos mo ang 15 taon na sana ay masaya tayo, dahil lamang sa maling akala mo. Dahil sa galit mo ay naging banned ang pangalan ko sa loob ng bahay natin, itinuring mo akong pumanaw na dala ang mga pangarap mo sa akin.

Kaya ngayong linggo, humanda ka Itay, uuwi ako. Makikita mo na ang iyong bunso, matapang parin gaya ng dati. Mabilis ng magbasa at nakakaunawa na sa nangyayari hindi lamang sa lipunan maging sa mundong ating ginagalawan.

Sya nga pala 'tay, kalakip nito ang litrato ko habang sakay ng space shuttle UARS Mission nag lunch ng atmospheric satellite sa kalawakan. Kalakip din nito ang picture namin ni Tom D. Rodriguez, sya ang judge sa new york.

Malapit ko ng malaman kung may buhay sa planetang Mars. At noong isang buwan 'Tay, naipanalo ko ang kaso ng isang pinay DH na pinagbintangang pinag nakawan ang amo. Sa katunayan ay nakauwi na sya dyan sa pinas noong kabilang linggo. Sa ngayon ay nag file na ako ng leave dito sa aking trabaho.

Isa na po akong Scientist ng NASA at habang nasa lupa, nagpa practice din po ako bilang isang Tagapagtanggol. Salamat sa galit na ipinakita mo sa akin 15 taon na ang nakakaraan, wala ako ngayon sa kinalalagyan ko kundi dahil sa 'yo.

Ikaw parin ang IDOL ko. Happy Father's Day Itay...!


Nagmamahal, Butchok

Oct 15, 2008

Sapat na

Pagkatapos ng mahigit 3 taon, nakausap din ulit kita
Ganun parin ang boses mo, walang ipinag-iba
Boses na nagpakilig noon sa aking mga buto
Habang kausap kita sa kabilang linya ng telepono
Parang kidlat na nagbalik sa akin lahat ang ating ala-ala

Sino nga ba naman ang makakalimot sa isang tulad mo
Opposite attracts sabi nga nila, parang ikaw at ako
Mabait ka, supladita naman ako
Tahimik ka, habang parang radyo naman ang dating ko
Mapagbigay ka at selfish ako.

Ngayon nga ay may bagong mundo ka na
Habang ako nama'y namumuhay na mag-isa
Wala na ngang mababanaag na pag-asa upang tayo muli'y maging isa
Hanggang doon na nga lamang siguro ang lahat, hindi ba?
D'yan ka, habang dito naman ako.

Hiling ko lang na sana nga maging magkaibigan parin tayo
Hindi man naging matagumpay ang ating nakaraan
Masasabi ko namang naging masaya ako sa piling mo noong tayo pang dalawa
Nagpapasalamat ako dahil nakausap na rin kita
Salamat...sana ito na ang maging simula ng aking pagkamulat.

Pagkatapos natin mag-usap, napagtanto ko
Dapat na talaga akong mag move-on, gaya ng ginawa mo
Masaya ka na, kaya't dapat maging masaya na rin ako
Sapat na sa akin ang nakausap kita at na kumusta at malaman na masaya ka na
Kalabisan na sa akin ang patuloy na mahalin ka pa...kaya't PAALAM na.

Oct 14, 2008

anino ng nakaraan

Nagbalikbayan ka na pala, musta naman ang buhay mo ngayon?
Sabi nila, payat ka daw, di naman siguro dahil sa kakaisip mo sa akin di ba.
Marami ka daw kwento, pero mukhang tinabangan na sila sabihin sa akin kung ano ang mga kinuwento mo sa kanila, o baka naman na boring na sila kaya di na nila maalala.

Matagal ka rin nawala, ilang taon nga ba, isa? dalawa? ahh...di ko na matandaan.

Nakalimutan na nga kita, o mas tamang sabihin na kinalimutan talaga kita.
Kung meron man akong pinagsisisihan sa buong buhay ko, iyon ay ang nang makilala KITA.
Sabihin mo ng ipokrita ako, pero yun naman talaga ang totoo, kung may babalikan din lang ako sa aking nakaraan, di ako mag aatubiling burahin ang parte kung saan nag krus ang ating landas.

Maihahalintulad sa isang aklat ang aking buhay, may mga masasalimuot na kwento at may nakaka-aliw din naman. May ilang kabanata ng pagdurusa,may mga pahina na napakasaya. Pero sa lahat ng ito, pinaka gusto kong parte ay yung kabanata kung saan kapupulutan ng aral ng magbabasa. Ang pahina kung saan natuto akong tumayo mula sa pagkadapa ng
iwan mong nagiisa.

Nakatayo na ako ngayon, matulin na akong lumakad, at sa bawat pag hakbang na aking ginagawa hindi ko kinakalimutan lingunin ang lahat ng aking dinaanan. Dahil sa nakaraan kaya't natuto akong harapin ang bukas. Natuto akong limutin ka.

At ngayon nga ay nagbalik ka.

Hiling ko lang sana wag na tayong magkita. Ayokong makaharap ang kahapon na nagtulak sa akin para tanawin ang bukas. Ayokong magkaron ng isang kabanata sa aklat ng aking buhay kung saan masusulat doon na hanggang ngayon
sa puso ko ay ikaw parin ang makikita.

friends?

Nakalimutan na kita, hindi ko na nga maalala middle name mo.
Tanging ilang pira pirasong alaala na lang ng mukha mo nananatili sa isip ko.
Dumadating sa akin ang oras na naiisip ko mga nakaraan ko, mga pinagdaanan ko, at syempre di ka mawawala sa mga yon.
Pero kanina, habang nagba browse ako sa friendster, ewan ko ba kung bakit sumagi sa ‘king utak na i type ang pangalan mo.
Tanging pangalan mo lang at apelyido ang alam ko.
Di nagtagal, nakita ko, may account ka nga.

Nung una excited ako, ikaw na ba naman yung makita ang isang nakaraan, ewan ko lang kung di ka mae excite.
Ini add pa nga kita, pero parang bula lang sa ‘yo ang lahat.
Di mo pinansin ang messages ko sa ‘yo di mo rin pinansin ang invitation ko sa ‘yo para maging friends tayo.

Ganun nga talaga siguro ang buhay, past is past.
Ayoko rin naman dugtungan, gusto ko lang ipaalam sa ‘yo na nagpapasalamat ako.

Nagpapasalamat ako at naging bahagi ka ng nakaraan ko, wala ako ngayon dito sa kinatatayuan ko kung hindi ka nakasama sa mga nakaraan na nagturo sa akin ng tamang landas.

Isa ka sa mga iniiodolo ko.

Inilagay na kita sa rurok ng pedestal kung saan kita pwedeng tingalain araw-araw kasama ng ibang mga nagturo sa akin kung paano mabuhay ng maayos sa mundo.


PS

Gaya ng lagi kong sinasabi sa ‘yo noon
"I’m not afraid to be your girlfriend…I’m afraid to be your EX…"

Oct 7, 2008

nakakapagod!!!

wala naman tayo pwedeng gawin dito kundi magtrabaho, kung pwede nga lang tumambay na lang sa bahay, why not?!

nakaka miss gumimik...

miss ko na ang the Library
ang ingay ng gimikan sa malate
ang onion at pier 10

hayyy.... musta na kaya ang mga starbucks sa tabi ng the fort?

saka ko na nga lang sila dadalawin, sa ngayon trabaho na lang muna. hanggang pangarap na lang muna ang gimik, kelangan kumayod muna para pag-uwi sa amin eh makakagimik!

Oct 6, 2008

wala lang

natapos na naman ang isang araw ko na pakiramdam ko ay walang silbi, hindi ko man lang naramdaman ang kasiyahan sa bagong landas na aking tinatahak. kelan na nga ba naging tama at husto ang lahat ng tinitimbang?

bukas magsisimula na naman ako sa isang kabanata ng panibago kong buhay, sana maging makahulugan na ang lahat. Ayoko ng balikan ang nakaraan, kailangan ko ng mabuhay sa kasalukuyan at tumanaw sa hinaharap. Tama na ang 2 taon kong pagtitiis sa isang kumpanya na natutunan kong mahalin at ituring na kapamilya. Nagsisisi ba ako? hindi ah.

Kung meron man akong maligayang araw na nangyari sa buhay ko dito, yun ay ang hindi ko na matandaan. Palagi naman kase akong masaya dati, walang puwang sa akin ang kalungkutan. Masaya ako habang nagta trabaho, masaya ako habang papauwi. Pero nagbago ang lahat, sabi nga nila walang permanente sa mundo kundi "pagbabago" buti pa si ka Ising na taga BALIBAGO, laging nababago, eh panu naman tayo? hayyy!

Tama na nga ito, bukas na lamang ulit.

Oct 5, 2008

Bakit nga ba ang hirap hanapin ng kapayapaan?!

Sabi ng aking ina noong ako ay bata pa, mag aral daw akong mabuti. Ito daw ang magdadala sa akin sa rurok ng tagumpay, iaahon daw ako nito sa lahat ng kahirapan at magiging maligaya daw ako forever and ever...kulang na lamang ay salitang amen para maging isang dalangin.

Malaki na ako ngayon, sa katunayan mabigat na nga ang aking naging timbang, maayos na rin naman ang buhay ko kahit papaano, nakapag aral din ako, pero kapag naiisip ko ang mga sinabi sa akin ng aking ina halos 25 taon na ang nakakaraan, noong sinabi nya na pag narating ko na daw ang rurok ng tagumpay ay magiging maligayang maligaya ako, napapailing na lamang ako.

Sa edad kong 30 taon, mas gugustuhin ko pang wag ng marating ang rurok ng tagumpay. Madami na rin akong nakilalang mga sikat at naging mayayaman, pero sa kanilang lahat isa lang napansin ko...narating nila ang rurok ng tagumpay ngunit nabigo naman silang maramdaman ang kaligayahan at kapayapaan.

kalimitan para lang nila maramdaman ito, pumupunta pa sila sa shrine ng EDSA, andun kase ang rebulto ng Our Lady of peace ika nga.

kaya ngayon, nabuo na sa isipan ko...di bale ng laging naghahapit sa trabaho para lang magka sweldo ng medyo malaki para maipadala sa pamilya, kesa naman sa tagumpay nga na mayaman, di naman masaya...

Translate

~♥~`~`~`♥~`~`~`♥~`♥~`♥~`♥~`~`~`♥~`~`~`♥~

Subscribe via email

Enter your email address:

Delivered by FeedBurner

 
;