Oct 17, 2008

dear tatay

dear tatay,

sana ay hindi na masakit ang arthritis mo habang binabasa ang sulat ko. hindi rin ako sigurado kung may oras ka pa ba para pansinin ang mensahe kong ito. Gaya ng dati, tumawag na naman ako sa inyo, pero si inay lang ang nakausap ko. kelan ka na ba naman nakipag usap sa akin, halos 15 taon na rin tayong hindi nagkakarinigan ng boses di ba?

naalala ko pa noong bata pa ako, ikaw ang idol ko. matapang ka kasi. Kahit babae ako, tinuruan mo akong kumilos na parang lalake, binibihisan mo pa nga ako ng shorts at pantalon. Minsan nagalit si inay ng pinagupitan mo ako ng gupit syete. nagmukha tuloy akong lalake. ang saya saya natin noon, palagi mo akong kasama sa trabaho lalo na kapag may overtime ka, naalala mo pa ba noong hanapin mo ako dahil akala mo nawawala ako, yun pala nasa punong aratiles ako at nanginginain ng bunga nito. hindi ko makalimutan kung paano ang itsura ng mukha mo, alalang alala ka.

nag elementarya ako, kahit nahihirapan akong magbasa ng english, basta't ikaw ang kaharap ko pinag ta tyagaan kong bumasa kahit mali-mali. para magsipag akong mag aral, pinangako mo na mag uuwi ka ng pasalubong gabi-gabi basta nakakabasa na ako.doon ko natutunan magsaulo ng babasahin,akala mo ang galing kong bumasa, hindi mo alam sinaulo ko na ang kwento sa libro bago ka pa dumating. malaki na ako pero sa tabi nyo ni inay parin ako natutulog, hindi kase ako makatulog kapag hindi kita naaamoy, kahit pagod ka, tatabihan mo ako para patulugin.

nag high school ako, doon na medyo naiba ang gimik nating 2. Naging busy ka na sa trabaho mo, si inay naman ay nagkaron na rin ng negosyo nya, sabi mo nga sa amin ni ate, para maibigay nyo ang the best sa aming 2 dapat ay magtrabaho kayong mabuti. Hindi ko na namalayan ang panahon,magko kolehiyo na pala ako. Hindi maipinta ang kasiyahan sa iyong mukha ng maka 99.98% ako sa NCEE. At ng matanggap ako sa Unibersidad bilang Iskolar ng Bayan, halos maiyak ka sa galak.

Nagsimula na akong kumarera sa napili kong akademya, sabi mo wag akong kukuha ng kursong hindi ko gusto o hindi ko kakayanin, ayaw mong matulad ako kay ate na nagpapalit palit na ng kurso at ngayon nga ay walang natapos dahil tinamad ng mag aral sa edad nya. Gusto ko talagang maging doktor, pero hindi kakayanin ng utak ko, kaya't minabuti kong kumuha ng Political Science, sabi mo magiging abogado ako. Nag trabaho ka ng husto upang pagdating ng panahon may maitustos ka sa pag aaral ko,pang 4th year ko na at graduating ngunit di pa nagtatagal ang huling semestre, pinauwi mo ako.

Nakita mo lang naman akong nagma martsa kasama ang mga kapwa ko estudyante sa harap ng Rotonda, imbes na pluma at papel, ang tangan ko ay bandila, winawagayway habang sumisigaw sa gitna ng kalsada. Sabi mo binigo kita, galit na galit ka. Ikinahihiya mo ako dahil sa dinami dami ng mga estudyanteng pwedeng makunan ng camera, bakit mukha ko pa ang nakuha. Halos bumaon ang kamao mo sa mukha ko sa galit na iyong pinakita. Pero hindi ako natakot, kinabukasan lumuwas uli ako ng maynila, alam kong hindi mo ako maiintindihan noong panahong iyon kung bakit ako sumasama sa kanila, sabi mo nagkaganun ako dahil sa kursong aking kinuha. Dahil sa kagustuhan kong mawala ang galit mo, nagpalit ako ng kurso, ayoko ng math, ikamamatay ko ang problem solving, pero dahil sa ipinakita mong galit sa akin, natuto akong gumamit ng calculator. Natutunan ko kung ano ang world wide web, nakilala ko si Windows 98, namukhaan ko kung sino si Bill Gates, nalaman ko rin kung bakit nagtutunggali sina Intel at AMD. Nasukat ko kung gaano kainit ang pumuputok na bulkan, kung bakit nagyeyelo sa north pole at kung bakit may gustong makarating sa buwan.Napakaraming teknolohiya na hindi ko na matandaan kung paano ko natutunan, akala ko sapat na ang laws at theory, yun pala mahalaga ang applied science lalo na sa mundong ating ginagalawan.

Simula ng umalis ako sa bahay ay hindi mo na ginustong marinig ang pangalan ko. Banned na nga daw pati mga tawag ko hindi na pwedeng makarating sa iyo, ni ayaw mong magku kwento tungkol sa akin.

Nagtapos ako na hindi ko man lang nasilayan ang iyong mukha,hindi mo kase matanggap na hanggang sa makatapos ako, patuloy parin akong sumasama sa lipon ng mga tinatawag mong aktibista. Naaalala ko pa noon ng huling tumawag ako bago mag graduation, sabi mo kay inay wag na akong dalawin sa maynila, malamang ay namundok na ako at bumaba lamang para humingi ng sustento. Nasaktan ako, graduating na nga at lahat, pinagbibintangan pa ng kung ano. Sa galit ko sa 'yo hindi ako umuwi sa atin. Nanatili akong nasa maynila, naghanap ako ng trabaho. Pero dahil sa hirap sa atin, wala akong nagawa kundi mag apply sa ibang bansa.

Naswertehan naman at natanggap ako, walang humpay ang iyak ni inay habang nagpapaalam ako sa NAIA, hindi ka man lang sumama sa paghahatid sa akin. Ilang taon na ba tayong hindi nagkikita noon?Halos 3 taon mo akong tinikis, hanggang sa huling sandali ko sa bayan natin hindi mo man lang ako sinilip. Palagi akong nakikibalita kay inay, kinukumusta kita. Pero ni minsan wala syang nasabi na kinukumusta mo ako, o kung naaalala mo man lang ako. Nakailang birthday na ako, wala man lang message ni Ha ni Ho mula sa iyo. Itinuring mo na nga akong iba. Hindi na rin kita makilala, alingawngaw na lamang ng iyong pagmumura noong kolehiyo pa ako ang naiwang alaala sa aking tenga kung anong boses meron ka.

Noong naoperahan ka sa puso, gusto ko sanang puntahan ka, uuwi sana ako pero dahil sa ayokong lumala ang sakit mo pag nakita mo ako, tiniis ko na lamang ang lahat.Buti na lamang iniipon ni inay ang perang aking pinapadala,wala tayong naging utang sa pagpapagamot mo. ayaw mo daw kase gastusin ang padala ko. Siguro nahihiya ka, o baka naman sadyang ganun na kalalim ang galit mo.

Kailan lamang ay tumawag si inay, inaatake ka na daw ng arthritis mo, sabi nya pinahihirapan ka nito ng husto. Gusto mong mamasyal, pero naka upuang de gulong ka na. Ayaw mo namang maging pabigat kay inay kaya nagmumukmok ka na lamang dyan sa upuan mo.

Alam kong hindi matatapos ang hidwaan nating 2 kundi ako kikilos at gagawa ng paraan. Gusto kong itanong sa 'yo kung ano ba ikinagagalit mo sa akin? Ikinahihiya mo ba dahil Tibak ako? Galit ka ba dahil binigo ko ang pangarap mong maging attorney ako?

Kaya't kagabi ay tinawagan kita, pinilit ko si inay na ibigay sa iyo ang telepono para makausap ka. Hindi ka makapagsalita kaya't ako na ang nauna:

"Tay, patawad sa lahat ng pagkakamali ko, tapusin na natin ang tampuhan na ito" Sabay noon ay sumagot ka

" Gusto ko ay makauwi ka, hindi mo kakayaning mabuhay sa prinsipyo mo"

Dahil sa sinabi mong iyon ay naunawaan ko ang lahat. Ayokong sabihan ka ng bobo dahil ikaw ay tatay ko, pero natatawa ako sa iyo. Inubos mo ang 15 taon na sana ay masaya tayo, dahil lamang sa maling akala mo. Dahil sa galit mo ay naging banned ang pangalan ko sa loob ng bahay natin, itinuring mo akong pumanaw na dala ang mga pangarap mo sa akin.

Kaya ngayong linggo, humanda ka Itay, uuwi ako. Makikita mo na ang iyong bunso, matapang parin gaya ng dati. Mabilis ng magbasa at nakakaunawa na sa nangyayari hindi lamang sa lipunan maging sa mundong ating ginagalawan.

Sya nga pala 'tay, kalakip nito ang litrato ko habang sakay ng space shuttle UARS Mission nag lunch ng atmospheric satellite sa kalawakan. Kalakip din nito ang picture namin ni Tom D. Rodriguez, sya ang judge sa new york.

Malapit ko ng malaman kung may buhay sa planetang Mars. At noong isang buwan 'Tay, naipanalo ko ang kaso ng isang pinay DH na pinagbintangang pinag nakawan ang amo. Sa katunayan ay nakauwi na sya dyan sa pinas noong kabilang linggo. Sa ngayon ay nag file na ako ng leave dito sa aking trabaho.

Isa na po akong Scientist ng NASA at habang nasa lupa, nagpa practice din po ako bilang isang Tagapagtanggol. Salamat sa galit na ipinakita mo sa akin 15 taon na ang nakakaraan, wala ako ngayon sa kinalalagyan ko kundi dahil sa 'yo.

Ikaw parin ang IDOL ko. Happy Father's Day Itay...!


Nagmamahal, Butchok

No comments:

Post a Comment

Please leave a comment:

Translate

~♥~`~`~`♥~`~`~`♥~`♥~`♥~`♥~`~`~`♥~`~`~`♥~

Subscribe via email

Enter your email address:

Delivered by FeedBurner

 
;