Oct 18, 2008

Gumamela

"o, yung bababa dyan ng Tambo nasa Calabarzon exit na,pakihanda na po at tatabi na ang bus" ani ng kundoktor.

Hay... nasa Lipa na pala ako, ang bilis talaga ng oras.

Nakita ko ulit yung mga sunflower sa tabi ng kalsada papuntang Marawoy. Naalala ko tuloy ang usapan namin noon.

"Uyy!! ang gaganda naman ng mga ito, aakyat ka ba ng ligaw? Sino kaya ang malas na babae na yun?" ngiting tanong ko sa kanya.

"Para kay Ellen yan, sa tingin mo magugustuhan kaya nya?"

"Oo naman noh! kahit sinong babae basta binigyan ng roses kahit pa pinitas mo lang sa kapitbahay, siguradong kikiligin na sya. Sabi nga nila, di bale ng walang chocolates dahil ito'y nakakataba basta may bulaklak na maganda. Teka bakit nga ba sa dinami dami ng roses na ibibigay mo, kulay pink pa? Pwede namang red, peach, white. Mas nakaka impress yun di ba"

"kase para syang pink rose..."

"washuuu!!! para namang lahat ng naging babae mo eh naka relate sa roses ha!" pagtataray na sagot ko sa kanya

"Well, let's say na ganun nga"

"Sige nga, anong klase ng roses si Jenny, si Nancy at Olive"

"Jenny is like white rose, mahinhin. Tahimik. Bagay sa kanya ang puti, while Nancy is like a red rose, masyadong mapusok, yet may tapang talaga na itinatagal...hey, bakit ganyan ka makatingin sa akin, parang dadaragan mo ako ng mata mo ah!?"

"Naisip ko lang, kung lahat ng babae para sa ' yo eh nakaka associate sa roses, eh ako kaya meron din?

"Meron nga"

At ano naman yun, blue? yellow? ah, alam ko na, malamang green, kase makulit at mataray ako sa 'yo. madali lang naman bumili nun sa recto eh, may nakita pa nga ako, violet rose"

"Maganda rin ang green rose, kahit di pa ako nakakakita nun, bagay nga sa 'yo, matapang, may paninindigan...may sense of humor at kakaiba...pero para sa akin hindi ka rose eh.Isa kang Gumamela"

"Gumamela?! Halamang gubat yun eh. Sabagay, ang gumamela pakalat-kalat kahit saan pwede mong makita. Mumurahin pa, as in pwede mo ngang pitasin lang kahit di ka na magpaalam sa nagtanim di ba."

Nakangiti ako sa kanya, pero sa loob ko naghihimutok ako. Nasasaktan.


Ilang taon na tayong magkasama, halos simula ng mag-aral ako sa maynila ikaw na ang nakasama ko. Akala ko mapapansin mo ang pagmamahal ko, pero sa tinagal-tagal ng ating pagsasama, dead ma parin ang puso ko.

Siguro nga tama na ang kahibangan kong ito, dapat ko ng tigilan anuman ang nararamdaman ko. Nagpapaka tanga na lang ako sa kanya, umaasa na mapapansin nya gayung may roses na sa buhay nya. Ano ba naman ang laban ng gumamela sa roses?

Nasa Marawoy na pala ako, habang papasok ako sa gate na bakal, napansin ko ang pagsalubong sa akin ng matandang babae na kailan lamang ay palagi kong pinupuntahan upang makikain ng tanghalian lalu na't malapit lamang sa opisina ng tatay ko ang bahay nila.

"Mabuti't nakarating ka, akala nami'y hindi ka na aabot." Sabay akay nya sa akin papalapit sa kubol kung saan may pari na nagdadasal sa harap ng isang puting ataul.

Habang benibendisyunan ng pari, nilapitan ko ito at doon ay nabungaran ko ang payapang mukha ng taong hindi ko nakita may 10 taon na ang nakakaraan. Iyon parin ang mukha na palagi kong kasama noong college days namin, ang payapang mukha na pilit kong iniwasan ilang taon na ang nakakaraan.

"Eto nga pala, ipinabibigay nya." Sabay abot sa akin ng isang box na kasinlaki ng kahon ng sapatos. "Matagal na nya iyan inihabilin sa akin, subalit hindi ko naman alam kung paano ka makokontak, hindi naman nya alam kung kanino ka ipagtatanong dahil umalis na nga kayo dito sa Lipa."

Sa loob ng kahon ay nakita ko ang ilang mga pictures namin noong nag-aaral pa, may mga kuha kung saan ang dungis ng mukha namin pareho, kuha iyon sa kodak na gamit nya para sa kurso nya. At ang huli nga ay ang sulat nya:

"Sorry kung nasaktan kita, pero hindi ko binabawi ang sinabi ko na para sa akin, ikaw ay isang bulaklak ng gumamela. Gaya ng sinabi mo, halamang gubat ito, kahit saan makikita. Simple, pero maganda. Kahit hindi mo alagaan, pilit parin nabubuhay, namumulaklak. Parang ikaw, matagal man tayong hindi nagkita at nagkahiwalay, tuluyan ka pa rin yumabong. Naging makulay ang mundo mo. Anumang bagyo o unos ang dumating sa buhay mo, mamumulaklak ka pa rin.
Ang mga roses, kapag itinanim, kinakailangan pang alagaan. Kinakailangan pang diligin. Pag may dumating na bagyo at unos hindi sila nabubuhay, ang gumamela, pang habambuhay. Parang ikaw."

Palaging nagmamahal sa 'yo,
Dhino

No comments:

Post a Comment

Please leave a comment:

Translate

~♥~`~`~`♥~`~`~`♥~`♥~`♥~`♥~`~`~`♥~`~`~`♥~

Subscribe via email

Enter your email address:

Delivered by FeedBurner

 
;