Bata pa lang tayo noon mahilig ka ng magyaya magpalipad ng papagayo.
Hindi natin alintana ang init ng araw, basta’t natapos ang nanay sa pagkakayas ng walis tinting sa silong ng aming bahay, kakaripas na tayo ng takbo sa tumana. Doon ay ginagawa mo akong taga talang ng iyong papagayo, habang ikaw naman ay panay ang hila sa pisi nito. Ganito na tayo nuon pa mang pagkabata, lagi mo akong hinihila para ipagtalang ka.
Nasa high school tayo noon, maaga kang pinauwi ng teacher natin sa math.
“Eric, umuwi ka muna sa inyo. Ipinagbilin ng iyong ina sa driver ng jeep na kadadaan lang na pauwiin ka muna” si mam bernabe iyon. Nagtatanong ang aking mga mata habang papalayo ka, anu kaya ang nangyari sa inyo? Wala naman maysakit sa inyo para magka emergency.
“Hoy, anu nangyari sa inyo, bakit ka pinauwi ni ma’m?” bulagang tanong ko sa ‘yo kinahapunan ng Makita kita sa may lilim ng punong mangga. “wala, dumating lang ang tatay.” Sagot mo naman. “Talaga? Aba eh di ang dami mong pasalubong, may chocolates? May pamango?” sunod sunod kong tanong sa ‘yo. “wala…” sabay talikod mo sa akin.
Malungkot ang mukha mo, hindi ka excited sa pag uwi ng tatay mo galing pa ng Saudi. Balitang balita pa naman ang mga uma abroad, nagsasalok daw ng pera, eh bakit ang nakikita ko sa mukha mo parang malungkot ka. Ayokong mag usisa pa, wala ka kase sa mood.
“ay sya, uuwi na ako. Magsasaing pa ako. Kita na lang tayo bukas. Sya nga pala, may asignatura tayo sa panitikan. Kailangan daw isumite sa lunes kay sir Castro.” Pamamaalam ko sa ‘yo.
Naging usapan sa ating barangay ang pag uwi ng iyong tatay, pero imbes na maging maganda, pangit ang mga kwento nila. Nakulong daw sa Saudi ang tatay mo. Napagbintangan nagnakaw sa kaibigan ng amo nya, na ang paliwanag daw ng iyong tatay ay gusto sya nitong pagsamantalahan. Ibig sabihin pala nuon eh, kahit lalaki napapagsamantalahan din ng mga arabo sa Saudi? Nakakatakot naman pala sa bansang iyon.
Simula noon ay nag iba na ang ugali ng iyong ama, naging maiinitin ang ulo nito. Kalaunan nabalitaan na lamang naming isinanla ng iyong ina ang pilapilan at ilang pitak ng palayan ninyo para maipagamot ang iyong ama.
“Halika, may ipapakita ako sa ‘yo” araw iyon ng sabado, unang araw ng ating bakasyon. “san naman tayo pupunta?” “sa tumana, may sorpresa ako sa ‘yo” sabay hila mo sa braso ko.
Sa tumana nakita ko ay may 2 bata pa na naka abang na sa ating pagdating, tangan nila ang magkabilang pakpak ng pagkalaki laking papagayo. “ang laking papagayo naman nyan!” bulalas ko “ hindi na papagayo ang tawag dyan, BULADOR na” pagtatama mo sa akin. At doon ay nasaksihan ko kung paano lumipad ang isang bulador, matayog, maingay kesa papagayo. Imbes na sinulid ang tali, tansi na ang gamit nito. Itinali mo ang sumbang nito sa puno ng aratiles sa may sugahan ng kalabaw upang malayang makapamayagpag sa himpapawid na hindi mo na kailangan pang kontrolin..
Iyon na nga ang huli nating pagkikita. Kinabukasan ay lumipat na kayo papuntang norte kung saan taga roon ang iyong ama. Hindi ka man lang nakapag paalam sa akin, ang bulador na iyong iniwan sa tumana, kina umagahan ay hindi na nakita pa. nanduon parin ang tali nito at sumba sa may aratiles, pero wala na ang bulador sa kalawakan. Sabi ng ilang mga bata, nakaligaw daw kagabi. Napatid siguro ang tali sa sobrang bilis ng hangin.
10 taon na ang nakalipas pero naalala ko pa rin ang lahat. Ang ating mga pinag samahan, mga tawanan, mga bakas ng ating kamusmusan. Minahal kita hindi dahil sa kababata kita, marahil ay umusbong ito noong panahon na palagi tayong magkasama. Naramdaman ko na lamang ang kalungkutan at iyong halaga ng mawala ka. Hindi ka man lang sumulat o nagparamdam simula noon. Ni wala na rin kaming nabalitaan sa pamilya ninyo.
Alas tres na pala ng hapon, tamang tama lamang para sa Misa. Medyo malayo din ang lalakarin ko papuntang cathedral.
“Miss, baka matapilok ka sa daan.” Pamilyar sa akin ang boses na iyon. Kumabog bigla ang aking dibdib, at paglingon ko nga ay ikaw ang nakita ko. “Eric ikaw ba yan?”
“not unless may iba pang tao dito sa kalsada” pabirong sagot mo.”halika may ipapakita ako sa ‘yo” sabay hila mo sa kamay ko. parang narinig ko na ang linyang ito, 10 taon na ang nakakaraan, ganitong tagpo rin ng huli mo akong iniwan.
Sa di kalayuan ay nandun ang isang magarang sasakyan, nakaparada sa harapan ng cathedral.
“Eto nga pala ang pasalubong ko para sa ‘yo, wag mo munang bubuksan. Pag uwi mo na lamang. Hindi na nga pala ako magtatagal, magdadapit hapon na, kailangan ko pang mag maneho ng ilang oras. Ipangako mo sa akin hindi ka aalis ng bahay nyo bukas.” Mahaba mong litanya, sabay abot sa akin ng isang maliit na paper bag. Pagkatapos ay lumulan ka na sa iyong sasakyan at tuluyan ng umalis.
Pag uwi ko sa bahay, doon ko lamang nabuksan ang binigay mo sa akin, sa loob nito ay may sulat at ilang pirasong makukulay na papel at sa gitna nito ay may isang singsing..
“ alam kong tampo ka or baka nga galit ka sa akin dahil sa itinagal tagal ng panahon, hindi man lamang ako nagparamdam sa ‘yo. Napakarami na ng aking napag daanan, at sa bawat araw na iyon, tanging alaala ng ating nakaraan ang aking kapiling, mga gunita ng ating kamusmusan ang nagpatibay ng loob ko para marating kung anuman ang aking kinalalagyan sa ngayon.
Wala na si itay, binawian sya ng buhay dahil na rin siguro sa depresyon niya. Si inay naman ay pinalad na makakuha ng maayos na negosyo sa probinsya ni itay sa norte. Inilaban naming ang kaso ni itay sa OWWA at sa embahada ng Saudi, nabigyan ako ng scholarship at heto nga naging maayos naman ang buhay ko. Pero sa kabila noon, nanatiling ikaw ang nasa puso ko.
Naalala mo pa ba nung itanong mo sa akin kung bakit ikaw palagi ang hinihila kong taga talang ng papagayo ko? Di kita sinagot noon. Kaya’t ngayon ay sasabihin ko na sa ‘yo..
Para sa akin, isa akong papagayo noong mga musmos pa tayo. Ikaw ang taga talang ko dahil ikaw ang nagsisilbing inspirasyon ko para lumaban sa mundo. Lumaki tayo at nagkaisip, kaya’t minabuti kong gumawa ng bulador, matayog na ang aking mga pangarap, at hindi na kakayanin liparin ng isang papagayo lamang. Hindi ikaw ang pinapag talang ko ng aking bulador noon dahil ayokong mabigatan ka, ayokong maging pabigat sa ‘yo, iyan ang tamang dahilan. Gusto kong abutin ang aking mga pangarap na hindi kita pinapahirapan, gusto kong lumipad sa himpapawid dala lamang ay ang aking katawan pero ang puso’t diwa ko ay sa ‘yo ko iniwan., hindi ako nagpaalam sa ‘yo na ako’y lilisan, gaya ng nangyari sa bulador ko na iniwan sa ere, kinaumagahan ito ay nawala na lamang.
At ngayon nga ay nagbalik ako upang tupadin ang aking mga pangakong naiwan, ako ang bulador, at ikaw naman ang aking pisi. Ikaw ang silbing tali sa bulador. Ikaw ang aking buhay.
Nagmamahal,
Eric”
Kinabukasan nga ay hinigi mo ang kamay ko sa aking magulang. At gaya ng dati, heto at nandito na naman tayo sa tumana, nagpapalipad ng saranggola n gating mga pangarap.
Oct 19, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Translate
~♥~`~`~`♥~`~`~`♥~`♥~`♥~`♥~`~`~`♥~`~`~`♥~
No comments:
Post a Comment
Please leave a comment: