Isinilang ako sa lugar kung saan ang mga babae ay walang ibang tungkulin kundi maging taong bahay, ang kalalakihan naman marapat na siyang maging haligi ng tahanan, tagapagbanat ng buto.
11 kaming magkakapatid, hindi pa ata uso noon ang family planning ng magpakasal sina itay at inay. dahil nasa gitna ng tumana ang aming munting bahay kubo, kokonti ang kapitbahay kaya't walang mapaglibangan sina inay at itay kundi gumawa ng mumunting anghel na pupuno ng halakhak sa sakahan na amin ng kinalakihan.
mahirap mag alaga ng mga nakababatang kapatid, 3 kuya ko ay nag aaral na sa bayan, ako ang ika 4. 6 na kaliliitang bata ang alagain ko. sina itay at inay ay sa bukid parati para sakahin ang aming palayan.
1 araw ay dumating ang panginoong may lupa sa aming nayon, kinakailangan na daw nila ang lupang aming sinasaka, dahil matagal tagal na rin naman na nanirahan doon sina inay at itay, minana pa nila ito sa kanilang mga magulang, ay binayaran sila ng panginoong maylupa ng may kalakihan din namang halaga. nagpasya sina itay na lumipat kami sa laguna, doon daw namin hahanapin ang kapalarang naghihintay sa amin.
Noong una ay naging napakahirap sa aming lahat ang ginawa naming paglipat, panibagong pakikisama, panibagong mundo. hindi kami sanay sa maingay na lansangan. tuwing pasko lamang kami nakakaluwas ng bayan kung kaya't manghang mangha kami sa mga sasakyan na aming nakikita.
Dahil sanay sa bukid, sina itay at inay ay nangalakal. binibili nila ang mga gulay sa bukid at inilalako sa bayan. maayos ang pagkita nila, nasa 2nd year high school na ako at ang bunso naman namin ay grade 1 na. Ngunit sabi nga nila, walang permanente sa mundo. Isang gabi ay nagising na lamang kami na sumisigaw si itay sa labas ng bahay, humihingi ng saklolo. Si inay, hindi namin alam ay may dinaramdam na palang sakit sa puso. Inatake sya habang naglalakad pauwi sa aming bahay. 5 hakbang na lamang halos at tarangkahan na namin, ngunit binawian ng buhay si inay.
Mula noon ay si itay na ang kumalinga sa amin,dahil may talento si itay sa pag guhit at pagpipinta,kahit papaano ay may kinikita sya lalo na kapag may mayayamang nagpapagawa ng canvass sa kanya, ang 3 kuya ko ay napahinto sa kolehiyo. Nagtrabaho sila habang nag aaral sa gabi, ako naman ay natutong gumawa ng paraan upang magkaron ng pambaon sa eskwela kaming 7 pang magkakapatid.Nagtinda ako ng sundot saging, maruya, at kung minsan ay sumang dapa. Kapag walang pasok at bakante ako, matapos kong maglako ng kakanin ay nagpupunta ako sa kapitbahay naming sastre at tumutulong maglilip ng mga tinahi nyang trahe. Umikot ang aking mundo sa ganitong sitwasyon, pinagkakasya ko ang aking kinikita para pantustos sa pambaon man lamang ng mga nakababata kong kapatid, si itay naman ay hindi rin tumitigil sa pagta trabaho, alam kong nami miss nya si inay pero nilalabanan nya ang lungkot. lagi nyang ipinapaalala na lahat tayo ay mawawala din sa mundo, kaya't kinakailangang maging handa kami anuman ang mangyari. Maaring mauna sya sa amin kaya't kailangan namin maging matatag.
Edad 16 ako noon,nagkaron ng programa sa school namin na drama.Dahil na rin siguro sa bibo ako, napili ako bilang isa sa gaganap.Naging maayos ang lahat, ang mayor namin ay aliw na aliw, makabagbag loob kase ang drama na ginanapan ko. Nagulat na lamang ako 1 araw ng bigyan ako ni Mayor ng scholarship para makapag aral sa Unibersidad ng Pilipinas.Dahil na rin sa hirap ng buhay namin noon,halos hindi malaman ni itay kung paano ako papayagang makapag aral sa maynila.Mabuti na lamang at ang 3 kuya ko ay nagboluntaryong tumulong pambayad sa titirahan ko.
Mahirap ang buhay estudyante,Liberal Arts ang kurso ko.Bukod dito ay nagpa part time library attendant pa ako pantustos man lang sa araw-araw kong pagkain.Nilalakad ko na lamang ang eskwelahan, 1 oras din halos na lakad takbo ang ginagawa ko araw-araw,hindi ako pwedeng mag dyip,kakalam sigurado ang sikmura ko kapag ginamit kong pamasahe ang 2 piso kong baon.
Nasa 2nd year college ako ng maramdaman kong may kakaiba sa pagkatao ko.Mas ginugusto kong manatili sa harapan ng salamin at pinagmamasdan ang sarili ko, ini imagine na isa akong EBA.Hinanap ko ang sarili ko, alam kong magagalit sa akin ang mga kapatid ko, lalong lalo na ang itay. Hindi ko napaglabanan ang lahat, marahil nga ay ito ang nakatakda para sa akin.Dahil narin siguro sa impluwensya ng kursong kinuha ko,natutunan kong tanggapin ang aking panibagong pagkatao.Matagal din akong nagtago kina itay. May araw na dinalaw nila ako ng mga kapatid ko pero dahil sa hindi ko pa maipaalam sa kanila kung ano na ako,minabuti kong wag silang harapin.Nag alala si itay, halos 3 buwan akong hindi umuwi sa amin.Inakala ni itay na may malaki akong problema kaya't panay ang ginawa nyang pagdalaw sa akin, na palagi ko namang hindi hinaharap.
Biniyayaan ako ng magandang boses,sa tangkad kong 5'11 at sa katawan kong hinubog ng panahon noong kabataan ko na naglalako ako ng kakanin, mapapagkamalan talagang isa akong tunay na Eba.Tumatanda na si Itay, 6 ko pang kapatid ang nangangailangan ng tulong upang makaraos sa buhay. Kaya't pikit mata kong tinanggap ang mga alok sa akin upang rumampa sa entablado.Hanggang isang gabi, dinalaw ako ni itay, nagtaka sya dahil nakapagpadala ako ng malaking halaga,nanalo kase ako sa Miss Gay kaya't pinadalahan ko sya para gastusin ng mga kapatid ko.Inakala nya na kung saan ko iyon kinuha kaya't napaluwas sya ng maynila. Hindi ko inaasahan na aabutan nya ako sa isang kahiya hiyang sitwasyon.Nasa entablado ako noon at umaawit ng himig ni Whitney Houston,kilala ni itay ang timbre ng boses ko.Di sya pwedeng magkamali na ako ang nasa entablado.
Para akong binuhusan ng kumukulong tubig, hindi sya gumawa ng eskandalo.Tumalikod lamang sya ng makita nyang nakatingin ako sa kanya. Alam kong nasaktan ko sya.Sino nga ba namang magulang ang matutuwang makita ang anak na lalake, nakabihis ng traheng pambabae.Simula noon ay hindi na nya ako dinalaw.Pati mga kapatid kong lalake hindi na rin ako pinuntahan, alam ko itinakwil na nila ako.Pero gayunpaman,patuloy ko parin pinadadalhan sila ng pang gastos,minsang nagpapadala ako sa banko, sinabi ng teller na ang laki na daw ng laman ng account na hinuhulugan ko. Napaiyak na lamang ako, hindi pala kinukuha ni itay ang mga pinadadala kong pera para sa kanila.Talagang galit nga sya.
Dito ako nagsimulang mangarap,nag iisa na lamang ako sa mundo, tinalikuran na ako ng pamilya ko.Matapos kong maka graduate sa kolehiyo,hindi ko pinutol ang pagrampa ko sa entablado.Hindi ko ininda ang sakit na nararamdaman ko,gusto kong ibangon ang sarili ko.Hindi para sa akin kundi para ipakita kina itay na wala akong ginagawang masama, na hindi ako lumalabag sa kasulatan ng bibliya. OO, isa akong eba sa katawan ni adan pero ni minsan hindi ko sinubukang umibig sa isang tunay na adan.Pinigilan ko ang sarili kong malubog sa putikan.
Makalipas ang 20 taon,umuwi ako ng Pilipinas. Hinanap ko ang pamilyang aking naiwan,ngunit ganun na lamang ang gulat ko ng malamang propesyunal na lahat ang mga kapatid ko. 3 kuya ko ay nakasakay na sa barko, may kani kaniya ng pamilya, 2 babae kong kapatid ay nars na sa PGH, 3 kapatid ko pang mga babae din ay nagta trabaho na sa multi national company at si bunso ay isa ng tanyag na manunulat sa pinilakang tabing. Naluha ako ng magkita kita kaming magkakapatid,dahil nasa barko sina kuya ang 6 na babaeng kapatid ko na lamang ang nakita ko.Doon ay itinanong ko kung asan si itay,imbes na sagutin nila ang tanong ko, minabuti nilang isama ako sa kinaroroonan nito.
Hindi ko napigilan ang mapaiyak ng dalhin ako ng mga kapatid ko kay itay, naroon sya sa silid kung saan nya ginagawa ang kanyang mga iginuguhit na canvass, sa gitna noon ay ang pagkalaki laking portrait ko, naiguhit nya pala ang itsura ko noong gabing makita nya ako sa gay contest, kung saan huli kaming nagkita. Sa ilalim ng pigura ko ay may nakatitulong " ang anak na nagbigay ng karangalan sa kanyang ama sa larangan ng Sining"
Sa tagpong iyon ay walang namutawi sa aking bibig kundi ang salitang "Salamat itay". Wari'y nawala lahat ng bigat sa dibdib ko, niyakap ko si itay at walang humpay naman niyang hinagod ang likod ko sabay sabing " tapos na ang lahat anak, salamat bumalik ka sa piling ko.Hindi kita ikinahiya noong mapanood kita sa entablado, ikinahiya ko ang sarili ko dahil ginagawa mo iyon para makapagpadala ka sa amin at maiahon kami ng mga kapatid mo, simula noon ay nagsikap akong igapang ang mga kapatid mo dahil ayokong maging pabigat pa kami sa dinadala mo.Naiintindihan ko noong panahong iyon na masyado kang nalilito sa tunay mong pagkatao kaya't minabuti naming lumayo sa iyo"
Noon ko napatunayan na ang pagmamahal ng magulang sa anak ay hindi matatabunan ng anumang kahihiyan o galit. Tinanggap ako ni itay kung ano ako, hindi sya nagtanong kung bakit ako naging ganito. Dahil doon ay lalo ko syang hinangaan. Hindi lamang sya isang ama ng tahanan, isa syang mabuting ama...
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Translate
~♥~`~`~`♥~`~`~`♥~`♥~`♥~`♥~`~`~`♥~`~`~`♥~
No comments:
Post a Comment
Please leave a comment: