Apr 16, 2009

GAMU-GAMO

"kanina ko pa sinasabi sa 'yo janet, wag kang maglaro dyan sa tabi ng ilawan, baka mag-ihi ka sa pagtulog mo" si nanay yun, pinagsasabihan na naman ako

"nay, malayo naman ako sa apoy, saka anino lang naman pinaglalaruan ko hindi yung ningas!" pangangatwiran ko

at itinuloy ko parin ang paglalaro ko sa anino ng aking mga kamay, kay daming imahe nitong nagagawa sa dingding ng aming munting tahanan.

"nay, bakit ang gamu-gamo, mahilig lumapit sa apoy?" minsang tanong ko kay nanay

"siguro nabibighani sila sa liwanag na ibinibigay ng apoy"

"eh bakit hindi sila natatakot kapag nasusunog sila pag napapalapit sila sa apoy?" walang muwang na usisa ko

"hindi nila kase naiisip ang mangyayari sa kanila, kaya ayun nasusunog sila"

"eh kase naman nanay, wala siguro silang utak, ang liit lang ng ulo nila eh, syempre hindi kakasya ang utak dun!" sabay tawanan namin ni nanay.

Halos 20 taon na rin ang lumipas simula ng mapag usapan namin ni nanay ang gamu-gamo, marami ng nangyari sa aming mga buhay. ang dating kubo namin na bahay, bungalow na ngayon. ang sakahan na dating inaararo ng kalabaw namin na si matikas, subdivision na ngayon. si tatay, wala na. si nanay na lamang ang kapiling namin ng mga kapatid ko.

masaya naman kami kahit papaano.

"ate, kailangan mo ba talagang umalis? ayos naman ang trabaho mo sa maynila ah" samo ng kapatid kong bunso

"arlene, kung hindi ako aalis,baka hanggang high school lang ang matapos mo. tingnan mo ang ate Rhona at kuya ronald mo, malapit na rin maka graduate,malaking pera ang kailangan natin para sa pag-aaral nyo" mahabang paliwanag ko.

"janet, anak, wag mong kakalimutan ang mga bilin ko. hanapin mo agad ang tya lucing mo pag dating mo sa singapore."paalala ni nanay

"ate, pag andun ka na mag apply ka agad ng immigrant, susunod agad kami ni ronald dun para makasama mo. tapos kunin natin sina nanay" isa pang ilusyunada itong kapatid ko.

"pwede ba kambal, magtapos agad kayo. wag na kayo gumimik kasama ng mga kaibigan nyo, mayaman sila, mahirap tayo" muli kong sermon sa kambal kong kapatid.

"basta anak, wag mong kalilimutan ang mga pangaral ko sa iyo" huling habilin ni nanay bago kami nagkahiwa-hiwalay.

Lumaki ako sa probinsya,nag aral sa public school at naging mabait naman ang Maykapal, biniyayaan ako ng talino. Ito ang naging daan ko upang makapasok sa Unibersidad ng Pilipinas bilang scholar. Mahirap na masaya, yan ang masasabi ko sa naging buhay kolehiyala ko, eskwelahan - boarding house, ito ang naging ruta ko sa loob ng 4 na taon.

Dahil narin siguro sa lakas ni nanay sa pananalig sa KANYA, natanggap ako sa Land Transport Authority ng Singapore bilang emplyeyado.

SINGAPORE

"Miss Tenorio, have you recieved the papers regarding Serangoon Mrt drafts?" si Mr Naidu, boss ko.

"yes, i'm bringing it home to study further" "ok lah, but must submit that before thursday" sabay talikod nito sa akin.

Hindi madali ang trabaho ko,madaming calculations at pagrerebisa ng mga plano sa ginagawang mrt stations ang kinakaharap ko. stressful sabi nga nila. pero sa sweldo na lang ako tumitingin, tutal iyon naman ang ipinunta ko dito talaga.

"ano ba yan Janet,parang hindi ka na kumakain ah, Heto tikman mo niluto ko 'to share na tayo" si kuya rudy, isa sa mga pinoy na nasa grupo ko. matagal na sya dito sa singapore, halos 4 na taon na rin
sya dito sa LTA. sa lahat ng mga kagrupo ko, sya ang pinaka malapit sa akin.

"kuya nakakahiya naman sa 'yo,may baon naman ako eh"

"ano bang hiya-hiya, oras na ng tanghalian, hindi ka binabayadan dito para magkasakit" sobrang maalalahanin si kuya rudy.

"ayos kuya ah, sarap ng luto. galing ng mrs mo magtimpla" papuri ko sa ulam na binigay nya

"kuya ka dyan! rudy na lang. di naman tayo nagkakalayo ng edad eh. Ilan taon ka na ba?" tanong nya

"26 po"

"sus, 31 pa lang ako eh" sabay salin nya ng kanin sa plato ko.

"tama na, ok na yung nakain ko. busog na ko" sa totoo lang bitin ako sa baon ko, half cup rice lang ito dahil nagtitipid ako.

"para namang mas marami pa yung kanin ng pusa ko kesa dun sa kinain mo eh, ubusin mo yan"

Palaging ganito kami ni Rudy, magkasabay kumain sa araw-araw,hinihintay nya ako tuwing uwian. kalmitan sabay kaming sumasakay ng mrt pauwi. hougang ako, sa sengkang naman sya.

Halos 5 buwan din ang lumipas, nagkapalagayan kami ng loob. Halos na ikwento na nya sa akin ang naging buhay nya.

"yung mrs ko hindi naka graduate, bata pa kase kami nung magpakasal. ayun nabuntis ko agad kaya hindi na nagtapos" minsan nagku kwentuhan kami.

"2 ang anak namin,yung panganay namin grade 6 na. si bunso naman grade 3, maya-maya lang may dalaga na ako." sabay ngiti nya

"naku sana naman wag magmana sa inyo yung anak nyo, maagang lumandi" sabay tapik ko sa braso nya

"loka, kahit ganun ang nangyari sa amin, naging mabuti naman akong ama at asawa. hindi ko kelanman sila ginutom"
eto ang hinangaan ko sa kanya, para tuloy nakikita ko sa kanyaang katauhan ni itay. namayapa si tatay 2 taon matapos kong maka graduate. Hindi nya kami iniwanan ng kahit anong problema,may insurance sya kaya't iyon ang ginamit namin upang maka-agdon sa buhay.

"ang swerte naman ng mga anak mo, may mabuting tatay sila"

"oo, meron silang mabuting tatay, may walangya naman silang nanay" sabay lungkot ng mukha nya.

"bakit may problema ba?" usisa ko

"ibinalita kase sa akin ng kapatid ko, madalas daw makita sa mga bar na gimikan ng kabataan ang mrs ko. sabagay, 30 anyos pa lang sya. at hindi nya naranasan gumimik dahil maaga nga kami nag-asawa"

"pero hindi sapat na dahilan yun para magka ganun sya" nakikita ko ang lungkot sa kanyang mga mata.


May ilang buwan pa ang lumipas, natagpuan ko na lang ang aking sarili na nakakulong na sa kanyang mga bisig.

"tama ba itong ginagawa natin?" tanong ko sa kanya

"walang bawal sa nagmamahalan, tandaan mo yan janet." sabay akap nya sa akin.

may maitututol ba ako gayong ramdam ko naman ang pagmamahal nya sa akin. At nag desisyon ako na makisama sa kanya. Namuhay kami na parang mag-asawa. Halos may 3 taon na kaming nagsasama.

"mahal, buntis ata ako.."

"ano?! sigurado ka?" gulat na anong nya

"oo, kase nag test na ako kanina, 2 guhit na pula yung lumabas, paano ito?" nag-aalalang tanong ko

"ano ka ba, eh di itutuloy mo yan. ayaw mo nun, magiging mommy ka na" sabay halik nya sa aking pisngi.


Nararamdaman ko ang pagmamahal nya, ngunit bakit parang hindi ako masaya. Hindi naman nya ako pinababayaan, lahat ng pangangailangan ko naibibigay nya.
Maituturing ko na talagang napaka swerte at sya ang magiging ama ng aking anak.

Ngunit hindi lahat ng araw ay masaya.

"mahal, emergency. kailangan kong umuwi muna sa Pinas.Yung kapatid ko, inatake sa puso.Patay." sabay sa pagsasabi nito sa akin ay naghahanda sya ng maleta para paglagyan ng gamit.

"mga hanggang kelan ka dun? tanong ko sa kanya

"hanggang mailibing lang siguro, mag iingat ka dito. wag kang kikilos ng kikilos, masyado pang maliit si baby sa tyan mo,3months pa lang, baka mapano yan ha" at muli ipinadama nya sa akin ang pagiging importante ko sa buhay nya.

Pagkarating pa lang nya sa Pilipinas, panay na ang habilin at tawag nya. para daw wag kong maramdaman ang pagkawala nya sa tabi ko.

Araw-araw tumatawag sya, bukod pa ang tawag sa opisina at sa bahay.Habang lumilipas ang mga araw, hindi nya nakakalimutan ang tawagan ako. hanggang isang araw..

"hello mahal, ang aga mo naman tumawag natutulog pa 'ko.." alam ko na sya lang ang tatawag ng ganun kaaga

"ikaw ba ang babae ng asawa ko?!" boses babae ang nasa kabilang linya
nalito ako, hindi agad ako nakapagsalita

"ang kapal naman ng mukha mo na manira ng pamilya, may kakulangan na ba ng lalake sa singapore at pati may asawang tao, kinakalantari mo?!" walang patid na bulalas ng babae.
"baka gusto mong idemanda kita at ng mapauwi ka dito sa pilipinas,
wag ang asawa ko ang landiin mo, maghanap ka ng binata na papatol sa 'yo wag mong isiksik ang sarili mo sa pamilyadong tao.."


hindi ko na tinapos pa ang sasabihin nya, ini off ko na ang telepono at saka nag iiyak.
masama ba ang magmahal?
bawal ba ang magmahal ng totoo?
bawal ba ang nararamdaman ko?

at dito ko naisip ang aking kabataan. ang mga pangaral ni nanay. ang GAMU-GAMO na walang utak at lumapit sa apoy kaya't sya'y nasunog.

PILIPINAS

"ate, ang ganda mo ngayon ha. ang puti mo na!" sabay yakap sa akin ni Rhona

"asan si nanay?" usisa ko sa kanya

"andun ate sa bahay, hindi na sumama, naghahanda kase para sa 'yong pagbabalikbayan"panay ang hawak sa aking mga kamay ng kapatid kong bunso. halatang na miss talaga ako.

"nay, patawarin nyo po ako...naging marupok ako sa tukso" humahagulhol na kumpisal ko kay nanay

"sshhh...anak, hindi na importante kung ano ang nangyari. ang mahalaga ay nagising ka sa bangungot. hindi pa huli ang lahat." malumanay na hinagod ni nanay ang aking likuran
"hindi mo maaring ituwid ang isang mali ng isa pang pagkakamali, kung ipaglalaban mo ang bawal ninyong pag-ibig, hindi lamang buhay ng pamilya ni rudy ang masisira, maging ang buhay ng iyong magiging anak"
"tama lamang na nangyari ito sa iyo ngayon, dahil kung tumagal pa siguro ay mas lalu kang mahihirapan" patuloy nyang pangaral.

"isisilang ko po na walang ama ang aking anak, 'nay. kawawa naman po siya" patuloy kong iyak

"noong ginagawa ninyo ang kasalanan, naisip mo ba ang maaring maging bunga? masyado kang naganyak sa init na ibinigay sa iyo ni rudy."


Isinilang ko ang aking anak sa aming probinsya, nagbalik ako sa singapore, ngunit hindi na sa LTA. Huling nabalitaan ko kay Rudy, lumipat na daw ito sa canada at kasama na ang kanyang pamilya.

Maihahalintulad ko ang aking buhay sa isang gamu-gamo, masyado akong naakit sa init ng pagmamahal ni rudy, init ng pagmamahal na tumupok sa buo kong pagkatao.


Pero hindi pa huli ang lahat, maari ko pang ituwid ang buhay ko.

Kasama ng aking anak, haharapin ko ang liwanag.

Ngunit sa pagkakataon na ito, haharapin ko ito ng may pag-iingat...
_________________

Apr 6, 2009

Penitensya

Tumitikatik na naman ang pawis sa aking noo, sobrang init ng araw.
Katanghaliang tapat kase, at sa haba ng nilakad ko mula sa terminal ng bus hanggang dito sa cathedral ay talagang tutulo ang pawis ko.

"Tay, madami kaya ngayon ang sasama sa penitensya? May mga lalatiguhin kaya ulit?" tanong ng bata na nasa aking likuran sa kanyang ama.

"mamaya makikita natin, malapit na tayo sa simbahan, ubusin mo na yang kinakain mo" sagot nito.

mataman kong pinagmasdan ang mag-ama,tangan nito sa kaliwang kamay ang kanyang anak, habang ang bata naman ay panay ang subo sa ice cream na hawak nito. tatawid kami ng daan at naghihintay mag berde ang traffic light na nasa kabilang kalsada.

Parang kaylan lamang ay ganito rin kaming mag-ama.mahilig kaming magpunta sa plaza at sa simbahan tuwing semana santa. nanonood kami ng mga taong nagpipinetensya. Si tatay ay nagta trabaho sa munisipyo noon, si inay naman ay kumadrona ng bayan namin. 4 kaming magkakapatid, ako ang bunso.
tahimik kaming namumuhay sa aming baryo sa bayan ng santa anastacia, isang bayan na masasabi kong makaluma ang itsura. mapagpaniwala sa mga pamahiin at sabihin pa, madaling maniwala sa mga milagro o kababalaghan.

hindi mayaman ang aming bayan, puro araruhan at tumana ang makikita mo sa tabi ng hi-way na nagdudugtong sa aming bayan papunta sa mga
probinsya sa norte. pagsasaka, palaisdaan at kalimitan ay pagtatanim ng gulay ang ikinabubuhay ng mga tao sa min. ngunit may kasabihan nga,
walang permanente sa mundo kundi pagbabago. at dito nagsimula ang aking kwento.

"san ka na naman ba pupunta martin? maano bang dumito ka na muna sa bahay. Linggo na nga lamang tayo nagkakasama-sama eh lalabas ka pa" himutok ni ina.
"may patanim ngayon sa bukid, mas mainam ng naroon ako, baka mamaya nyan eh dayain ako sa partihan. alam mo naman ang mga tao ngayon." sabay labas ni itay sa aming munting bahay.

Nagpapautang sina inay at itay sa mga magsasaka sa bukid. 25 porsyento ng ani ay isinusulit sa amin bilang parte o mas madaling sabihin eh pinaka interes sa nahiram nilang pera.

Tuwing may paani, dumadalaw si itay sa bukid, binabantayan at inaalam kung tama ba ang magiging parte nya sa mga sinaka. may mga panahon pa nga na naiilit niya ang lupang sakahan, kapag hindi nakakabayad ang mga pinauutang niya, kinakabig nya ang lupang sakahan ng mga ito.

nasa kolehiyo na ako noon, sina kuya naman at ate ay may mga trabaho na. mula maynila ay umuwi ako sa aming probinsya, nagulat ako sa laki ng ipinagbago ng aming bahay.

mas malaki na ito kaysa dati, may mga taong naninilbihan sa aming bahay. mga anak daw ng mga magsasaka sa amin. namamasukan na lamang upang makabayad kina itay sa utang.

ang dating bakuran namin na natataniman ng mga gulay,ngayon ay may mga kambing, baka at ilang kalabaw ng naka pastol. masasabi kong umaasenso na ang buhay namin.

"ser, eto na po ang kape ninyo. sabi po ng inyong ama hihintayin na lang daw nya kayo sa likod bahay kapag natapos na kayo sa pamamahinga" mahabang sabi ng inutusan ni ama.

"matagal na ba kayo dito?" tanong ko sa bata.
"mga ilang buwan na po, simula po noong nailit ang aming lupa" malungkot ang mukha nya.

"ganun ba, ano ba ang nangyari at nailit ang luoa nyo?" muli kong tanong sa kanya.

"Gener, anak, anu ba at pati bata ay kinakausap mo. nailit ang lupa nila dahil tamad mag araro ang tatay nya." hindi ko napansin, nakalapit na pala si itay sa amin.
tumalikod na lamang ang bata, halatang napapahikbi ito.

sa may ilang araw na pamamalagi ko sa aming bahay, lalu kong nakilala ang mga naninilbihan sa amin. halos naroroon sila dahil sa utang kay itay.

"tay, labis-labis na ang kinikita nina kuya at ate para sa pang gastos ninyo. malaki na rin ang kinikita ng bukirin. bakit hindi nyo na lamang tigilan ang pagpapa-utang?"

"nalalaman mo ba ang sinasabi mo?" pagalit na tanong ni itay.
"kase 'tay yung mga bata dito na naninilbihan sa atin, imbes na nag-aaral sila, hayan at andito sa bahay.hindi ka ba naaawa sa kanila?" paliwanag ko sa kanya

"eh kung yung mga magulang nga nila eh hindi naawa sa kanila, ako pa kaya? pwede ba Gener, ibahin mo ang negosyo sa kawang gawa. hindi ako pulitiko para mamigay ng pera"

iba na talaga ang ugali ni itay, parang hindi na sya ang dating tao na nakilala ko. umiikot na sya sa pera, na kung tutuusin naman ay hindi nya kailangan. malaki na ang ipinadadalang pera sa kanya nina ate at mga kuya ko. hindi na nya kailangan pa magpatubo sa mga magsasaka sa aming bayan.

Naging malapad ang lupain namin, may mga magsasaka na rin kami. sabihin pa'y naging matagumpay si itay sa negosyo na sinimulan nya. nag retiro na si inay bilang kumadrona, mas gusto kase ni itay na nasa bahay na lamang ito, tutal daw naman ay maayos na ang pamumuhay namin.

"mang bestre, ang aga nyo ata napapasyal dito sa amin?" bungad ko sa matandang lalake na nasa aming balkonahe.
"eh mangyari po, hihingi sana ako ng tulong kay senyor martin. nasa ospital kase ang aking anak, bibiyakin daw ang tyan dahil hindi kayang manganak ng normal.eh wala naman kaming ibang malalapitan kundi kayo, nakakahiya man ho, pero talagang wala na po akong alam na pwedeng lapitan. eto ho at dala ko ang titulo ng lupa namin" mahabang salaysay ni mang bestre.

"yaan nyo ho, makaka recover din agad ang anak nyo" sagot ko.

"iyon na nga ho ang masakit, hindi po tinanggap ni senyor martin ang alok ko. malayo daw at nasa may gilid ng bangin ang lupa na iniaalok ko. sige po, mauna na ako, kay mayor muna ako lalapit.

Ganito na ba kaganid si itay sa pera? hindi ko na talaga sya maintindihan.

KASALUKUYAN.

Pagkatawid sa kalsada ay dumiretso ako sa tindahan, ilang mineral water ang aking binili, sinamahan ko na rin ng straw. Mas madaling inumin ito kung sisipsipin na lamang. Sa may tabi ng kalsada, doon ako pumwesto. At gaya ng dati, may ilan na taon na ang nakakaraan, naririto akong muli, nag aabang ng prusisyon.
Nag aabang sa mga nagpipinetensya, nag aabang sa lalakeng may bitbit ng krus.

Pagkaraan lamang ng ilang saglit, iniluwa na ng plaza ang mga taong kasama sa sinakulo at penitensya. Hanap ng aking mata ang lalakeng may bitbit ng krus, at ng matagpuan ko ito, kusa na akong lumapit sa kanya. Gaya ng dati, madugo na ang likod nito, pawisan ang mukha, ngunit may ngiti na sa kanyang labi habang pina sisipsip ko sya sa straw
upang makainom ng tubig.

"salamat." salitang namutawi sa labi niya.sabay nakita ko ang pag agos ng luha sa kanyang mga mata.

Sa puntong iyon ay hindi ko na kinaya ang lahat, naging masama man ang taong ito, ang lahat ay may kapatawaran.Ilang taon na niyang pinagsisisihan at ilang taon na rin niyang binibitbit ang krus sa kanyang balikat upang ipakita ang kanyang pagsisisi hindi lamang sa KANYA kundi sa lahat.

"tay, sapat na po ang lahat. maari ka ng mamahinga.napatawad ka na NIYA."

"hindi anak, kulang pa ito. sa laki ng kasalanan kong nagawa sa mga taong inagrabyado ko, hindi sapat ang penitensya kahit pa taun-taon kong gawin ito" pagpapatuloy nya,
"ang anak ni bestre, namatay ng dahil sa kadamutan ko, ang asawa ni teban, hindi ko pinahiram ng pera kaya't namatay ito. mga lupa nila isinanla sa akin, ginipit ko sila para maangkin iyon. anak, huli na ng maintindihan ko ang lahat, na hindi sapat ang pera,ang iyong inay, may sakit. at hanggang ngayon ay wala pang naiimbento na kagamutan. madami akong pera ngunit hindi nito kayang bilhin ang buhay ng iyong ina.tanging ito na lamang ang alam kong paraan upang humingi ng kapatawaran sa lahat ng aking kasalanan.
bibitbitin ko ang krus na ito habang ako'y nabubuhay."


Sabay sa aking pagtayo ay kinuha ko ang krus na dala dala nya, inilagay ko iyon sa aking balikat. Ipagpapatuloy ko ang kanyang nasimulan, para kay inay,na umaasa ng kagalingan. para kay itay, na umaasam ng kapatawaran.

at mula ngayon, ako na ang bagong mukha na makikita sa santa anastacia, ang lalakeng nagbubuhat ng krus. hindi nakamaskara, humihingi ng pag-asa.

Translate

~♥~`~`~`♥~`~`~`♥~`♥~`♥~`♥~`~`~`♥~`~`~`♥~

Subscribe via email

Enter your email address:

Delivered by FeedBurner

 
;