Apr 16, 2009

GAMU-GAMO

"kanina ko pa sinasabi sa 'yo janet, wag kang maglaro dyan sa tabi ng ilawan, baka mag-ihi ka sa pagtulog mo" si nanay yun, pinagsasabihan na naman ako

"nay, malayo naman ako sa apoy, saka anino lang naman pinaglalaruan ko hindi yung ningas!" pangangatwiran ko

at itinuloy ko parin ang paglalaro ko sa anino ng aking mga kamay, kay daming imahe nitong nagagawa sa dingding ng aming munting tahanan.

"nay, bakit ang gamu-gamo, mahilig lumapit sa apoy?" minsang tanong ko kay nanay

"siguro nabibighani sila sa liwanag na ibinibigay ng apoy"

"eh bakit hindi sila natatakot kapag nasusunog sila pag napapalapit sila sa apoy?" walang muwang na usisa ko

"hindi nila kase naiisip ang mangyayari sa kanila, kaya ayun nasusunog sila"

"eh kase naman nanay, wala siguro silang utak, ang liit lang ng ulo nila eh, syempre hindi kakasya ang utak dun!" sabay tawanan namin ni nanay.

Halos 20 taon na rin ang lumipas simula ng mapag usapan namin ni nanay ang gamu-gamo, marami ng nangyari sa aming mga buhay. ang dating kubo namin na bahay, bungalow na ngayon. ang sakahan na dating inaararo ng kalabaw namin na si matikas, subdivision na ngayon. si tatay, wala na. si nanay na lamang ang kapiling namin ng mga kapatid ko.

masaya naman kami kahit papaano.

"ate, kailangan mo ba talagang umalis? ayos naman ang trabaho mo sa maynila ah" samo ng kapatid kong bunso

"arlene, kung hindi ako aalis,baka hanggang high school lang ang matapos mo. tingnan mo ang ate Rhona at kuya ronald mo, malapit na rin maka graduate,malaking pera ang kailangan natin para sa pag-aaral nyo" mahabang paliwanag ko.

"janet, anak, wag mong kakalimutan ang mga bilin ko. hanapin mo agad ang tya lucing mo pag dating mo sa singapore."paalala ni nanay

"ate, pag andun ka na mag apply ka agad ng immigrant, susunod agad kami ni ronald dun para makasama mo. tapos kunin natin sina nanay" isa pang ilusyunada itong kapatid ko.

"pwede ba kambal, magtapos agad kayo. wag na kayo gumimik kasama ng mga kaibigan nyo, mayaman sila, mahirap tayo" muli kong sermon sa kambal kong kapatid.

"basta anak, wag mong kalilimutan ang mga pangaral ko sa iyo" huling habilin ni nanay bago kami nagkahiwa-hiwalay.

Lumaki ako sa probinsya,nag aral sa public school at naging mabait naman ang Maykapal, biniyayaan ako ng talino. Ito ang naging daan ko upang makapasok sa Unibersidad ng Pilipinas bilang scholar. Mahirap na masaya, yan ang masasabi ko sa naging buhay kolehiyala ko, eskwelahan - boarding house, ito ang naging ruta ko sa loob ng 4 na taon.

Dahil narin siguro sa lakas ni nanay sa pananalig sa KANYA, natanggap ako sa Land Transport Authority ng Singapore bilang emplyeyado.

SINGAPORE

"Miss Tenorio, have you recieved the papers regarding Serangoon Mrt drafts?" si Mr Naidu, boss ko.

"yes, i'm bringing it home to study further" "ok lah, but must submit that before thursday" sabay talikod nito sa akin.

Hindi madali ang trabaho ko,madaming calculations at pagrerebisa ng mga plano sa ginagawang mrt stations ang kinakaharap ko. stressful sabi nga nila. pero sa sweldo na lang ako tumitingin, tutal iyon naman ang ipinunta ko dito talaga.

"ano ba yan Janet,parang hindi ka na kumakain ah, Heto tikman mo niluto ko 'to share na tayo" si kuya rudy, isa sa mga pinoy na nasa grupo ko. matagal na sya dito sa singapore, halos 4 na taon na rin
sya dito sa LTA. sa lahat ng mga kagrupo ko, sya ang pinaka malapit sa akin.

"kuya nakakahiya naman sa 'yo,may baon naman ako eh"

"ano bang hiya-hiya, oras na ng tanghalian, hindi ka binabayadan dito para magkasakit" sobrang maalalahanin si kuya rudy.

"ayos kuya ah, sarap ng luto. galing ng mrs mo magtimpla" papuri ko sa ulam na binigay nya

"kuya ka dyan! rudy na lang. di naman tayo nagkakalayo ng edad eh. Ilan taon ka na ba?" tanong nya

"26 po"

"sus, 31 pa lang ako eh" sabay salin nya ng kanin sa plato ko.

"tama na, ok na yung nakain ko. busog na ko" sa totoo lang bitin ako sa baon ko, half cup rice lang ito dahil nagtitipid ako.

"para namang mas marami pa yung kanin ng pusa ko kesa dun sa kinain mo eh, ubusin mo yan"

Palaging ganito kami ni Rudy, magkasabay kumain sa araw-araw,hinihintay nya ako tuwing uwian. kalmitan sabay kaming sumasakay ng mrt pauwi. hougang ako, sa sengkang naman sya.

Halos 5 buwan din ang lumipas, nagkapalagayan kami ng loob. Halos na ikwento na nya sa akin ang naging buhay nya.

"yung mrs ko hindi naka graduate, bata pa kase kami nung magpakasal. ayun nabuntis ko agad kaya hindi na nagtapos" minsan nagku kwentuhan kami.

"2 ang anak namin,yung panganay namin grade 6 na. si bunso naman grade 3, maya-maya lang may dalaga na ako." sabay ngiti nya

"naku sana naman wag magmana sa inyo yung anak nyo, maagang lumandi" sabay tapik ko sa braso nya

"loka, kahit ganun ang nangyari sa amin, naging mabuti naman akong ama at asawa. hindi ko kelanman sila ginutom"
eto ang hinangaan ko sa kanya, para tuloy nakikita ko sa kanyaang katauhan ni itay. namayapa si tatay 2 taon matapos kong maka graduate. Hindi nya kami iniwanan ng kahit anong problema,may insurance sya kaya't iyon ang ginamit namin upang maka-agdon sa buhay.

"ang swerte naman ng mga anak mo, may mabuting tatay sila"

"oo, meron silang mabuting tatay, may walangya naman silang nanay" sabay lungkot ng mukha nya.

"bakit may problema ba?" usisa ko

"ibinalita kase sa akin ng kapatid ko, madalas daw makita sa mga bar na gimikan ng kabataan ang mrs ko. sabagay, 30 anyos pa lang sya. at hindi nya naranasan gumimik dahil maaga nga kami nag-asawa"

"pero hindi sapat na dahilan yun para magka ganun sya" nakikita ko ang lungkot sa kanyang mga mata.


May ilang buwan pa ang lumipas, natagpuan ko na lang ang aking sarili na nakakulong na sa kanyang mga bisig.

"tama ba itong ginagawa natin?" tanong ko sa kanya

"walang bawal sa nagmamahalan, tandaan mo yan janet." sabay akap nya sa akin.

may maitututol ba ako gayong ramdam ko naman ang pagmamahal nya sa akin. At nag desisyon ako na makisama sa kanya. Namuhay kami na parang mag-asawa. Halos may 3 taon na kaming nagsasama.

"mahal, buntis ata ako.."

"ano?! sigurado ka?" gulat na anong nya

"oo, kase nag test na ako kanina, 2 guhit na pula yung lumabas, paano ito?" nag-aalalang tanong ko

"ano ka ba, eh di itutuloy mo yan. ayaw mo nun, magiging mommy ka na" sabay halik nya sa aking pisngi.


Nararamdaman ko ang pagmamahal nya, ngunit bakit parang hindi ako masaya. Hindi naman nya ako pinababayaan, lahat ng pangangailangan ko naibibigay nya.
Maituturing ko na talagang napaka swerte at sya ang magiging ama ng aking anak.

Ngunit hindi lahat ng araw ay masaya.

"mahal, emergency. kailangan kong umuwi muna sa Pinas.Yung kapatid ko, inatake sa puso.Patay." sabay sa pagsasabi nito sa akin ay naghahanda sya ng maleta para paglagyan ng gamit.

"mga hanggang kelan ka dun? tanong ko sa kanya

"hanggang mailibing lang siguro, mag iingat ka dito. wag kang kikilos ng kikilos, masyado pang maliit si baby sa tyan mo,3months pa lang, baka mapano yan ha" at muli ipinadama nya sa akin ang pagiging importante ko sa buhay nya.

Pagkarating pa lang nya sa Pilipinas, panay na ang habilin at tawag nya. para daw wag kong maramdaman ang pagkawala nya sa tabi ko.

Araw-araw tumatawag sya, bukod pa ang tawag sa opisina at sa bahay.Habang lumilipas ang mga araw, hindi nya nakakalimutan ang tawagan ako. hanggang isang araw..

"hello mahal, ang aga mo naman tumawag natutulog pa 'ko.." alam ko na sya lang ang tatawag ng ganun kaaga

"ikaw ba ang babae ng asawa ko?!" boses babae ang nasa kabilang linya
nalito ako, hindi agad ako nakapagsalita

"ang kapal naman ng mukha mo na manira ng pamilya, may kakulangan na ba ng lalake sa singapore at pati may asawang tao, kinakalantari mo?!" walang patid na bulalas ng babae.
"baka gusto mong idemanda kita at ng mapauwi ka dito sa pilipinas,
wag ang asawa ko ang landiin mo, maghanap ka ng binata na papatol sa 'yo wag mong isiksik ang sarili mo sa pamilyadong tao.."


hindi ko na tinapos pa ang sasabihin nya, ini off ko na ang telepono at saka nag iiyak.
masama ba ang magmahal?
bawal ba ang magmahal ng totoo?
bawal ba ang nararamdaman ko?

at dito ko naisip ang aking kabataan. ang mga pangaral ni nanay. ang GAMU-GAMO na walang utak at lumapit sa apoy kaya't sya'y nasunog.

PILIPINAS

"ate, ang ganda mo ngayon ha. ang puti mo na!" sabay yakap sa akin ni Rhona

"asan si nanay?" usisa ko sa kanya

"andun ate sa bahay, hindi na sumama, naghahanda kase para sa 'yong pagbabalikbayan"panay ang hawak sa aking mga kamay ng kapatid kong bunso. halatang na miss talaga ako.

"nay, patawarin nyo po ako...naging marupok ako sa tukso" humahagulhol na kumpisal ko kay nanay

"sshhh...anak, hindi na importante kung ano ang nangyari. ang mahalaga ay nagising ka sa bangungot. hindi pa huli ang lahat." malumanay na hinagod ni nanay ang aking likuran
"hindi mo maaring ituwid ang isang mali ng isa pang pagkakamali, kung ipaglalaban mo ang bawal ninyong pag-ibig, hindi lamang buhay ng pamilya ni rudy ang masisira, maging ang buhay ng iyong magiging anak"
"tama lamang na nangyari ito sa iyo ngayon, dahil kung tumagal pa siguro ay mas lalu kang mahihirapan" patuloy nyang pangaral.

"isisilang ko po na walang ama ang aking anak, 'nay. kawawa naman po siya" patuloy kong iyak

"noong ginagawa ninyo ang kasalanan, naisip mo ba ang maaring maging bunga? masyado kang naganyak sa init na ibinigay sa iyo ni rudy."


Isinilang ko ang aking anak sa aming probinsya, nagbalik ako sa singapore, ngunit hindi na sa LTA. Huling nabalitaan ko kay Rudy, lumipat na daw ito sa canada at kasama na ang kanyang pamilya.

Maihahalintulad ko ang aking buhay sa isang gamu-gamo, masyado akong naakit sa init ng pagmamahal ni rudy, init ng pagmamahal na tumupok sa buo kong pagkatao.


Pero hindi pa huli ang lahat, maari ko pang ituwid ang buhay ko.

Kasama ng aking anak, haharapin ko ang liwanag.

Ngunit sa pagkakataon na ito, haharapin ko ito ng may pag-iingat...
_________________

No comments:

Post a Comment

Please leave a comment:

Translate

~♥~`~`~`♥~`~`~`♥~`♥~`♥~`♥~`~`~`♥~`~`~`♥~

Subscribe via email

Enter your email address:

Delivered by FeedBurner

 
;