nay,
alam kong magugulat ka sa liham na ito. sino ba naman ang mag-aakala na susulatan pa kita.
nakita ko kase ang mga lumang litrato sa aparador nina lola, at isa-isa kong binuklat ang bawat pahina.
tama nga si lola, ikaw ang isa sa pinaka magandang dilag sa ating lugar noong kabataan mo pa.
maganda ang hubog ng iyong katawan, maganda ang iyong mukha, siguro nga, sa 'yo ako nagmana.
o, wag ka ng kumontra, nakikini-kinita ko na naman ang pagtaas ng kilay at pag singkit ng iyong mga mata.
hindi nakakapagtaka kung bakit marami ang nanligaw sa 'yo, maganda ka kase.
kwento nga ni lola, lagi ka daw inaakyat ng ligaw ng mga taga kabilang ibayo.
nagtatanong ang aking mga mata, kung marami kang manlilgaw dati, bakit lumaki ako na walang ama?
at gaya ng dati, hindi ko na kailangang i memorize ang sagot dyan, dahil paliwanag mo nga, kailanman ay wag na natin pag usapan
ang bagay na nakakapag paalala ng mapait na nakaraan.
sino ba naman ang gugustuhing maalala ang kanyang nakaraan lalu na't ito'y puno ng kadiliman.
ipinanganak akong walang ama, isa kang disgrasyada. isa kang biktima.
hinalay ka noong nag-aaral ka ng kolehiyo. walang makapagsabi kung ilan sila o kung sino.
ang huling natatandaan mo lamang, may humila sa 'yo sa daan papuntang bahay na inuupahan mo.
gustuhin mo mang mag demanda, hindi mo naman kilala sila kung sino.
wala kang lakas ng loob harapin ang lahat na mag-isa, maging sina lola walang nagawa para sa 'yo.
mahirap hanapin ang mga taong lumapastangan sa 'yo, gang member's nga sila di ba sabi mo.
doon na nagsimula ang bangungot sa buhay mo.
hindi ka na nakatapos sa pag-aaral. natakot ka ng makihalubilo sa mga tao.
natakot ka ng humarap sa mga nanliligaw sa 'yo. natakot ka ng mabuhay sa mundo.
ngunit sadyang mapaglaro sa 'yo ang tadhana, at ibinigay ako ng Diyos sa iyo.
marami ang nagpayo sa 'yo na ipalaglag na lamang ako.
na walang kwenta ang buhay mo kung itutuloy mong ipagbuntis ako.
na walang lalake ang magkakagusto pa sa 'yo kapag isinilang mo ako dahil magiging tagapag paalala
lamang ako ng madilim mong nakaraan.
ilang beses ka nga ba ipinahilot ng mga tyahin mo para lang malaglag ako?
saan saan ka nga ba pinapaghakot ng timba-timbang tubig ng mga kapatid mo para lang maagas ako
nakailang cortal at ilang galon nga ba ng katas ng makabuhay ang nainom mo mawala lamang ako
at nakailang ulit ka nga bang nangumpisal para sa lahat ng mga nagawa mo.
sabi mo nga, ako ang naging dahilan kung bakit lumaban kang mabuhay sa mundo.
ako ang naging daan upang lumabas ka sa dilim ng kahapon at humarap sa liwanag na dala ng bukas.
ako ang nagbalik ng sigla sa buhay mo, ang nagbigay kulay sa bagong mundo mo.
ipinaglaban mo na mabuhay ako. kahit kapalit nito ay kahihiyan para sa pamilya mo.
lumaki ako na ikaw ang kaagapay ko.
tanging haplos ng mga kamay mo ang nakakapag patimo sa mga luhang pumapatak ula sa mga mata ko.
ang bisig mo ang nagsilbing tanggulan ko kapag ako'y natatakot.
ang mga yakap mo ang nagpapahiwatig ng pagmamahal na kailanman ay hindi ko mahihingi sa ibang tao.
halos gawin mong araw ang gabi, maigapang lamang ang pag-aaral ko.
hindi mo binigyang lugar ang pansarili mong kaligayahan, ang mahalaga lamang para sa 'yo ay ang makitang masaya ako.
nakapagtapos ako ng kolehiyo na ikaw lamang ang naging kaagapay ko.
kelanman ay hindi kita nakitaan ng panghihina. lagi kang masaya.
tulad ng mga nasa litrato sa lumang aparador ni lola, ganoong ngiti ang nabungaran ko ng ibalita ko sa 'yo na may trabaho na ako.
naaalala mo pa ba ang unang buwan ng pagta trabaho ko, unang araw pa lang inililista ko na ang mga balak kong bilhin pagdating ng
unang sweldo ko. mga pampaganda, damit, sapatos, pabango. sabi mo nga baka sa haba ng listahan ko malamang kulang pa ang sasahudin ko.
tinatanong kita kung ano ang gusto mo, siguro nahihiya ka lang, kase wala kang isinagot. tinalikuran mo lang ako.
at ng mahawakan ko na ang unang sweldo ko, inisa isa ko ang listahan ko.
bigla kang lumitaw sa alaala ko.
umuwi agad ako ng bahay, nasa kusina ka noon, nagluluto.nagulat ka pa nga at nagtaka bakit maaga ako.
akala mo magsa shopping ako. nagulat ka ng iabot ko sa yo ang sweldo ko, buong-buo. sabay niyakap kita.
alam ko kase, hindi sapat ang sweldo ko para ipambayad sa mga utang ko sa 'yo. mula ng pagpasyahan mong isilang ako sa mundo.
napaka sayang tagpo natin iyon na kailanman ay hindi ko malilimutan.
kinabukasan, sinundo kita sa bahay upang ipasyal.namili tayo ng ilang damit mo, ilang gamit mo at mga kailangan natin sa bahay.
Nang walang anu-ano,nabangga ang FX na ating sinasakyan. hindi ko na alam ang nangyari. nagising na lamang ako na si lola ang nasa aking tabi.
lumipas pa ang ilang araw, hinanap kita. sabi ni lola saka ko na lamang daw ikaw puntahan kapag maayos na ang aking kalagayan. ok ka lang daw. namamahinga.
paglabas ko ng ospital, hiniling ko kina lola na makita ka. tumango naman sila.
at sa sementeryo nila ako dinala.ikinwento nila ang mga pangyayari, halos 4 na linggo akong walang malay.
Ng maaksidente tayo, naging malubha ang mga pinsala mo. natagpuan nila ang katawan natin sa loob ng fx, yakap mo ako
habang ang likuran mo ay nadadaganan ng bus na nakabanggaan ng sinasakyan natin. dahil sa yakap mo, ito ang naging proteksyon upang hindi maging
malubha ang mga pinsala ko. tanging mata ko lamang ang nagkaroon ng malaking pinsala. tinamaan ng mga basag na bubog at nabulag.
buhay pa tayo ng dalhin sa ospital at nakailang araw pa tayong inoobserbahan, dahil wala akong malay, sa lahat, sina lola ang nakakausap mo.
2 araw ka lamang nanatili sa ospital at binawian ka na ng buhay, at heto nga, ibinigay mo sa akin ang mga mata mo. mga mata na ilaw ng buhay ko.
saan ka man naroon ngayon inay, nagpapasalamat ako. na minsan sa buhay ko, may naging ISANG INA NA TULAD mo.
nagmamahal,
nene
May 3, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Translate
~♥~`~`~`♥~`~`~`♥~`♥~`♥~`♥~`~`~`♥~`~`~`♥~
No comments:
Post a Comment
Please leave a comment: