sa edad mo ngayon, nalaman mo na ba kung anong silbi mo sa mundo?
Tandang tanda ko pa,nagbubukang liwayway pa lamang ay nasa MIA na ako kasama ang kumpletong miyembro ng pamilya. Iyakan, yakapan at walang ubos na pagbibilin ang naging pabaon sa akin ng aking pamilya. Tumulak ako papuntang Singapore dala ang pag-asa na mag aahon sa aking pamilya sa kahirapan ng buhay.
Taong 1982, sa gubatan ng Bukit Timah nakatirik ang isang may kalakihan ngunit may kalumaang bahay. Ito ang tahanan ni Madam Cho kasama ang kanyang 3 mga anak at asawa. Mabait sila sa akin, itinuring nila ako na kapamilya. Naging saksi ako kung paano umunlad ang Singapore, mula sa lumang bahay, napalipat kami sa ChinaTown noong 1995. Umasenso ang pamilya Cho dahil sa pangangalakal ng iba't ibang tela galing sa China.
Gaya ng mga punong kahoy,yumabong ang kanilang negosyo. Nagsipag aral sa ibang bansa ang kanilang 3 anak at tanging si Madam Cho ang kanyang asawa at ako ang naiwan.Muli, lumipat kami sa mas de kalidad na bahay, isang bungalow ang ipinatayo ni Mr Cho sa Kembangan ang aming nilipatan.
Pumutok ang sakit na SARS, dito sinubukan ng panahon ang katatagan ng pamilya na aking nakasama sa may ilang taon na nagdaan. Namatay si Mr Cho, tanging ako lamang ang naging kaagapay ni Madam Cho dahil ayaw nya pabalikin ng Singapore ang kanyang mga anak sa takot sa epidemya na kumakalat.
2005, umuwi ako ng Pinas upang magbakasyon. napakalaki na ng ipinagbago sa aming lugar. Ang dating araruhan sa likod bahay, ngayon ay isang malaking Palengke na. Ang aming munting kubo, ngayon ay isang bungalow na, katabi ang mga bahay ng 2 ko pang kapatid na napapagtapos ko ng komersiyo at arkitektura.
Matay ko man isipin kung gaano kalaki ang nagawa kong kaginhawahan sa aking pamilya, masasabi ko pa rin na hindi ako masaya.
nag iisa lamang ako.
walang asawa, walang mga anak, walang kaagapay sa pagtanda...
Nagka edad ako sa paninilbihan sa ibang bansa upang mabigyan ng magandang bukas ang aking mga kapatid at pamilya. Masagana na sila, hindi na nila kailangan pa ang tulong ko.
Tumulak ako pabalik ng Singapore. Gaya ng dati, tanging nakangiting mukha ng may edad na ring Madam Cho ang aking nabungaran sa may tarangkahan. Hindi daw nya akalain na magbabalik pa ako kaya't nagpakuha sya ng caregiver sa kakilalang Ahensya.
Nagkasakit si Madam Cho, ipinatawag nya ang kanyang mga anak, si Wei liang na nakabase sa Estados Unidos, si Au meng na sa Toronto na naninirahan at si Lay Chu na sa China namamalagi . Lahat sila ay nagsidating. Matapos ang may ilang araw, binawian ng buhay si Madam Cho.
At habang nasa harapan ako ng kanyang labi, napagmuni-muni ko kung ilang taon ko na nga ba sya kasama.
Mga bata pa lamang sina Wei Liang, Au meng at Lay Chu, ako pa noon ang taga pagpaligo sa likod bahay sa 3 makukulit na bata. Ngayon may kani-kaniya na silang pamilya. Sabay napatingin ako sa aking mga kamay, ang dating banat na mga balat, ngayon ay may mga kulubot na. Napahawak ako sa aking pisngi, ang dating makinis kong mukha, ngayon ay may mga kulubot na rin. Sign of age sabi nga ng anak ni Wei Liang. Doon ko nabilang, 27 taon akong nanilbihan sa pamilya Cho. Naging tagasilbi, kaibigan, kapamilya sa mga taong hindi ko aakalain na tatagalan ko ng mahigit sa 2 dekada.
Napatayo ako sa aking kinauupuan, sabay dungaw ko sa mga labi ni Madam Cho. Hindi ko na napigilan ang mga luhang namamalisbis mula sa aking mga mata. Ngayon na wala na si madam Cho, saan ko pa ilalagay ang aking sarili. Uuwi na lamang ba ako sa Pilipinas, makikisama sa mga kapatid at pamangkin ko, mag aalaga ng mga apo? Hindi ko na alam kung paano.
Makalipas ang 10 araw, magkakaharap kami sa mesa habang binabasa ng abugado ng pamilya ang mga huling habilin ni Madam Cho. Ipinamana sa kanyang mga anak ang ilang ari-arian, mga alahas at kagamitan sa bahay.Tanging isang maliit na kahon ang iniabot sa akin ni Wei Liang, kasama ang sobre na naglalaman ng aking ticket pabalik sa Pilipinas.
Sa loob ng aking silid, mataman kong pinag masdan ang kahon na iniwan ni Madam Cho. Naglalaman iyon ng mga litrato noong kami ay magkakasama pa. Mga litrato ng 27 taon kong paninilbihan sa kanila. At isang tarheta, na may nakalagay na Ahensya ng Home for the Aged.
Kalakip ng tarheta ay isang sulat kamay ni Madam Cho, "Please call after go back country"
Dala marahil ng kuryosidad,1 linggo pagkarating ko sa Pinas, nagpasya ako na puntahan na lamang ang nasabing ahensya. Doon ay nakilala ko si Teresa, isang Pinay na nagta trabaho bilang volunteer. Kilala nila ako, isa sa aking ikinamangha, sapagkat welcome na welcome ako sa kanila. Matapos akong mapapag meryenda at mailibot sa kanilang gusali, ay isinama ako ni Teresa at 1 staff sa isang kwarto. Napakagara ng kwarto na iyon, kumpleto sa gamit, mula sa banyo hanggang sa mga cabinet. At sa aking pagka gulat ay nakita ko sa ibabaw ng mesita ang aking larawan kasama si Madam Cho.
"Ipinatayo po ni Madam Cho ang gusaling ito sa pag-alala sa inyo. Ang kwartong ito ay sadyang naka reserba sa inyo,isa po kayo sa mga magpapalakad ng institusyon na ito, ang mga anak ni Madam Cho na po ang bahalang magsabi sa inyo ng mga detalye."
At ngayon, sa may ilang buwan na ipinamalagi ko sa institusyon na ito, masasabi kong nagkaroon din pala ng silbi ang 27 taon na paninilbihan ko. Wala man akong pamilya, pero may mga tao na handang umalalay at gumabay sa akin hanggang sa pagtanda ko. Kasama ko silang magpapatakbo at kakalinga sa mga matatanda na kababayan ko.
Aug 17, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Translate
~♥~`~`~`♥~`~`~`♥~`♥~`♥~`♥~`~`~`♥~`~`~`♥~
No comments:
Post a Comment
Please leave a comment: