"krissy, pose na!"
nagulat ako sa sigaw na iyon, nakalimot ako. nagpi pictorial nga pala kami dito sa butterfly park. at bayad ang bawat oras na dumadaan.
hindi ko na namalayan ang mga minutong dumaan, pose dito, pose doon. hanggang sa mamalikmata ako sa isang napakagandang paruparo.
kakaiba ang kulay nito, nakakabighani. maliit ngunit napakagandang tingnan, at sa aking pagkagulat, dumapo ito sa aking nakabukas na palad.
naglakbay ang aking diwa, sabay sa bawat click ng camera ay ang pag-inog ng aking gunita.
"san ka na naman pupunta? gagala ka na naman?" litanya ni jon, live-in partner ko.
"may pictorial lang kami sa sentosa, sayang din yun kahit papano pang allowance ko" hindi ko naman kailangan magpaliwanag, pero bakit ba nagpapaliwanag ako.
"anong oras ka na naman makakauwi nyan? kung sini-sino na naman mga kasama mo" dagdag pa nya.
2 beses sa 1 buwan, inaanyayahan ako ng mga kaibigan ko upang mag pictorial, nabiyayaan ako ng maamong mukha, may kurbang katawan at mahabang buhok. angkop na angkop sa tema na maka kalikasan. siguro ay ito na rin ang rason kung bakit tuwing may pictorial tungkol sa kalikasan ay ako ang kanilang inaanyayahan.
mabait si jon, isang marketing executive dito sa singapore. may 3 anak, hiwalay sa asawa. nagkakilala kami noong panahon na wala akong trabaho. tourist lang ang visa ko noon at kinailangan ko ng isang permanent resident para mag extend sa visa ko. kaibigan sya ng nakilala ko sa Lucky Plaza. at simula noon ay naging mabuti rin kaming magkaibigan. hindi ko maipaliwanag kung bakit 1 araw, nagising na lamang ako na kami na palang dalawa.
ilang taon na nga ba kaming nagsasama? mula 2004 hanggang ngayon, halos 6 na taon na.
kapag tinatanong ako ng aking mga kakilala kung anu ba ang plano namin 2, ngiti na lamang ang isinasagot ko. dahil ako mismo ay hindi alam kung ano nga ba ang aming plano.
hindi alam ng aking pamilya ang estado ni jon, hindi nila alam na hiwalay ito at may 3 anak. ayokong malaman nila dahil nahihiya ako, hindi dahil sa estado nya, kundi sa sitwasyon na pinasok ko. madaming binata, pero bakit sa kanya ako sumama. yan ang magiging sumbat ng pamilya ko.
marami na akong isinakripisyo. nagsisilbi akong ilaw ni jon sa gitna ng dilim. kapag nagigipit sya, andito ako. kapag meron syang problema, andito rin ako. at tuwing may magandang nangyayari sa buhay nya, andito parin ako na umaalalay sa kanya.
minsan naitatanong ko sa sarili ko, hanggang kailan ba ako dapat makisama sa kanya. gusto ko rin magkaroon ng sariling pamilya, mga anak. Isang esposo na makakasama sa pagtupad ng aming mga pangarap at makakasama hanggang sa pagtanda.
hindi ako ipokrita, alam kong hindi si jon ang tao na nababagay sa aking pangarap. ngunit hindi ko maipaliwanag kung bakit hindi ko sya maiwan. bakit hindi ako makalayo sa kanya.
"krissy, time is up ! pack-up na tayo" isang sigaw mula kay ritchie. hudyat ng pagtatapos ng aming pictorial.
at noon ko lamang napuna, nasa mga palad ko pa rin ang paruparo.
tumayo ako at ito'y lumipad, kasama ng ibang paruparo na nagsisiliparan sa loob ng garden. nakabukas ang pintuan ngunit hindi sila lumalabas.
sinubukan kong ibukas ng maluwang ang pinto kung lalabas sila, may 3 minuto akong nakatayo at nakahawak sa nakabukas na pintuan naghihintay ng lalabas na paruparo ngunit ni 1 man sa kanila ay walang lumabas, wari'y ayaw kumawala sa hawla na kanilang kinalalagyan.
at mula dito ay naintindihan ko ang lahat. na ako ay isa rin kagaya nila, isang paruparo sa nakabukas na hawla. may pagkakataon na lumabas at makawala ngunit mas pinipili ang manatili sa loob. kung bakit, hindi ko pa sa ngayon masasagot yan...
kung hanggang kailan ako mananatili sa aking hawla, hindi ko pa alam...
Jan 23, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Translate
~♥~`~`~`♥~`~`~`♥~`♥~`♥~`♥~`~`~`♥~`~`~`♥~
i like the way you write stories... keep it up... :)
ReplyDelete