Apr 17, 2010

Sinayang na buhay

Anlamig ng hangin, palibhasa bagong tapos lang ang ulan, basa pa halos ang semento na dinadaanan ko.

Saan nga ba ako patutungo? ah, level 16. At habang pinipindot ko ang numero 16 sa tabi ng dahon ng elevator, ay naglayag ang aking diwa.

2005 ng makarating ako ng Singapore. Naghanap ako ng trabaho unang araw ko pa lamang dito, hindi naging madali ang lahat. Kinailangan ko pang umuwi ng 3 beses bago ako tuluyang nakapasok sa trabaho.

2006 naging maayos naman ang aking trabaho, minsan nahihirapan pero dahil na rin sa napili kong linya na marketing, nasanay na rin ako sa pakikihalubilo sa iba't ibang klase ng tao.

2007, yumao si itay. sa laki ng nagastos namin sa kanya, napilitan akong mangutang sa credit card sa tulong ng kakilala kong ahente, kailangan nya maka quota kaya't ginawan nya ng paraan na maayos ang apply ko sa card na naging matagumpay naman kaya't nakabayad ako kahit papaano sa iba naming pagkakautang.

2008 naging PR ako, napakasaya ng pangyayaring ito dahil nabigyan ako ng mas malaking sahod sa aming kumpanya. Marahil ay ayaw nilang umalis ako kaya't tinaasan ng may $400 ang aking sweldo.

ngunit hindi ito naging sapat, dahil na rin sa nature ng trabaho ko na marketing, napasama ako sa mga alta sosyedad na mga local. Naging mabilis ang aking pag gastos, dahil PR nga ako, natukso akong mag loan ng sabay-sabay sa mga banko. Nakisabay ako sa lipad ng mga kasama ko, kung saan sila nagbabakasyon, sumasama ako.
Isang pagkakamali ko na hindi ko namalayan agad.

2009 dahil na rin sa laki ng mga utang ko, nag declare ako ng bankruptcy.
ang mga kaibigan ko dati na kasa-kasama sa lahat ng lakad, biglang naglaho na parang bula. May pinadalhan pa nga ako ng SMS ang reply ba naman sa akin "HU U?" as in parang last year lang eh kasama ko pa syang nagsa shopping sa orchard. tapos ngayon di na ako kakilala. Lumiit ang aking mundo, nalaman sa kumpanya ang problema ko, at mula sa pagiging marketing ay ibinaba ang posisyon ko as personnel na lamang, pati sahod ko ay nabawasan ng may halos $1500. na ikinalungkot ko at ikinabahala.

at ngayon nga 2010, hindi ko na alam kung ano ang mga nangyayari, wari'y nawiwindang ako sa bawat araw na dumadaan.


ding dong ! level 16.


napakurap ako, andito na pala ako sa pinaka mataas na palapag ng aming building. Sabay sa aking pag hakbang ay ang pag usal ko ng panalangin, ipinikit ko ang aking mga mata ng may ilang ulit upang hindi tumulo ang luha na kanina ko pa pinipigil.

Malamig ang dapyo ng hangin, wari'y nakikipagsabayan sa aking nararamdaman. Tama ba ang aking gagawin?

Ilang araw ko na itong pinag planuhan, sa dami ng mga naniningil sa akin sa aking mga pagkaka utang, sa dami ng mga tao na nahihiya akong harapin dahil alam na marahil nilang ako ay isang bankrupt, na maraming utang na halos kulang na lamang ay wag kumain sa maghapon para pagkasyahin ang natitirang pera pagkatapos ng swelduhan. Parang hindi ko na kayang humarap sa aking pamilya.

Isa...dalawa..ikatlong hakbang at ako'y tuluyan ng tumalon mula sa ika 16 na palapag....

at habang ako ay nahuhulog, nadaanan ko ang floor ng aking mga kakilala sa building na aking tinitirahan.

sa level 15 ay namataan ko si Mr Choo habang nakaharap sa salamin ay nagsusukat ng bra. Isa syang matipunong lalake, anu at mayroon pala syang itinatagong sikreto, marahil ay ito ang kanyang problema.

sa level 12 ay nadaanan ko ang mag asawang Hanna at George, mayaman sila at may award pa nga last december as best couple of the year, anu itong aking nakikita, binubugbog at sinasaktan ni George si Hanna.

sa level 10 naman ay naroroon ang byudang si Mrs Ghan, hanggang ngayon ay nakatulala.

at sa level 7 naman ay nadaanan ko si Lyka, ang babaeng walang mga paa, hayun at nasa may veranda.

sa level 6 ay nakita ko si Mr Lau, isang tao na maysakit na cancer, kailan lamang ay nagpa chemo pa sya ngunit wala na daw pag asa.

napapikit na lamang ako, sa ilang floor na aking nadaanan ay nakita ko ang kanilang mga buhay kapag wala sa harap ng karamihan. Na mayroon din pala silang dinadalang pasakit at problema.

Gaya ko, may malaki rin silang probema. At bago ako bumagsak sa ground ng aming building ay saka lamang nagliwanag ang aking isip.

Napakaliit lamang pala ng aking problema kumpara sa mga tao na nadaanan ko sa ilang palapag nung ako ay nagpasyang tumalon upang tapusin ang aking buhay. Pera lamang ang aking problema, samantalang sila ay mismong buhay na nila ang problema pero hayun at hindi nakakaisip na tapusin ang lahat sa paraan ng pagpapatiwakal.

at sa pagsayad ng aking katawan sa ground, ang huling natatandaan ko na lamang ay nakita ko silang lahat na dumungaw sa kanilang bintana sabay napailing sa panghihinayang sa buhay na aking winakasan.


****


Apr 14, 2010

regalo

Paano nga ba natin mapapasaya ang ating magulang?

June 14, 2009

6:42PM

"hello anak, ang daddy kakausapin ka daw at may sasabihin " mommy ko ang nasa kabilang linya habang ipinapasa ang telepono sa aking ama.

"chok, fiesta ngayon dito sa atin, madaming bisita, andito mga kumare at pare mo. Naulit ko sa kanila na maganda dyan sa Singapore, ipinakikita ko ngayon ang mga picture na iyong pinadala" mahaba nyang bungad sa akin.

Isang retirado ang aking ama, sa edad na 64 hindi pa nya naranasan lumabas ng bansa. Ginugol nya ang kanyang mga taon sa pagtatrabaho.
Ayaw pa nga nyang mag retired, napilitan lamang dahil sumasakit na ang kanyang mga buto dahil sa arthritis. 3 beses ng naoperahan sa puso ang aking ama, at lahat iyon ay matapang nyang hinarap.

Isang ordinaryong empleyado sa gobyerno ang aking ama, hindi kami mayaman at hindi ko rin naman masasabing kami ay mahirap. Kumbaga tama lang. Nasa middle class. Isang teacher ang aking ina. Sa aming probinsya sa Laguna ako nag aral mula elementarya hanggang sa makatapos ng kolehiyo. At pagka graduate nga ay pinalad na makarating dito sa Singapore.

Sa 5 taon na pagta trabaho ko dito, ni minsan ay hindi pa ako umuwi sa Pilipinas. Kalimitan ay si mommy ang dumadalaw sa akin. gustuhin man ni daddy na sumama, hindi naman nya kakayanin ang byahe. Naka wheelchair na si daddy, iginupo ng sakit na arthitis ang kanyang kalusugan. Siguro ay dahil na rin sa sobrang inom ng beer noong kabataan nya kaya tumaas ng tumaas ang uric acid sa kanyang katawan.

August 30, 2009

Malapit na ang birthday ni daddy, siguro naman ay sapat na ang aking naipon para ipambili ng isang espesyal na regalo para sa kanya. Ipapadala ko na lamang
sa fedex para mabilis.

"hello mommy, musta kayo dyan?" bungad ko sa aking ina
"eto, laging puyat, di magpatulog ang daddy mo laging masakit ang paa" reklamo nya
"ipa check up mo kase para malaman kung ano gagawin"
"regular naman ang check up eh, tag ulan kaya ganito. laging malamig at naulan" paliwanag nya

Hindi ko na tuloy nabanggit ang tungkol sa regalo ko na ipapadala kay daddy.

September 27, 2009

11:40am

"hello chok, anak ang daddy ay nahihirapan ng huminga, ilang araw ng hindi makakain ng ayos laging masakit ang katawan nahihirapan ng bumangon" umiiyak na tawag sa akin ni mommy.

"dalhin nyo na sa ospital para mai confined, mahirap yang ganyan" utos ko sa kanya
"ayaw na ni dr Ho na dadalhin sa ospital, ganun at ganun din daw naman ang gagawin, anak nahihirapan na ang daddy..." walang humpay nyang iyak
kasunod noon ay ipinasa nya kay daddy ang telepono

"elo chok .." ramdam ko ang hirap nya sa paghinga, nahihirapan syang magsalita
"hello daddy, anong nararamdaman mo? " pinalalakas ko lang ang aking loob sa pakikipag usap sa kanya
"hirap na akong huminga..."
"gusto mo uuwi ako para magkita tayo?" pigil ko ang aking luha
"wag na, baka mawalan ka ng trabaho dahil uuwi ka. mahirap makahanap ngayon ng trabaho..." sabay ubo nya ng mahina na parang nahihirapan na.

Hindi ko na kinayanan, ibinaba ko na ang telepono at umiyak. Gusto kong umuwi, pero ayaw ni daddy dahil sa natatakot syang mawalan ako ng trabaho. kahit kailan workaholic ang daddy ko. Di bale ng maysakit basta nakakapasok, katwiran nya, mahirap mawalan ng ipapakain sa pamilya.

9:20PM

"anak, nasa hospital na kami. andito mga kumare at kumpare mo nagbabantay at nadalaw sa daddy" masayang tawag ni mommy
"o, di ayos atleast may kasama ka jan, dala mo ang laptop para makapag chat tayo at magkita sa webcam"
"bukas na lamang at gabi na" sabay tapos nya sa aming pag uusap.


September 28, 2009

9:01am

"hello chok, mayamaya ay bubuksan ko ang laptop at tayo eh mag internet" mommy ko ulit
"ok, mag aayos lang ako at para bago pumasok eh nakahanda na ako" sabay pasok ko sa banyo para maligo.

Makalipas ang may 30 minutes muling tumawag si mommy

"anak..." habang humahagulhol ng iyak " ang daddy ipinasok na ulit sa ICU, nag 70/40 ang blood pressure" walang tigil sya sa paghagulhol
"hindi na ba pwede makita kahit sa webcam ang daddy?" iyon na lamang ang aking naging sagot
"tatawagan kita maya maya titingnan ko muna ang daddy" sabay putol nya sa aming pag uusap.

9:45am habang papatawid ako sa MRT area

"chok...ang daddy...pina pump na. iiwan na tayo ng daddy mo.." iyon na lamang ang huli kong naintindihan, tila gumuho sa akin ang lahat.

Hindi ko namalayan, nakaliban na pala ako ng MRT habang umaagos ang luha sa aking mga mata. Ang ama na hindi ko man lang nakita ng may 5 taon, hayun at kami'y iiwan na.

September 29, 2009

Laguna.

Kapapasok ko pa lamang sa bahay ay sinalubong na ako ng may ilang kamag-anak, umiiyak sila. Hindi ko na naintindihan ang kanilang mga sinasabi.
Lumapit ako sa kinahihimlayan ni daddy, payapa at mukhang nakangiti sya sa kanyang pagkaka himlay. Marahil ay talagang gusto na nyang mamahinga.

"dad, sorry ha, matigas ang ulo ko. Eto umuwi parin ako." sabay dukot ko sa aking bulsa.
"dad, eto nga pala ang gift ko sa birthday mo..." at binuksan ko ang ilang piraso ng mga papel sa harapan nya.
"pinag ipunan ko ito, alam kong gustong gusto mong makapasyal sa mga lugar na nakita mo sa mga pictures ko."

hindi ko na napigilan ang pag agos ng luha sa aking mga mata.

Sayang hindi na nya nakita ang plane ticket na binili ko para sa kanya, pinag ipunan kong maibili sila ni mommy ng business class sa Singapore Airlines upang maging kumportable ang kanyang byahe....

isang regalo na kailanman ay hindi na nya nakita.



*****

to let you go

I was 5 years old nung una akong nagkaroon ng duyan sa ilalim ng punong mangga, tuwang tuwa ako habang urong sulong ka sa pag ugoy
sa akin, tila walang katapusan ang ating tawanan, hanggang sinabi ko sa 'yo na pwede mo na akong bitawan.

Kahit alanganin ka dahil sa pag aalala na baka ako mahulog, nanaig parin ang aking kakulitan, sinabi ko naman sa 'yo kayang kaya ko na,
kaya't maari ka ng bumitaw sa duyan.

Grade 6 ako ng bilhan mo ako ng gitara. Nasa likod kita habang tinuturuan mo akong tumipa sa strings sabay sa himig ng kanta ni Pilita.

Paulit ulit mo akong tinuruan, hanggang sa matuto ako at muli sinabi ko sa 'yo na maari mo na akong bitawan.

Ikaw ang naging gabay ko sa aking paglaki, kapag may nakakagalit ako, ikaw ang unang nagtatanggol sa akin.

You've been my hero, naging idol kita hanggang sa makatapos ako ng pag aaral.

I met my husband to be, at habang naglalakad ako palapit sa altar, lalung umigting ang hawak mo sa aking mga palad. Parang ayaw mo akong bitiwan at ibigay sa lalakeng handang makasama ko habambuhay.

Sabay sa pag agos ng luha sa iyong mga mata, ay ibinulong ko sa 'yo "dad, i'll be okay, pwede mo na akong bitawan"

Ikaw ang isa sa reason kung paano ko naabot ang aking mga pangarap.

Tandang-tanda ko pa noong aalis ako para mag migrate sa canada kasama ang aking pamilya, umiiyak ka. Ayaw mong magkalayo tayo.
Natatakot ka na sa paglayo ko ay hindi ko kayanin ang mamuhay sa bagong mundo ko, at gaya ng dati, sinabi ko sa 'yo "i'll be okay daddy, kakayanin ko ito"

Years have passed na parang hindi ko namamalayan.

Nakatanggap na lamang ako ng tawag na nasa hospital ka at masama ang kalagayan.
Hindi ko alam kung paano tatanggapin ang sinabi ng doctor mo, that you only have few days to live.
Paulit-ulit mo akong tinatawag kaya't hindi ako umaalis sa tabi ng iyong kama. Hindi ko lubos maisip that the strongest man that i know was here in the hospital, lying in bed, hopeless. Malaki na ang itinanda.

At muli, naglakbay ang aking diwa. Kung paano mo ako inalagaan.
Kung paano mo ako kinalinga at ginabayan.


Umaagos ang luha sa aking mga mata, kita'y niyakap sabay binulungan "Dad, you have to let go. I'll be okay. Kaya ko ng mabuhay mag-isa sa mundo."
Isang pisil sa kamay ang naging sagot mo, sign na naiintindihan mo ako.

"i love you dad, pwede ka ng bumitaw, mommy is waiting for you now..."


***

Translate

~♥~`~`~`♥~`~`~`♥~`♥~`♥~`♥~`~`~`♥~`~`~`♥~

Subscribe via email

Enter your email address:

Delivered by FeedBurner

 
;