Jan 19, 2011

facebook

30 taon. 

Panahon pa ng rehimeng Marcos ng ako ay tumulak papunta sa bansa ng mga niyebe. Hindi ako tumakas, manapay, naging timing lang ang tawag ng tungkulin upang ako'y manilbihan sa bansang Switzerland. 

Isa akong Nurse. 

Sabi nila, mapagkalinga daw ang mga Pilipino. Magagaling magtrabaho. Kung kaya't pinalad akong makapag trabaho sa bansang kailanman ay hindi ko pa nakikita maski sa litrato. 

Baon ay yakap mula sa aking mga magulang at kapamilya, luha ko ay hindi mapigilan sa bawat minuto ng pag hihintay sa isang tao na kailanman ay hindi nawalay sa aking isipan. 

Sya si Greg. 
Isang arkitekto. Second year college ako ng makilala sya at maging kasintahan. Ayaw nya akong umalis ng bansa, dangan lamang at kinakailangan dahil na rin sa hirap ng buhay at kalagayan ng ating bansa. Masyado ng magulo, ayokong manatili ang aking pamilya sa P. Tuazon na laging may ligalig at ambang kapahamakan mula sa rehimeng nanunungkulan. 

Isang halik at ilang patak ng luha sa bisig ng Greg sabay bulong na "hintayin mo ako mahal" ang aking iniwan. 

Madalas akong sumulat sa aking pamilya, at kasabay nito ay ang liham din para kay Greg. 

1986, EDSA Revolution. bumungad sa akin ang balita na malaya na sa rehimeng Marcos ang Pilipinas. Nagbalik na ang demokrasya. 
Ngunit kasabay nito ay ang pagdating ng sulat mula sa aking kapatid, na si Greg ay ikakasal na sa kaibigan na malapit sa aming dalawa. 

Masakit. Hindi ko alam kung paano ko paglalabanan ang kirot na nadarama ko. Ang tao na minahal ko ng may 10 taon, ngayon ay nawala na. Hindi ko alam kung paano sisisihin ang sarili ko. Bakit ko pa kase kinailangang iwan sya, bakit mas inuna ko pa ang aking mga pangarap kaysa makasama ang pinakamamahal ko. 

Bakit nagkaroon ako ng kaibigan na pinagtiwalaan ko, yun pala ay aahasin at kukunin ang mahal ko. 

Ibinuhos ko ang lahat sa trabaho. Hindi ako umuwi ng Pilipinas. Ayoko ng maalala ang sakit. Ayokong malaman ang anuman tungkol sa kanya at sa kanyang pamilya. Isinarado ko na ang puso ko. 
Ayokong maalala ang taong tumalikod sa aming sumpaan. 

Marso 2010. 

"Auntie you should use facebook to reconnect with your friends, it's fun you know" pagrerekomenda ng madaldal kong pamangkin. 

"that's for bagets, i'm too old for that !" 

"who says? even my mom use this, and she chat's with our relatives in Pinas" makulit din talaga ito palibhasa ang bf ay taga Bulacan. 

Dala ng kuryosidad, nag sign in ako sa facebook. 
Mula sa ilang pamangkin, kaibigan at mga kakilala, unti unti kong nakita at nai research ang aking mga dating kaibigan. 

"Aurora, is that you?" wall message ng dating kaklase ko sa anatomy101. 
"yes, i'll be online later, hope we can chat" reply ko naman sa kanya. 

Dito na nagsimula ang muli naming pagbabalitaan na magkakaibigan. At sa hindi sinasadyang tanong, naungkat sa usapan si Greg. 

"byudo na sya, Dulce died 4 years ago from cancer. I heard he got a project in Thailand" pagbabalita ni Criselda. 
"oh, really. " eto lamang ang naisagot ko. at muling kumilos ang aking mga daliri na animoy may kanyang pag-iisip, hinanap ko ang pangalan ni Greg sa facebook. 

Kung gaano kabilis tumipa ang aking mga daliri sa keyboard ay sya ring bilis ng tahip ng aking dibdib. 

At nakita ko ang profile ni Greg. 

Parang malulunod ang aking puso sa sobrang tibok nito. 
Nagka edad na si Greg, pero ang tindig at porma ay walang nabago. Sya parin ang lalake na minahal ko tatlong dekada na ang nakararaan. 
At hindi ko alam kung ano na ang mga sumunod, na i add ko sya sa aking facebook. 

January 11, 2011 NAIA. 

Habang papalabas ako ng terminal sa Ninoy Aquino International Airport ay hindi ko malaman ang aking pakiramdam. nerbyos ba ito, o excited lamang. 

Maya-maya lamang paglabas ko ng arrival area ay wari'y uminog pabalik 1981 ang aking mundo. 
Si Greg nasa may bungad ng waiting area, tangan sa kamay ay 1 pumpon ng mga bulaklak. Nakangiti at walang kakurap kurap. 
Hindi ko alam kung paano ako nakalabas, naramdaman ko na lamang ay may mga bisig na sa akin ay nakayakap. 

At sa labas ng terminal ako ay kanyang iginiya papunta sa parking lot, na aking ikinagulat. 

Isang malaking banner at ilang mga pulubing bata na may tangan na rosas ang sa akin ay nagpa mangha. 

"WILL YOU MARRY ME ?" ang nakasulat sabay sa aking pagkabigla ay lumuhod sa aking harapan si Greg, inabot ang aking kamay sabay sa pagsusuot nya sa aking daliri ng singsing ay namutawi sa kanyang labi " kay tagal kong naghintay sa 'yong pagbabalik " 

Tanging luha na lamang ang aking naisagot. 

Nakabibinging palakpakan mula sa aking mga kamag-anak at ilang tao na nakasaksi sa parking lot ang mga sumunod. 


At dito ko naalala ang kantang Que sera sera ...what ever will be , will be. 

Salamat sa facebook... 

Jan 10, 2011

kaming apat, 5 years ago.


5 taon.
halos maluha ako ng makita ang mga litrato namin. mga panahon na patpatin, mga ngiti at lamlam ng mga mata na wari'y nagsasabing " walang bibitaw meron pang pag-asa"

sino nga ba ang makakalimot sa aming 4.
ako,
si kuya emil
si Dex
si Ranier


pagkakaibigan na umusbong mula sa pagsubok na aming naranasan sa bansa ng Oportunidad. Ang Singapore.

March 2006 noong kami ay magkakila-kilala sa Speed box sa Lucky Plaza. Internet shop ito na kung saan ako napadpad upang makapag MIRC. isa akong chatter at hindi kumpleto ang araw kung hindi makakapag online upang makipag balitaktakan sa mga kaibigan sa web.

Dito ko nakilala si Glen kung saan ipinakilala ako sa mga jobhunters na kasalukuyang gumagawa ng kani-knailang mga resume. Si Dex (payatin), si Ranier (medyo malaman), si Kuya Emil (medyo nakakalbo na) at ilan pang mga kababayan.

Sila ang nagyaya sa akin na sumamang maghanap ng trabaho, imbes daw na nakikpag chat ako, bakit hindi na lamang maghanap ng trabaho.

Hindi madali ang mag jobhunting, araw-araw kailangan bumili ng newspaper.
Kailangan mag send ng emails, tumawag at mag walk-in para magbakasakali na tumatanggap sila ng walk-in applicants.

Dumaan ang mga araw, naging buwan, isa-isa kaming naghanap ng pwedeng mag sponsor or mahiraman ng IC para makapag renew sa ICA ng visa. Mula 8am ng umaga, pipila kami at magti tyaga mag hintay ng tawag mula sa officer. kakaba-kaba kung mare renew o hindi. Habang naghihintay sa upuan ay walang tigil ang mga kamay namin at mata sa pagbabasa ng mga job offerings na nasa newspaper. walang pinapalampas na job offering, matapos isulat sa aming mga papel ay ipapasa naman sa katabi upang sya naman ang maghanap ng nauukol sa kanyang propesyon. Kalimitan matatapos kami sa ICA ng bandang 5pm.

Sino ba ang makakalimot sa cold storage ng takashimaya?
tuwing 6pm, sama-sama kaming 4 papuntang cold storage, sa oras na iyon ay half-the-price na lamang ang chicken. Mula sa presyong $8.90 mabibili na lamang namin ito sa halagang $4.50. ipapahiwa kay auntie, kalimitan ay nire request na hiwain ng mas maraming piraso. sabay sasamahan ng 1 balot na loaf bread na mabibili sa halagang $1.20 Patak-patak kami para makabili ng aming pagsasaluhan.

matapos makabili ay de derecho kami sa Novena church, mananalangin. Hihingi ng awa at magpapasalamat sa panibagong araw na ibinigay sa amin. Na sana may makuha na kaming trabaho.

Ang likod ng KFC sa novena square ang piping saksi sa aming pagsa sakripisyo, dito namin kinakain ang 1 balot na loaf at 1 manok na hiniwa-hiwa. pagkakasyahin namin sa aming mga walang laman na tyan. Sa umaga ay kape, sa tanghali ay tubig sa hapunan ay loaf at manok. araw-araw ay ganito ang aming routine. Kailangan mag tipid, dahil walang aasahan na magbibigay sa amin.

Naranasan din namin kumain sa gilid ng kalsada. Bitbit ang manok at loaf bread, inilatag namin ang mga pahina ng dyaryo naming dala sa lupa. binuksan ang manok at tinapay, saktong sumusubo kami ng biglang may mga dumating at pinaalis kami sa aming pwesto. Hindi na daw maaring mag picnic doon dahil ipinagbabawal na ng kontratista. Napakainit noon ng araw, wala naman kaming ibang mahanap na pwesto para maitawid ang aming gutom. Hanggang sa napagawi kami sa gilid ng mrt station, anaki'y mga pulubi na nakatayo habang kumakain. Si kuya Emil ang palaging may dalang tubig sa amin na sya namang pasa-pasa namin iinumin.

Si ranier ay umuwi muna sa Pinas. Si Kuya Emil naman ay nanatiling dito dahil meron syang EPEC. minsan napapa raket, namimigay ng flyers sabay takbo pag may nakitang naka uniform na pulis. Minsan nga kahit NS Servicemans lang tumatakbo na sya, basta naka uniporme na pormang pulis.

Naka ilang uwi rin ako sa Pinas, naranasan ko pa na kabababa lamang ng eroplano ay may tumawag para sa interview, at kinabukasan ay muling bumili ng ticket upang makalipad pabalik dito. Kung saan swerte naman na nabibigyan ng 1month visa.

Si Dex, nakailang uwi rin ng Pinas. Nagbalak na rin na sa ibang bansa na lamang makipag sapalaran gaya ng Dubai at Saudi.

Bawat may uuwi, may pabaon kaming kopya ng resume, pagbalik ay naka xerox copy na ng ilan daan piraso dahil mahal ang pakopya dito.

Ilang agencies rin ang nanloko sa aming 4. Naroon na hingan kami ng $50 at pagkatapos ay paaasahin na magkakaroon ng interview. Ilang beses kami naloko ng mga ganito, ang masakit pa ay kapwa mga kababayan ang mga tauhan nila at humaharap sa amin.

Naranasan namin 4 ang maglakad mula Jurong East MRT papuntang Tuas. May nabasa kami sa dyaryo na hiring ang 1 manufacturing company. Alas onse ng umaga ay naglakad na kami pagkababa ng Jurong East Mrt, kapag magba bus pa kase ay mababawasan ng .90 cents ang ezlink namin, kaya lakarin na lang sabay exercise na rin.

Uhaw, pagod, sobrang init ng araw. Pagdating sa nasabing kumpanya kami ay hindi man lamang inintindi dahil PR, Malaysians at Local lamang pala ang tinatanggap nila.

Ala una ng hapon, katirikan ng araw. Walang tubig na dala, pamaypay ay dyaryo at resume na ibinasura.Mula Tuas ay nilakad muli ang Jurong East Mrt na pinanggalingan kanina. Habang naglalakad ay nagku=kwentuhan upang mawala ang hirap na nadarama. Puro pag-asa at pagpapalakas ng loob ang namamagitan sa bwat kwento at pagbibida.

Dumating ang buwan ng Agosto. ika limang buwan na wala parin kaming trabaho. Isa-isa ng nalaglag ang aming pag-asa. Salamat na lamang at nakilala namin ang mga Ate na nagta trabaho bilang mga outside kasambahays. Part timers kung tawagin sila.

Si Kuya Emil ay sa kanila pumisan, upang makatipid sa upa. Si Ranier naman ay nasa Pinas, babalik na lamang kapag may tawag mula sa apply nya. Tuwing hapon pagkakatapos nilang mag part time sa mga bahay na nililinis nila ay tatawagin kami upang makisalo sa lulutuin nilang pagkain.
Hindi nila kami sinisingilan, bagkus kami ay kanilang tinutulungan. Pinakakain, binibigyan ng matutuluyan lalu na kapag sabado at linggo kung saan walang aaplayan.

Naranasan ko pang sumama sa kanila upang maglinis ng bahay, at mag plantsa. Palibhasa ay hindi sanay, tatawanan lang nila pero bibigyan parin ng bayad sa oras ng pagsama sa kanila. Ayaw namin umasa at manghingi sa kanila dahil ramdam namin ang hirap ng kanilang mga trabaho. Kaya't ang gagawin nila ay yayayaiin akong maglaro ng TONG-ITS. na kalimitan ay bigay ang laban, kumbaga laging ako ang panalo. At ang perang kinita ko ay syang magsisilbing pisi namin ng mga kasama ko.Pambili ng ezlink namin, pambili ng dyaryo at kung minsan kapag malaki ang napanalunan ay pambili ng bigas at sardinas para makain namin kahit papaano.

Nakabalik si Ranier, nabigyan ng trabaho buwan ng Setyembre.
Si kuya Emil naman ay natanggap narin buwan ng Agosto.
Ako naman ay nagsimula rin noong buwan ng Oktubre.
at si Dex ay nagsimula ng buwan ng Nobyembre.

kapag binabalikan ko ang kwento naming 4, lalong lumalakas ang loob ko. Sa kabila ng mga hirap naming dinanas, kami parin ay kumpleto.

Si Kuya Emil ay sa 1 tanyag na hotel na namamasukan.
Si Ranier ay Engineer na rin sa 1 kumpanya.
Ako naman ay pinalad na rin at masasabing maganda ang pwesto.
Si Dex naman ay ang pinaka malupit sa amin, dahil sa 1 MNC napapasok at malaki rin ang sinusweldo.

Lahat kami ay naging matagumpay. PR na ako at si kuya Emil. Kami na tuwing mag-aapply ay sinasabihan na FOR PR or LOCALS only. ngayon ay napapangiti na lamang kami.

Ang mga ATE na nag pakain sa amin at nagbigay ng tulong sa kabila ng kanilang trabaho ngayon ay sya namang kinukuha namin na tagapag linis ng aming mga tirahan. Sila naman ang aming iniimbitahan upang makasalo at makasama sa bondingan.

At ngayon nga, sa pagbaybay ko ng ilan pang mga pahina ng aming mga pinagdaanan, tanging tiwala sa DIYOS, tiwala sa sarili at salitang PAGKAKAIBIGAN ang aral na kailanman ay hindi ko malilimutan

Translate

~♥~`~`~`♥~`~`~`♥~`♥~`♥~`♥~`~`~`♥~`~`~`♥~

Subscribe via email

Enter your email address:

Delivered by FeedBurner

 
;