Mar 18, 2011

MERLION

i am young, and witty. 

Yan ang laging naririnig ko sa mga kaibigan at kakilala ko. 
Maganda daw ako, sexy. yummy, yan naman sinasabi ng mga palipad 
hangin boys na nakikilala ko. 

Masarap pakinggan na may humahanga sa 'yo, nakakataba ng ego. 

Pero kung alam lang nila ang katotohanan sa likod ng mga ngiti sa labi ko, 
malamang ayawan na nila ako. 

I am a single mother, out of crazy love during my college days. 
Talandi kase ang panahon, bago pa man ako mag 17, naranasan ko na ang luwalhati kung paano magmahal at mahalin. 
Yun nga lang, with the wrong person. 

Nabuntis ako ng isang lalake na pamilyado, si Arthur. 
sino ba naman ang hindi mahuhulog sa kanya kung araw-araw dinadaanan ka sa school at tini treat ng dinner. 
feeling ko, prinsesa ako ng mga panahon na iyon. 
At naniwala ako sa mga sinasabi nya na mahal na mahal nya ako. 

after na malaman nya na buntis ako, dun na lumabas ang totoo. 
hindi nya kayang iwan ang pamilya nya, may mga anak sya at naglalakihan na ang mga ito. Ang mrs nya, nasa ibang bansa at papauwi na rin. 
Ang tanging natakbuhan ko na lamang ay ang aking mga magulang. 

Sampal, sabunot, sampal ulit magkabilang pisngi. 
Kulang na lang tadyakan ako ng tatay ko sa tyan para lang malaglag ang bata sa aking sinapupunan. 
Bukod sa mga pagmumura na impit kong tinanggap. 
Tanging unan ang aking naging tanggulan upang ilabas ang emosyon na aking kinikimkim. 

Sabi ni tatay, ipapa agas na lang daw ang bata. 
Ito ang desisyon na hindi ko pinayagan. 
Nagkasala na nga ako minsan ng umibig sa lalake na may pamilya, magkakasala na naman ba ako sa pagpatay sa sariling dugo at laman ko bunga ng maling pag-ibig. 

naging malungkot ang aking mga araw, linggo, buwan hanggang sa dumating ang araw ng aking pagluluwal. 
Noong una, ayaw pang dalawin ni tatay at nanay ako sa ospital, tanging sina tya cely at tyo amado lang ang nagbabantay at nag aasikaso sa akin. 
Nang iuuwi na ako, hindi ko alam kung welcome ba ako sa bahay namin. 
Nasa isip ko noon, kina tya cely na lang muna ako, hanggang sa makapaghanap ako ng paraan paano bubuhayin ang aking anak. 

ikinagulat ko na lang ng makita sina tatay at nanay sa may pintuan ng ospital binayadan ang aking bill at sinundo ako pauwi sa aming bahay. 
Hindi magkamayaw ang mga ito sa pag aalaga sa aking anak, sa kanila na nga ito tumatabi sa gabi imbes na sa akin. 
Walang tigil ang paghingi ko ng tawad, at pangako na magbabago na pagbigyan lamang ako na muling makapag-aral. 

at eto nga, naririto ako ngayon sa Singapore ng 6 na buwan, OJT sa isang restaurant. 
Tuwing matatanggap ko ang aking allowance, imbes na bumili ako ng para sa aking sarili, iniisip ko muna ang aking anak. at ang aking mga magulang. 
Tuwing makakakita ako ng damit na bagay sa akin, naiisip ko muna kung may gatas pa ba si baby, kahit alam kong ibibili ito nina tatay, ayoko naman na isipin nilang wala na akong inisip kundi sarili ko lamang. 

mahirap maging single parent lalu na sa edad kong 20 anyos. 
madami akong gustong gawin, madami pa akong gustong maranasan na alam kong hindi na mangyayari dahil sa aking naging kasalanan. 

Minsan naitatanong ko sa aking sarili, 
bakit sa dinami dami ng tutuksuhin ni Taning, ba't ako pa ang pinili nya. 
Sa dami ng lalake na mamahaliin, bakit sa may-asawa pa ako napapunta. 

mga katanungan na iniiwasan ko nang sagutin, dahil makapagpapahina lamang ito ng aking loob. walang maganda na maitutulong sa akin. 

Ika limang buwan ko sa singapore nang makilala ko si Jared. 
Isa syang emplyeyado sa malaking kumpanya ng Electronics. 
Noong una palipad hangin lamang palagi ang ginagawa nya, nagsasama ng mga kaibigan sa restaurant kung saan ako nagti training. 
Mabait sya, gwapo, simpatiko. Yun nga lang may pagka bolero na talaga namang nakakatuwa kapag nangungulit. 

Minsan niyaya nya akong mamasyal nang araw na offday ko. 
Kinailangan nya pa na mag MC para lamang makasama ako dahil na rin sa ang off ko ay week days. 
Namasyal kami, kumain, walang humpay na tawanan. 
Pakiramdam na halos nakalimutan ko na may 3 taon ng nakakaraan. 
Pagkahatid nya sa akin sa tinutuluyan kong flat, binibiro ako ng mga kaibigan ko. 
Mukhang enjoy daw ako at ni hindi ko napansin na halos 1am na pala at maya-maya lamang ay papasok na ulit ako. 

ganun pala ang feeling ng nagdadalaga, parang walang pakelam sa surroundings. 
masaya, humahalakhak, as in parang ang tagal tagal kong na miss ang ganung pakiramdam. 
sabay sa pagmumuni-muni ko, tumakbo ang aking imahinasyon. 
kwelang kasama si Jared, may matatag na trabaho. 
simpatiko, at palagi akong pinatatawa. 
bagay kami kung sa itsura at height ang titingnan. 
binata sya, 
may anak naman ako.... 

at dito ako napabuntong hininga ng napakalalim. 

paano kung mahulog ng husto ang loob ko sa kanya, 
kakayanin ko bang sabihin sa kanya ang katotohanan na ako ay isang disgrasyada. kaya ko bang tanggapin kapag iniwasan nya ako? 

mga tanong na aking nakatulugan na. 

March 05, 2011. 

Huling offday ko na sa trabaho. 
sa makalawa lang ay aalis na ako, magpapaalam na ako sa aking mga naging kaibigan at kakilala dito sa singapore. 
Kung makakabalik pa ako, hindi ko alam. Kailangan ko pa kaseng tapusin ang mga naiwan kong subjects. 

at gaya ng nakagawian ni Jared, MC na naman ito. 
10am pa lamang ay nasa baba na sya ng tinutuluyan kong flat, naghihintay na sa akin. 

at habang nakasakay kami sa cable car papuntang sentosa, bigla syang tumabi sa aking kinauupuan. 
sabay hila sa aking mga kamay at sabay sa pagtahip ng aking dibdib ay sinambit nya ang mga kataga na hindi ko alam 
kung naintindihan ko ba ng malinaw ang pagkakasabi, o nabingi lang ako sa bilis ng tibok ng aking puso. 

hindi ko na namalayan ang mga sumunod na pangyayari. naramdaman ko na lamang na napakasaya ko. 
oo, mahal ko na si Jared. 
pagmamahal na kakaiba kesa sa naramdaman ko 4 years ago kay Arthur. 
natapos ang maghapon namin na para bang walang hanggang ligaya, panay kuhanan ng pictures at palaging magkayap at magka akbay. 
isang araw na punong-puno ng pagmamahal at kasiyahan. 

March 07, 2011. 

Habang nag e empake ako ng aking gamit, naghahanda na ako para sa aking pag alis bukas. 
Makikita ko na ang aking anak, at ang aking mga magulang. 
Bitbit ang ilang pasalubong para sa kanila, inilagay ko at pinagkasya ang aking gamit sa maleta na binili ko pa noong pangalawang buwan ko sa aking training. 

Maya'maya lamang ay kumatok ang aking flatmate at sinabing naghihintay daw sa labas si Jared. 

oo nga pala, huling gabi namin ni Jared na magkakasama ngayon. 

at napadpad kami sa harap ni Merlion. 
Magkahawak kamay kaming naglalakad, habang nagbibilin sya sa akin ng mga dapat kong gawin kapag nasa Pilipinas na ako. 
Araw-araw mag sms daw ako sa kanyang roaming, mag chat sa gabi after ng trabaho nya, bukod pa sa tatawagan nya naman daw ako araw-araw. 
mga bilin na hindi ko na ma absorb. 

at sa harap ni Merlion, lumuluha akong humarap sa kanya. 
"Jared, mahal kita kaya't ayoko na sa iba mo pa malalaman ang totoo. Isa akong SINGLE MOM. " 

at sa puntong iyon ay nakita ko ang reaction sa mukha ni Jared. 
Tanging nasambit na lang nya ay paano nangyari sa akin yon. 

Naikwento ko sa kanya ang lahat sa loob ng 10 minuto. mula sa simula hanggang sa makilala ko sya. 
wala akong nakitang kakaiba sa mukha ni Jared, napalunok lamang sya ng ilang beses. at pagkatapos kong masabi ang lahat, 
parang walang anuman na umakbay sya sa akin, sabay yaya kung gusto ko daw munang mag pa picture sa harap ni merlion. 

at gaya ng mga nakaraan, inihatid nya ako sa tinutuluyan kong flat, isang mainit na halik ang iniwan nya sa aking mga labi 
sabay bulong na "mahal kita, i'll be missing you" 

yun ang huling tagpo na hanggang ngayon ay nananatili sa aking isip at puso. 
hindi na nya naibigay sa akin ang kanyang roaming number, tinangka ko syang tawagan sa kanyang singtel number ngunit naka off na ito. 

siguro ay hindi nya kayang tanggapin ang aking nakaraan. 
malamang, nag-iisip pa sya kung kakayanin nya ba akong mahalin sa kabila ng aking sitwasyon. 

siguro...siguro... puro na lamang haka-haka at pang aalo ng damdamin ang iniisip ko upang maiwasan ang nararamdamang sakit. 

at naisip ko, kailangan kong mag sakripisyo. mas kailangan ako ng aking anak. madami pa naman sigurong lalake na magmamahal sa akin 
at tatanggap sa aking nakaraan at kasalukuyang sitwasyon. 

sa ngayon, pagbubutihin ko muna ang aking pag-aaral, 
pag-aaralan ko na rin kalimutan si Jared, masakit, pero kailangan. 

****

Mar 5, 2011

Liham para kay Nene

isang tulog na lang kaarawan ko na naman
abala ang lahat sa pag aayos ng ihahanda para sa aking
ika 68 taon na kaarawan

taun-taon naman ay laging ganito,
laging may handa .
madaming imbitado.

at gaya ng mga nakaraang taon,
ise celebrate ko ang araw na ito na wala ka.

para namang di pa ako nasanay.
ilang taon na ba akong ganito,
simula ng mag abroad ka hindi na kita nakasama.
umuuwi ka man, pinaka maytagal na ang limang araw
mas inaalala mo pa ang naiwan mong trabaho.

hindi mo na tuloy namalayan ang mga pagbabago sa buhay ko.
hindi ko na nga matandaan kung kailan mo ako huling sinamahan sa pagsisimba.
noong panahon na maging byuda ako,
ang asong si bantay na ang aking naging kaagapay

imbes na ikaw ang umalalay sa akin habang dinaramdam ko ang pagsakit
ng aking tuhod dulot ng rayuma.

hindi kita sinusumbatan anak,
dahil inay mo lang naman ako at wala akong karapatan.
gusto ko lang ipaalam sa 'yo ang aking nararamdaman.

hindi madali ang mawalay sa anak, wala na nga ang iyong tatay
pati ikaw kinalimutan na rin ako.
pakiramdam ko tuloy, galit sa akin ang mundo.
walang nagmamahal.

lagi mong sinasabi na kaya ka nagpapakahirap magpa alipin sa ibang bansa
para mabili ang mga kailangan ko
ni minsan ba anak, naitanong mo kung ano talaga ang makapag papasayasa buhay ko?

aanhin ko ang mga bagay na pinapadala mo, naiipon lamang sa estante
at kalimitan ay pinamimigay ko
hindi kayang takpan ng mga mamahaling gamit na ipinapadala mo
ang pagka uhaw ko sa iyong kalinga.

walang taon anak,
hindi ka ba napapagod at nakakaisip mamahinga man lang kahit sandali dito sa piling ko?
mabuti pa yung kapitbahay natin kahit may pamilya na, nauwi parin para lamang
makita ang magulang nila.

samantalang ako, palaging nag iisa.

minsan tuloy hindi ko maiwasan isipin,na iniwan mo talaga ako dahil ayaw mo sa akin
na pabigat lang ako sa buhay mo.

mas importante pa ba ang pera na kinikita mo,
kesa makasama ang magulang na nagigiliw sa 'yo?
tumatakbo ang panahon anak, tumatanda na ako
ayokong dumating ang araw kung kailan mahina na ako at alagain na
ay saka pa tayo magkikita.

bigyan mo naman sana ako ng pagkakataon na muling makasama ka.
gaya noong munti ka pa lang bata na naaalagaan pa kita.

sana man lang anak matawagan mo man lang ako sa aking kaarawan.

at gaya ng mga nakaraan kong kaarawan, iisa parin ang aking kahilingan.
ang makasama ang pinaka mahalagang tao sa buhay ko.
ikaw iyon 'nak...

maraming salamat sa ipinadala mo, siguradong mabubusog at matutuwa ang mga bisita.
sana sa susunod na may ipapadala ka, pakibalot naman ng yakat at pagmamahal mo
yun man lang ay makapiling ko upang mawala ang pangungulila
ng isang magulang na tulad ko,

nagmamahal,

Inay

Translate

~♥~`~`~`♥~`~`~`♥~`♥~`♥~`♥~`~`~`♥~`~`~`♥~

Subscribe via email

Enter your email address:

Delivered by FeedBurner

 
;