"Yvette, kayo, san ang punta nyo sa sunday?"
"sa Eternal siguro, dadalawin si lolo..." malamyang sagot ko.
Friday pa lang naririnig ko na sa mga ka klase ko na pupunta sila ng SM.
na mamamasyal sila, kakain sa labas at magsisimba kasama ang mga papa at daddy nila, kase father's day daw.
Ilang Father's day na ba ang lumipas simula ng makasama namin si Papa?
4 years old pa lang ako nung maghiwalay sila ni mama.
hindi ko alam ang reason, basta natatandaan ko lang, umuwi kami kina lola.
Tapos yung bahay namin dati, iniwan namin, si papa hindi na rin nagpakita.
Ilang linggo lang, si mama naman ang umalis. Nag abroad sya.
Napahinto kami ni kuya sa pag-aaral. Aantayin na lang daw ang bukasan ng klase,
kase hindi na kami pwedeng pumasok sa school namin,
masyado ng malayo at may sakit si lolo.
mahirap mawalan ng magulang, sina lolo at lola lang nakakasama namin.
kalimitan si kuya umuuwi sa bahay, tumatakas sa school.
nahihiya daw sya kase sabi ng mga teacher at kaklase nya lumipat daw kami kase naghiwalay ang mga magulang namin.
minsan nagpunta sa school si papa. may affair kase kami noon sa central.
ang saya-saya ko, kinarga nya ako gaya ng dati nyang ginagawa noong magkakasama pa kami, ang sarap ng feeling!
ipinikit ko ilang beses ang aking mga mata, gusto kong namnamin ang ginhawa ng pakiramdam kasama ang aking ama.
ayokong bumitaw sa kanya, kahit alam kong napapagod na sya dahil medyo malaki na ako. 7 years old na kase at matangkad pa.
after ng event,
nagpaalam na rin sya.
Yun na pala ang huling pagkarga nya sa akin.
Sunod na dumalaw sya, sinabi nya na a abroad na rin daw sya.
natuwa ako, sa wakas, susundan nya si mama.
Pero mali pala ako ng hula, kase sabi nya sa Dubai daw ang punta nya.
Simula noon, di na namin nakita si papa.
si mama naman minsan lang kung umuwi, kami lang nina lola ang dumadalaw sa kanya.
Hanggang sa namatay nga si lolo at kami na lang 3 ang naiwan.
Minsan tumawag si papa, sabi nya may bago na daw kaming kapatid.
nag-asawa na pala sya, yung babae na sumira ng aming pamilya ang sya ngayon kasama nya.
Hindi ako umimik ng sabihin sa akin ni papa ang pangalan ng kapatid daw namin.
Iniabot ko kay kuya ang celphone, at ini off naman ito ni kuya.
hindi ko na kailangan pang itanong kung bakit, obvious naman na galit din sya.
Sino ba ang matutuwa kapag nalaman mo na ang papa na nami miss mo,
ay may kinakarga na palang ibang bata. na imbes na kami ang kasama nya tuwing linggo para mamasyal, ayun at iba ang inaalagaan nya.
si papa rin kaya ang nagtitimpla ng gatas nung bagong kapatid namin?
Kapag nanonood kaya si papa ng tv, hinehele nya rin kaya sya hanggang makatulog gaya ng ginagawa nya dati sa amin?
may kumirot sa dibdib ko.
siguro nauuhaw lang ako, kailangan ko lang uminom ng tubig para mawala ito.
hindi naman ako nagagalit dun sa bata, naiinggit lang ako.
Kanina lang nag open ako ng facebook, nakita ko ang post ni papa.nagpapasalamat sa mga bumati ng happy father's day sa kanya.
Picture ng anak nyang bago yung nasa profile pic nya, parang may pumipitik sa dibdib ko.
nasasaktan ba ako?
hindi, nauuhaw lang siguro.
nauuhaw sa pagkalinga ng isang ama, na hayun at may karga ng iba.
hindi ko na itinuloy mag facebook, nag city ville na lang ako.
mas ok pang maglaro na lang kesa manood ng mga pictures na hindi naman ako masisiyahan.
***
para sa AMA na nilisan ang kanyang pamilya,
sana maging masaya ka sa kabila ng kalungkutan namin ni kuya.
hindi ko kaylanman makakalimutan ang iyong huling pagkarga... SALAMAT sa ALAALA PAPA.
_________________