May 31, 2012

Mansanas

"miss, ok na ba? pwede na po ba tayong lumakad hihingi pa po tayo ng clearance sa airport"  mungkahi ng driver. Isang tango lamang ang aking naging sagot.


Lumulan na ako sa ambulansya, kasama ang aking asawa at 1 tyahin, nadaanan pa namin ang mga tao na nag-uusisa, or mas marapat na sabihin, nag uusyoso.


Habang tumatakbo ang ambulansya, muling nagbalik sa aking ala-ala ang aking kabataan.


21 taon.


Hindi na malinaw sa aking isipan kung ano ang kanyang itsura. Huling natatandaan ko lamang, umiiyak si Ina habang inaayos ang bagahe na dadalhin ni Ama. Pa abroad daw ito, hindi ko na matandaan kung ilang beses nya akong sinabihan na magbabait, aalagaan ang mga kapatid ko at huwag mag alala, sa pasko daw ay makakatikim ako ng mansanas na ipapadala nya.


Huling sulyap nya sa akin ay nasa may tarangkahan ako ng bahay.
Bitbit ni Ina si bunso habang si Lilibeth naman ay nakahawak sa kanyang saya.
Hinatid nila si Ama hanggang sa may pag ahon papunta sa nayon. Taga tabing dagat kami noon, ahon at lusong sina inay para mag tinda ng isda habang ako naman at si Lilibeth ay papasok sa eskwelahan sa nayon.


Mula ng umalis si itay, naging mas mahirap ang aming buhay. Ang mga kapatid ni Ina, dinadalaw kami. Mahirap na daw na kaming mag-iina na lamang ang nasa tabing dagat, ayaw naman ni Ina na lumipat kami at pumisan kina Lola, may pamilya na daw kase si tya Soledad, kapatid na bunso ni ama at kalabisan na kaming mag iina kung pipisan kami sa kanila.


Tanda ko pa noong unang pasko na wala si Ama, nag hihintay ako ng maglulusong na ibang tao, kartero man ito o tagadala ng package. Malamang kako may padala si Ama, gaya ng kanyang pangako.


Ang iniluwa ng tarangkahan namin ay ang pawisang mukha ni Ina, naglako ito ng isda. 
Tinanong nya ako kung may sinaing na, kumain na daw ba ang mga kapatid ko.
Sunod sunod na tango ang aking naging kasagutan. 


Alas otso na ng gabi, papatayin na daw ni Ina ang simbo, ilawang de gaas lamang ang aming gamit, wala kaming pampakabit ng kuryente.
Ayaw ko pang umalis sa may pinto, umaasa ako na dadating ang mansanas na padala ni Ama, isinarado ni Ina ang pintuan at pilit akong pinapunta sa papag, wag na daw akong mag hintay, dahil walang ipapadalang mansanas si Ama.


Kauna-unahang pagkakataon na nakatanggap kami ng sulat mula kay Ama matapos ang may 18 buwan nya na nasa abroad, Nawalan daw sya ng trabaho at may mga pagkakautang sa mga kasamahan nya. Kung uuwi daw naman sya ay lalo lamang mahihirapan kami dahil magbabayad sya sa agency na nagpasok sa kanya. Tangi na lamang daw nyang magagawa ay magtrabaho ng patago, kahit mababa ang sweldo, basta mabuhay lamang daw at pag may naipon ay magpapadala na sa amin.


Noon ko lamang nakitang umiyak na humahagulhol si Ina, maging si Lilibeth ay nakisabay na rin at ganun din si Laila, ang bunso kong kapatid na nasa may papag. Hindi ko sila naiintindihan, magpapadala naman daw si Ama, pero bakit umiiyak pa rin si Ina.


Makalipas ang ilang buwan, magpapasukan noon, buwan ng hunyo. Grade 5 na ako, nag iimpake si Ina, akala ko ay kung saan lamang kami pupunta. Ang ilang sako ay nakalatag sa sahig at katulong ang aming tiya Flora, madali nilang isinasako ang aming mga gamit.


"Ina, saan nyo dadalhin ang mga gamit natin? bakit kayo nag iimpake?" tanong ko sa kanila


"Tumulong ka na lamang dine at maya-maya ay dadating na ang banka at sa manggahan tayo dadaan paahon. Ikaw ay magmadali at tatanghaliin tayo maiinitan ang bata ay may sinat pa si Laila" mahabang litanya ni Ina.


Nang makaahon kami sa nayon, nalaman ko na kina tya Gloria pala muna kami maninirahan. Ipinagbenta ni Ina ang aming bahay sa tabing dagat. Malaki naman kahit papaano ang bahay nina tya Gloria, may itaas ito. 
Doon nya ipinalagak ang aming mga gamit. May 1 kwarto na ipinagamit sa amin, doon na daw kami manunuluyan.


Grade 6 ako at graduating noon ng magpaalam si ina, mag a abroad daw sya. Ako naman ngayon ang humahagulhol ng iyak habang nag aayos ng mga gamit na dadalhin nya. Ilang taon na mula ng umalis si Ama at simula noon ay wala na kaming nabalitaan mula sa kanya. Ni sulat ay wala kaming natanggap. Nakailang pasko na, wala parin ang mansanas na ipinangako nya.


Nag high school ako na walang ama at wala ring ina na umatend sa graduation. Nasa fourth year high school ako ng magbalikbayan si Ina. Ibang iba ang kanyang itsura, mas naging mukhang bata. Hiyang sya sa Hongkong, bilang kasambahay, wala daw syang ginagawa kundi maglinis ng bahay at mag alaga ng bata. Apat na taon, parang kailan lamang ay inaayos ko pa ang bagahe ni Ina, ngayon heto at kasama na namin siya.


Dala ng pangangailangan, muling tumulak pa Hongkong si Ina, 1st year college ako, kumukuha ng kursong Komersyo sa bayan, si Lilibeth naman ay 3rd year high school at graduating ng elementary naman si laila. Sunod sunod na gastos ang kinakaharap namin kaya't napilitan si Ina na muling mamasukan sa Hongkong.


Walang ama, walang ina. Tanging mga tyahin lamang ang aming kasama. Hindi kami makakilos ng gusto namin, mahigpit si tya Gloria. Madaming bawal. Matipid sya maging sa pagkain naming magkakapatid, katwiran nya, hindi basta ang paghihirap ni Ina sa hongkong kaya't kailangan namin magtipid. Para makauwi na daw si Ina.


Isang araw, may nagbalikbayan mula sa Saudi na taga aming barangay, sabi nya nakita daw nya si Ama. Nag mamaneho daw ito sa isang mayamang Arabo. Kwento pa nya, mahilig daw magsugal at tumaya sa mga karera si ama. Malaki  daw itong kumita.
Hindi ko na pinakinggan pa ang ibang sinasabi nya, si tya Gloria ay kung anu ano na kaagad ang namutawi sa bibig, pabaya daw si Ama, walang iniintindi kundi sarili nya. malamang daw ay may pamilya na itong iba na binubuhay dahil kami ay kinalimutan na nya. Mga salitang sumusugat sa aking dibdib. Ama ko pa rin sya, nasasaktan parin ako sa mga sinasabi nila.


Nasa fourth year high school si Lilibeth ng hindi ito umuwi isang gabi ng buwan ng Oktubre. 
Nag alala sina Tya Gloria, ako  naman ay alas sais ng hapon nasa bahay na. Ipinagtanong namin sa kanyang mga kaklase kung nakita nila si Lilibeth, ayon sa mga ito, hindi daw sumabay sa kanila nung mag-uwian sila.


Kinabukasan, hindi ako pumasok, kailangan kong malaman kung saan nagpunta si Lilibeth, bandang alas nuebe ng umaga, may tinatahulan ang mga aso sa may pultahan namin. 
May mga tao na natawag sa pangalan ni tya Gloria. 
At mula sa bintana sa ikalawang palapag ng bahay, natanaw ko si Lilibeth nakahawak kamay kay Angelo, ang manliligaw na sa pagkaka alam ko ay nag aalaga ng pastulan sa kabilang bayan.


Nagtanan si Lilibeth. 
Dahil mga bata pa, sa Barangay lamang nagpirmahan sina Tya Gloria at magulang ni Angelo. Hindi na tinapos ni Lilibeth ang kanyang pag aaral at naiwan sa pangangalaga ni tya Flora kaming dalawa ni Laila.


Makalipas ang 3 buwan, umuwi si Ina, buntis na noon si Lilibeth, hindi na rin sya napigil ni ina at hinayaan na lamang makisama kay Angelo, sa pastulan sila nanirahan, tagapag bantay sa Farm ng isang mayamang pamilya.


Hindi na nag abroad si Ina, may naipon daw naman sya at nagpatayo na lamang ng isang maliit na bahay sa tabi ni Tya Gloria. Tutal naman daw ay may parte sya sa lupa ng kanilang ina kaya't kami ay nagkaroon ng sariling bahay.
Namuhay kaming mag-iina ng tahimik, si Ama? wala na kaming nabalitaan mula sa kanya. 
Hindi na rin namin inalam sa mga balikbayan mula sa Saudi kung nakita ba sya o kung nakikilala pa ba siya.


Nakapagtapos ako, nagka trabaho at ngayon nga ay may sarili ng pamilya. Ang dating maliit na bahay namin, ngayon ay may 3 kwarto na. Si ina ay tagapag alam ko na lamang sa aking 2 anak. Maayos naman ang buhay namin.
Si Laila naman ay may sarili na rin pamilya, nag a abroad narin, kamakailan lamang ay kababalik nya lang mula sa Dubai kasama ang kanyang asawa. Masasabi kong maayos na rin ang katatayuan nya sa buhay. Tanging si Lilibeth lamang ang hindi nakatapos sa amin, may 4 siyang anak, at ngayon nga ay inaabutan namin paminsan minsan kapag nadalaw sa aming bahay para makita si Ina.


Nito lamang nakaraang buwan, nakatanggap kami ng sulat mula sa Saudi.
Ayon sa sulat, may sakit daw si Ama at kasalukuyang nasa pangangalaga ng embahada. 
Nais na daw nitong umuwi ngunit dahil na rin sa wala na itong dokumento, hindi sya basta maaring makalabas ng Saudi na hindi nagbabayad ng mga multa. 
Walang wala daw pera si Ama, kahit pambili man lamang daw ng pagkain ay wala at umaasa na lamang sa donasyon ng mga kababayan na naaawa sa kanya.


Parang pinupunit ang aking puso.
Si ama na may 21 taon naming hindi nakasama, heto at humihingi ng tulong sa amin na kanyang pamilya.


Sinabi ko kay Ina ang laman ng sulat. 
Tahimik lamang sya, walang reaksyon na rumehistro sa kanyang mukha.
Kung galit sya, hindi ko alam. 
Hindi ko alam kung paano babasahin ang ibig ipahiwatig ng kanyang mukha.


Tumalikod ako at dumukot sa aking wallet ng pera. May dalawang libong piso pa ako. Ipambibili ko sana ito ng sapatos ni Nica, nagre reklamo na kase ang bata na masakit na ang dulo ng kanyang paa. Sikip na ang sapatos na pamasok nya.


"Ina, papunta muna ho ako sa bayan, may aasikasuhin lamang" pamamaalam ko kay Ina.


at sa Cebuana Lhuillier ako tumuloy, hindi ko natiis ang aking nabasa sa sulat kaya't nagpadala ako ng kaunting halaga para kay Ama, pambili man lamang nya ng gamot o pagkain.


At heto nga, matapos ang mahigit 48 araw, makakauwi na rin sya. 
21 taon ...kay tagal na panahon. Hindi ko alam kung makikilala ko pa ba sya. 
Huling litrato na natanggap namin ay ang panawagan nya, humihingi ng tulong sa mga kababayan na maiuwi sya dito sa Pilipinas.


Ninoy Aquino International Airport.


Lulan ng eroplanong galing sa Saudi Arabia, iniluwa ng arrival area ang may katandaan ng matanda. Wala na ang tikas ng kanyang katawan. Malago ang puting buhok na animoy hindi man lamang nadaanan ng suklay ng may ilang araw. Payat, maitim at may ilang ngipin ng nalagas.


Sya na pala si Ama. 


Hindi ko alam kung maluluha ba ako sa aking nakita, hindi rin nya ako nakikilala. Nilampasan lamang ako ni Ama at habang ginagabayan sya ng ilang kawani ng Embahada, hinanap nila ang anak daw ni Ama.


Lumapit ako sa mga kawani ng embahada at nagpakilala. Iniharap nila ako kay Ama.
Tanging 1 plastic na maliit lamang ang kanyang tangan sa kanang kamay. Inabot ko ang kanyang butuhan ng kamay at nagmano. 


Pinagmasdan ako ni Ama at saka nya ako niyakap ng mahigpit.


Ah...kay tagal na panahon ko ring hindi naramdaman ang yakap ni Ama. May 21 taon kong hindi man lamang naramdaman ang init ng bisig na sa akin noon ay palaging kumakarga lalu na't palusong kami at madulas ang kalsada.


Matapos nya akong yakapin ay may dinukot sya sa kanyang bitbit na plastic.


"anak, eto ang matagal ko ng pangako sa yo na pasalubong...pasensya ka na, ngayon lamang ito maiaabot sa iyo ni Ama..." at mula sa plastic ay iniabot ng kanyang butuhan ng mga kamay ang isang piraso ng Mansanas.


Sabay sa pag abot ko sa prutas ay ang pagdaloy ng mga luha sa aking mga mata. Kailanman pala ay hindi kinalimutan ni ama ang pangako nya..
ang mansanas na may 21 taon kong hinintay.


Iniuwi namin si ama sa bahay, noong una ang akala ko ay hindi sya papansinin ni Ina, nagulat na lamang kaming magkakapatid ng mula sa kung saan ay may inilabas si Ina na mga damit pampalit ni Ama. 


Binihisan nya at nilinisan si Ama, nagpatawag pa ng barbero para naman daw maging kaaya-aya ang itsura.


Mula sa aking bulsa, kinapa ko ang mansanas na kanina lamang ay iniabot sa akin ni Ama...ramdam ko, simula sa araw na ito, mabubuo na muli ang aming pamilya.


***
at gaya nga ng kasabihan, sa hinaba haba man daw ng prusisyon, sa simbahan parin ang tuloy. 


Nawala man ng matagal si Ama at pinabayaan nya kami na kanyang pamilya, sa bandang huli, heto at kami pa rin ang inuwian nya. 


Hindi na mahalaga ang nakaraan, importante ngayon ay maging masaya kaming lahat habang kumpleto pa. Sa edad ni Ama, alam namin na iilang sandali na lamang namin syang makakasama. 
Ang mahalaga ay narito na sya, at heto nga, tinupad nya parin ang pangako nya. 


Ang mansanas na inabot ng 21 taon bago ko nakuha...
**
-this is a true story-

May 27, 2012

Retoke

 Sa advanced ng Technology ngayon, madali ng maayos ang halos lahat ng parte ng ating katawan.

Mula sa mukha na tagihawatin, kaya na ngayon itong maging makinis at sabi nga nila, kutis artista. YUn nga lang, sa presyong hindi basta-basta ang halaga.

Kung ang mukha at kutis nare retoke,  ang puso kaya,kaya rin gawan ng paraan?


“Hi, pasyal tayo sa Ring Road tonight? kung wala kang lakad” sms ni Ronald.
Hayy, actually may bowling session sana kami, panu ko ba mapapahindian ang tao na ilang linggo na rin tumatakbo sa aking isipan.

“Sensya ka na ha, medyo makulit ako “ si Ronald.
“Ok lang yun, wala din naman akong gagawin sa bahay ngayon eh” sabay pindot sa celphone ko ng send button para sa txt na hindi ako makakasama sa bowling ngayon.

Masasabi mo bang mali ang pagmamahal, kung ang nararamdaman nyo naman ay TAMA?

Sino ba naman ang hindi mahuhulog ang loob kay Ronald, mabait. Sweet talker, may karisma sya na hindi ko alam panu i explain.
Matalino, hindi magpapahuli ang itsura kahit medyo payatot sya.

May pamilya si Ronald, may mga anak. Kahit on the rocks na ang samahan nilang mag asawa, hanga parin ako sa pagiging isang mabuti nyang ama. He’s a good provider. Hindi nya kelanman pinabayaan ang mga anak nya.

May mga araw na naiisip ko, hanggang kelan kaya kaming ganito?

Araw ng offday ko yun, pagbukas ko ng facebook, nabungaran ko ang kaka upload lang na pictures ng pamangkin ni Ronald. Kakabalik lang pala nila from Pinas. At ilan sa mga kuha ay kasama ang mga anak ni Ronald. Malalaki na sila, high school na ang panganay, kamukhang kamukha ni Ronald yung bunso.
Hindi ko alam kung ano ang nagtulak sa kin para magkaroon ng lakas ng loob at nakipag chat ako kay Jenny, pamangkin ni nya.

Close kami, palibhasa nakakasama ko sila kapag may occasion ang mga Filipino Community dito sa Abu Dhabi. At nalaman ko sa kanya ang iba pang details about Ronald’s Family.

Now i understand kung bakit ganun ang itsura nya araw-araw, stressed from work tapos problema pa sa family nya. Kahit siguro ibang lalake, ganun din ang magiging itsura kapag nalaman na ang mga anak nya at asawa ay nagkakagulo sa Pinas. May kanya kanyang attitude kumbaga.

Kapag mahal mo ang isang tao, aalamin mo ang lahat sa kanya. Kung kinakailangan na kaibiganin mo ang buong angkan nila, gagawin mo. Isang desisyon na aminin ko man o hindi, alam kog mali.

“oi Gandahan, ano ba yan at pati anak ni Ronald friends mo?” hysterical na sambit ni Mimi.
“ano naman masama dito, eh gusto ko lang mapalapit sa mga bata. Who knows in the near future, di ba?”
“ay naku, asa ka pa !” nakasimangot nyang sagot.
“Lam mo friendship, di naman ako against sa inyo ni Ronald, kase sabi nya nga hiwalay na sila ng mrs nya at mga anak na lang nya ang reason kung bakit sya natawag sa Pinas” mahaba nyang litanya
“pero naman kapatid, imulat mo yang mga mata mong singkit, ano ba ang magiging laban mo sa asawa lalu na’t dun parin naman sa bahay nila ito nakatira?”
“lam mo Mimi, hindi naman lahat ng mag asawa eh nagsasama dahil may pagmamahal pa sa isa’t-isa. At si Ronald naman eh andito at araw araw, pagmulat ng aking mata eh sya ang nakikita” defensive na tono ko.

“ok fine, pero sinasabihan lang kita, Kung si Greg iniwan ka dahil hindi mo man lang napulbusan ng tender care, eh yang si Ronald baka iwan ka dahil sa sobrang yakap mo, nasasakal na pala” at gaya ng dati, padabog nya akong iniwan sa salas.

Kung may against sa relasyon namin ni Ronald, si Mimi yun. Palibhasa, lumaki sila na walang ama. Iniwan sila at sumama ito sa ibang babae. Namatay ang nanay nila sa pagiging katulong sa New Manila, buti na lamang at may malasakit ang amo, pinag aral sya hanggang college at eto nga, taga suporta naman sya sa mga kapatid nya.
May pinaghuhugutan sya ng galit kumbaga. Pero iba naman ang tatay nya at iba si Ronald. Mabuting syang ama.

“Hi, how’s your day?” post ko sa wall ni Arjerie anak ni Ronald.
“im fine po tita “ reply ng bata

I tried my best na makuha ang loob nya,alam ko kase na yun ang kulang sa kanya. ATENSYON, mula sa ina at mula rin sa ama.
Hindi madali ang ginagawa ko, everytime na inilalapit ko ang aking sarili sa mga anak nya, parang tinuturok ng injection ang puso ko.

“kapag umuwi ako, dalawin kita Arjerie ha, i’ll bring Jenny with me para bonding kayong magpinsan” post ko sa wall nya, ewan ko ba parang feeling ko gusto ko na agad ma meet si Arjerie at kapatid nya. Hindi pa ko nagiging ina, kaya siguro sabik ako sa mga kagaya nila. Lalu na’t teenagers, madami syang mga inquiries na alam kong hindi nya kayang itanong sa mommy nya.

“ARE YOU MY DAD’s MISTRESS?!”

ikinagulantang ko ang nabasa kong post ni Margaret, bunso ni Ronald.
I’m not ready for this confrontation, ayokong masira ang foundation na itinayo ko sa pagitan namin ni Arjerie.
“no im just a friend of your dad” pakumbaba ko
“LIAR ! nakita ko mga pictures nyo ni daddy at walang friends na nagyayakapan ! bata pa ako pero hindi naman ako ganun ka bobo. Sa teleserye lang uso ang linyang ‘we’re just friends”
Galit ang bata, ayokong patulan ang mga salita nya, na animoy asido na ibinuhos sa aking pagkatao.

Im not ready for this kind of battle.

“WALA KA BANG MGA ANAK AT NAGAGAWA MONG KUMABIT SA DADDY KO NA MAY PAMILYA?” another strike at diretso talaga ang sumbat nya sa akin. Hindi ko na kinaya, i logged out.

Nag half day ako, sumakit kase ang ulo ko. I think stressed from Margaret’s post. At naisipan kong maglakad lakad sa Marina Mall, magpapalamig kumbaga.

Saan nga ba nagsimula ang lahat ng ito?


Dati akong nurse sa London, after being married for 7 years. Hindi kami nagkaanak ni Greg, or i’d rather say, hindi kami nagkaroon ng chance makagawa ng anak.
Totoo pala yung kasabihan na “money can buy everything, except Love and affection” dahil sa akin mismo nangyari yan. Dahil sa trabaho, hindi ko namalayan na nag iisa na lang pala ako.

Mula sa London, lumipat ako sa Abu Dhabi. From resident nurse, nag shift ako sa pagiging Derm Care Assistant.

Minsan, naisama ako sa isang party ng mga Filipino Community. Boring din lang naman sa bahay at mainit kaya’t pinaunlakan ko sila.
Hindi ako mahilig sa gimik or party, sa edad kong 36, para bang nalipasan na ako ng gana. Feeling ko, dapat sa edad na ito meron na akong pinu problemang anak na nasa Pinas at palaging tinatawagan para i check…at buhat sa aking likuran ay naulinigan ko ang pakikipag usap ng isang kabayan na parang galit. Mukhang may problema ata sila ng nasa kabilang linya na kausap.
After few minutes ng konting inuman at kwentuhan ay nagpakilala ang bawat isa, bagong community pala ito na binuo ng mga kababayan natin dito sa bansang Arabia.

Lumalalim ang gabi, nagiging masaya ang lahat. Nagkukulitan, may nag aasaran pero likas talaga sa ating mga Pinoy ang malakas palagi ang tawanan.

“Oi nga pala, incase na gusto nyong gumanda, andito lang si Angelu de Leon ng Saudi Arabia, may discount na, libre pa ang konsulta. Yun nga lang, kapag wala na ang boss nya saka kayo pumunta” si Mimi, ang hausmate ko na nagyaya sa akin sa party.
“naku  hindi naman ganun kamahal, saka ia assess pa naman bago magkakaron ng recommendations at magkano magagastos kung sakali “ paglilinaw ko sa kanila
“Hi Ms Angelu, sa tingin mo magkano magagastos ko dito sa pagmumukha ko?” malalakas na tawa ang sumunod kong naintindihan.
Hindi naman sa nanlalait ako, pero si Diego ata ang magpapalabas ng skills ng doctor na amo ko. Kakaiba kase ang mga tigyawat nito sa mukha, at ewan ko ba, mukhang nasobrahan ata sya sa kakakain ng adobong mani nung kabataan nya kaya ayun,naging itsura nya.
“Eh RETOKE sa PUSO kaya mo ba?” huh? isang nakakagulat na malamyang boses ang nakapukaw ng aking atensyon.

Mula sa may gilid ng aking kinauupuan ay nagsalita ang lalake na kanina lamang ay may kausap sa telepono. Hindi ko napansin tuloy dahil sa sarap ng aming mga tawanan,

Nang makauwi na, hinagilap ko ang aking Calendar. Sabay nilagyan ko ng marka ang petsa na yun. Masasabi kong isa sa pinaka masayang gabi sa buhay ko ang napasama sa kanilang grupo. Nagkaroon ako ng mga bagong kaibigan.

Makalipas lamang ang may ilang araw, nagkita kita kaming muli ng grupo, at gaya ng dati malulutong na tawanan ang umalingawngaw sa kabahayan.
Dito ko na nakausap at naka kwentuhan si Ronald. Isa syang Engineer at halos may 3 taon na sa Abu Dhabi. Tahimik na tao per may sense. At kung magbiro, HINDI nakakatawa. kase naman, may nagbibiro bang ang mukha eh mas seryoso pa sa naghahanap ng kayaman ni Yamashita.

Sa linggo linggo naming pagkikita kita, namuo ang isang pagkakaibigan na hindi ko alam kung paano nga ba nagsimula. Ang mga kapatid ni Ronald, sa hindi ko inaasahang pagkakataon, ay dating kasama ko pa pala sa OJT noong college. What a coincidence at halos lahat ng kakilala nya, common friend ko rin.

Habang tumatagal, lalu kaming naging close ni Ronald, isang araw, habang nagku kwentuhan about family, hindi na nya napigilan ang mag kwento. Dala na rin siguro ng pagkakainom nya ng ilang shot ng Brandy, at dahil na rin siguro sa bigat ng kanyang problema, nagkwento sya sa akin.


Tama pala yung mga quote sa facebook na “hindi dahil nagsasama at mag-asawa ay may pagmamahal pa na natitira” at sya ang isa sa living example na aking nakilala.

Ang dati’y linggo linggong pagkikita, nagyon ay naging every other night na. Naging malapit kaming magkaibigan ni Ronald, sa loob lamang ng ilang buwan, nakilala ko sya at ramdam ko ang bigat ng problema na naka atang sa kanyang mga balikat.

“Oi ganda, kayo na ba ni Ronald? “ tanong ni Mimi isang gabi na kakauwi ko lang.
“Nu ka ba friendship, masyado kang USI. Basta ba laging magkasama, may relasyon na agad?”

“ ikaw na ang defensive !” sabay pasok sa kanyang kwarto.
**

Inabot ako ng dinner time sa Mall. Bumaba ako sa food court at habang kumakain, may nakatabi akong Pinay karga ang anak nya.May kakulitan yung bata, at di sinasadya napahawak sya sa hita ko.

“oh sorry, Pinay ka?” sabay tanong nya
“oo, ang cute naman ng baby mo” at sadya namang maganda ang bata

“thank you po, hinihintay kase namin ang asawa ko. Dito nya kami tatagpuin eh, mahirap naman maglakad lakad baka maligaw kami” halatang bago pa lang sya dito.

“ah, nagbakasyon ba kayo?” usisa ko

“ay hindi po, naiayos na ni Mr ang papers namin mag ina, naka dependant kami sa kanya. Naku ate mahirap pag magkahiwalay ang pamilya , kalimitan in the end hiwalay or nagkakaanak sa iba “ obviously, masyado syang frinedly. Pinatamaan talaga ako eh.

1:25am Abu Dhabi.

Habang pinagmamasdan ko si Ronald sa kanyang mahimbing na pagtulog, tinanong ko ang sarili ko.
Hanggang kelan ko nga ba kayang magtiis, hanggang saan ko sya kayang ipaglaban, At may karapatan ba ako na gawin yun?

At muli, nagbalik sa aking ala-ala ang mga sinabi ni Margaret. “WALA KA SIGURONG ANAK ….”  isang mapait na katotohanan.

“o friend, bat mulat ka pa? anong petsa na aba?!” si Mimi, kumuha ng tubig sa ref.
“di ako antukin eh”
“lam mo, simula college kasama na kita. Kaya di mo ko madadaan sa drama.” kilala nya talaga ako.

at kinwento ko sa kanya ang nangyari kanina.

“Friend, isa lang masasabi ko sa ‘yo. LOOK at me, what i’ve become. Gugustuhin mo bang magkaroon ng younger version si Mimi, at yun ay na create dahil sa isang tulad mo”  yun lang at iniwan na nya ako.

At gaya ng sabi nila, TIME heals all wounds. May peklat lang kalimitan na maiiwan para mag paalala na minsan nadapa ka.

Pero ok lang, anong silbi ng pagiging empleyado ko sa Emirates International Hospital kundi ko kayang i Retoke ang peklat na idudulot ng kabiguan ko.

Moment of truth.
Mahigit 3 years pa lang kami ni Ronald, kung sakali man, handa ko bang harapin ang may 30 taon pa na magiging buhay namin kung ngayon pa lang ay sumusugat na sa aking pagkatao ang sumbat ng anak nya sa akin.

Isang haplos sa mukha ni Ronald at ako ay pumikit na.
Madaling araw na pala, malamang ito na ang huling umaga na imumulat ko ang aking mga mata na kaharap sya.



****

Sometimes we have to open our eyes to see better view of the future.


May 20, 2012

Di ko tutularan ang Tatay ko...




kalimitan sa atin takot sa ama, akala natin lahat ng sasabihin natin kokontra sya.

Palibhasa lumaki tayo na sya ang kinatatakutan higit sa ating ina, ang salita nya kalimitan ay batas sa loob ng tahanan, pero natutuwa ako, kahit papaano nakilala ko ang tunay na pagkatao ng tatay ko bago pa maging huli ang lahat.

lumaki ako na ilag sa aking ama, mahilig syang mamalo, di ko maintindihan kung bakit pag nagkakamali ako pinagsasabihan nyaako at pilit pinasusunod sa gusto nya.naalala ko pa noong panahon na ayokong mag aral, mas gusto kong maglaro ng basketball, mas masarap mamaril ng ibon sa gubat at higit sa lahat masarap humingi lang ng baon, palagi nya akong hinahabol ng pamalo, high school na ako pero namamalo parin si tatay.mahal nya raw ako kaya nya ginagawa yun. ang pagmamahal pala para sa kanya ay pananakit. lumayo tuloy ang loob ko sa kanya. para sa akin mas ok pa kung di kami magkikita, mas magagawa ko gusto ko.

pilit nyang isinasaksak sa utak ko na wala akong mararating kung tatambay lang ako,
na sundin ko ang payo nya. na wag akong tumulad sa kanya.

wag tumulad sa kanya?
college na ako nung mapag isipan ko ang mga payo nya, paulit ulit nyang ipinapaalala na wag akong tumulad sa kanya. na ibahin ko raw ang aking mundo.

naunawaan ko na ang lahat,
lumaki sa tubigan ang aking ama, nakikisaka, walang sariling lupa.
nakilala nya ang aking ina sa gitna ng anihan sa aming rehiyon. mahirap ang buhay, di sya nakapag aral. pero ganunpaman iginapang nya kaming magkakapatid upang mapapag aral.

at sinabi ko sa sarili ko,susundin ko na sya once and for all para di na nya ako masaktan. kelanman ay di ko sya tutularan.

kaya eto ako ngayon isang engineer,kapatid kong babae abogada na, si bunso naman nasa amerika piloto na.

si tatay?

at dahil sa sinunod namin ang kagustuhan nya na wag syang tularan,
ayun nasa tubigan parin sya, katulad ng dati kasama ng mga nag aani at nag tatanim sa bukid at sa palayan.



palayan na niregalo namin sa kanya.






May 8, 2012

Sapat Na

Sapat na sa akin ang panoorin ka araw-araw.
Sapat na sa akin ang paglingon mo sa kinaroroonan ko, kahit sandali, 
para maging 'da best' ang araw ko. 
Sapat na sa akin ang magpadala ng mensahe sa'yo, kahit 'di na ako magpakilala. 
Masaya na ako sa kalagayan ko na tumingala sa'yo mula sa paanan ng pedestal,
 na kung saan kita nilagay.

Hindi ka kasi para sa akin. 
Kahit naging magkasama tayo palagi, ni minsan, 
hindi mo naisip na lumapit sa akin at makipag-usap kung ano bang relasyon meron talaga tayo. Natanggap ko nang kahit kailan wala akong maasahan mula sa'yo. 
Malayo ang mundo mo sa mundo ko, kaya hindi ako naaalila ng ideyang magiging tayo. 
Aminado ko na sa sarili ko na hindi kailan man magiging tayo.

Hindi masakit. 

Naghilom na ang sugat bago pa ito dumugo.

Naisip kong walang patututunguhan ang pagtingala ko sa iyo. 
Magkakastiff-neck lang ako. 
Sasaktan, sasayangin at papagurin ko lang ang sarili ko sa iyo. 
Kaya titigilan ko na ang kahibangan ito. 

Naisip ko rin na tanga ang lahat ng ito. 
Katangahan ang umasa na isang araw mapapansin mo ako at magkakagusto ka sa akin, sa pagkatao ko. 

Hindi mangyayari yun... kaya walang kwenta.

Paalam. 

At kung sa aking pamamaalaam napansin mong kulang na ng isang pares ang mga matang nakatuon at tila sumasamba sa'yo sa bawat minuto ng araw mo, ibig sabihi'y pinikit ko na ang mga mata ko. 


Tumingala ka sa langit... nandun ako..!


***








Translate

~♥~`~`~`♥~`~`~`♥~`♥~`♥~`♥~`~`~`♥~`~`~`♥~

Subscribe via email

Enter your email address:

Delivered by FeedBurner

 
;