Sep 5, 2013

Propesiya

Hindi ko na naman napigilan ang aking sarili na sumulyap sa iyong higaan,
ilang araw ka na nga bang hindi umuuwi... ilang linggo na nga pala.
Biglaan ang alis mo, hindi ko inaasahan.
Umuwi na lang ako isang gabi na naka empake ka na, papunta na sa America.

Nagulat ako, hindi ko inaasahan na sa loob ng ilang panahon natin na tahimik,
may nagawa ka na palang hakbang para tuluyan na tayong magkahiwalay.
Akala ko mapipigilan kita sa sinasabi mo na lilipat ka na ng tirahan,
na magsosolo ka na lang
Natuwa ako dahil dumaan ang ilang buwan na hindi mo naman ako iniiwan.

Ngunit nung umuwi ako at nakita ang mga naka empake mong gamit,
hindi ko na hinintay pa ang iyong paliwanag.
Malinaw na sa akin ang lahat, iiwan mo na ako.
Na ayaw mo na talaga ako na makasama. 

Inilihim mo sa akin na aalis ka at lilipat na, hindi lang ng bahay,
kundi ng bansa para doon magsimula muli ng panibagong buhay.
kung saan alam mo na mahihirapan akong sundan ka. 
Sabagay sino nga ba naman ako para sumunod sa 'yo,
kaibigan mo lang naman ako di ba.

Isang kaibigan na hibang na umasa at nag pantasya na mapapansin mo rin
Naniwala ako sa sinasabi nilang aklat ng propesiya,
kung saan nasusulat na ikaw at ako ay para sa isa't-isa.
isang kalokohan lamang pala ang lahat. 
Na ito ay walang katotohanan.

At ngayon nga, habang pinagmamasdan ko ang dati mong higaan
Lalo kong nararamdaman ang pangungulila,
sana narito ka at ako ay dinadamayan,
 tulad dati noong tayo pa ay magkaibigan.
Katulad dati noong inakala ko na ikaw at ako hanggang wakas ay magmamahalan.

Isang sulyap pa sa dati mong higaan,
malalim na buntong-hininga at sunod-sunod na pag-iling
sabay yakap sa unan at bulong sa aking sarili
darating din ang araw na magkikita muli tayo. 
Di man bukas, di man sa isang linggo,
pero nakasisiguro ako, magkikita tayong muli.

**
Saan ka man narooon ngayon, hindi ka magiging maligaya
dahil sa iniwan mo ako na nagdurusa.

Jul 22, 2013

imbitasyon

Isang liham ang aking natanggap.
Sa sobre ay makikita ang larawan ng Pambansang selyo ng Singapore
Kahit may ideya kung ano ang nilalaman,
may pagka excited ko pa rin itong binuksan.

2 pahina.
Unang pahina ay imbitasyon para sa gaganaping National Day
Ang ikalawa ay imbitasyon upang maging mamamayan nila.
Isang napakalalim na buntunghininga habang binabasa ko ang mga nakasulat
Nakaka engganyo na mga alok at panghihimok.

Ilang taon na nga ba ako sa bansang ito?
Mahigit pitong taon. Matagal tagal na rin pala.
Hindi ko na mabilang sa aking mga daliri ang mga pinagdaanan ko,
mahirap, maginhawa, malungkot at masaya.
Mag isa ko itong hinarap sa loob ng may pitong taon, pilit pinaglabanan
ang lungkot para mabigyan ng magandang bukas ang mga taong naiwan ko sa Pilipinas.

Handa na ba akong yakapin ang kanilang kultura,
dito ba talaga ako nababagay sa bansa nila.
Binuksan ko ang aking telepono at hinanap ko sa youtube ang awit na Majulah Singapura,
maganda ang bawat lyrics, sumisimbolo sa pagtatagumpay
Nagpapahiwatig ng asenso, magandang pamumuhay at kapayapaan.
Isang bansa, iba't-ibang lahi, iisang adhikain, ang umunlad.

Isinunod ko ang Lupang Hinirang, wari'y naglakbay ng malayo ang aking diwa.
Nagbalik sa aking alaala ang mga panahon noong ako ay nasa Pilipinas.
Noong ako'y nakikipaglaro sa aming mga kapitbahay sa bakuran,
mga araw na ako'y nag-aaral at kasama ang aking mga kaibigan, kamag-anak at magulang.

"Lupa ng araw ng luwalhati't pag sinta buhay ay langit sa Piling mo" ang mga linyang ito
ang nagpabalik sa akin sa kasalukuyan.
Naramdaman kong hilam na pala sa luha ang aking mga mata.
Saktong natatapos ang kanta, itiniklop ko ang sulat.
Ibinalik ko ito sa sobre at iniipit kasama ng mga magazine na itatapon bukas.

Hindi ko parin kayang talikuran ang Pilipinas.

Jun 16, 2013

relo

"Daddy paglaki ko, bibilhan kita ng magandang relo" paslit pa lang ako bibong bibo na talaga ako.
"sya nga anak? sige hindi na ako mag re relo, hihintayin ko ang pangako mo"

Lumipas ang mga panahon, nagbinata ako.
Ang dating bibong anak mo, medyo nagkakasungay na sa ulo.
Nagiging pasaway sa mga utos mo.

Nasa High School pa lang ako hindi na kita makasundo,
nakakainis ka kase palagi mong napapansin ang mga munting pagkakamali ko.
Minsan, umuwi akong nakainom, fourth year high school ako nun, nagkayayaan sa birthday
hindi naman ako nalasing, medyo amoy alak lang, pagpasok ko sa bahay, sinalubong agad ako
ni mommy at sinabihan na galit ka daw at kanina pa ko hinahanap kung asaan.

Akala ko, pagsasabihan mo lang ako, pero iba ang gabing yun.
Papasok ako ng aking kwarto ng salubungin mo ako at unadayan ng suntok sa sikmura,
Masakit, makirot, parang gusto kong masuka,
"Pinag aaral ka hindi pinababarkada, anong mapapala mo sa ginagawa mo, kung napaaway ka, maipagtatanggol ka ba ng mga kainuman mo?" mahaba mong litanya.

Hagulhol ni mommy na lamang ang aking naintindihan, pumasok ako ng kwarto sabay lock ng pinto.
Gusto kitang sigawan, na parang di ka dumaan sa kabataan, lalake ako hindi babae,
Nagbibinata na ako, may mga kaibigan at mga kakilala na pinakikisamahan.
Simula noon, umiwas na ako sa 'yo, sumasagot lang kapag may itinatanong ka, naging mailap ako.

Nasa third year college ako sa Adamson University nang mag retired ka,
 kung dati every week ka lang umuuwi sa bahay dahil sa isa kang sundalo at palaging naka duty,ngayon, halos araw-araw na nasa bahay ka.
Pag gising ko pa lang nagkakape ka na sa kusina,sa gabi naman pag uwi ko,
nasa salas ka nanonood ng TV.
Para hindi na maulit ang ating pag sasagutan, dume derecho na ako sa aking kwarto,
minsan naririnig ko kayo ng mga kapatid ko habang nagku kwentuhan,
alam mo yung feeling ng outcast, ganun ang palagi kong nararamdaman.
Yung parang hindi ako parte ng pamilya.

Graduation ko nung 2006, iniwan ko lang sa mesa ang invitation para sa aking pagtatapos.
Di ko ini expect na pupunta ka sa graduation ko, panu kase, mabababa lang ang grades ko,
hindi ako katulad ng iba kong mga kapatid na nagsisipag tapos na may honors.
Si Divina,Magna Cumlaude , si Hector naman CumLaude.
Samantalang ako, inabot ng 6 years sa kursong ECE, hindi pa nga sigurado kung makakapasa sa board.

Imbes na umuwi sa bahay pagkatapos ng graduation, dumerecho ako sa celebration ng aking barkada.
Kasama nya ang buo nyang pamilya, pati mga tyuhin at tyahin galing probinsya nila dumalo. Ang saya nila, pakiramdam ko, kahit siguro inabot ng 7 taon sa kolehiyo si Arthur, ganito parin kasaya ang magiging celebration nila. Hindi mahigpit ang kanyang ama.

Alas onse na yun ng gabi, pagpasok ko sa bahay,
nakita-kita, nakatulog ka na pala sa panonood mo ng TV.
Lumabas si mommy, "ba't ngayon ka lang? nagluto si daddy mo, nagpa order pa kami ng ilang putahe yun pala hindi ka uuwi ng maaga" pabulong nyang sabi sa akin, para siguro wag kang magising.
"Sorry po, nag celebrate kase si Arthur kasama ng pamilya nya, napasama ako" patalikod na sana ako nun ng bigla kang magising.
"Tapos ka na sa pag aaral mo, tapos na rin ang obligasyon ko sa 'yo. Malaya ka ng gawain ang ninanais mo. Maiintindihan mo rin ang paghihirap namin sa 'yo pag ikaw na ang ama ng tahanan gaya nito" matalinhaga mong salita sabay tumalikod ka na at pumasok ng iyong kwarto.

Isang linggo after ng pangyayaring iyon, umalis ako ng bahay.
Naghanap ako ng trabaho, sabi ko sa aking sarili,
hindi ko na iaasa sa inyo ang pagbabayad sa aking review.
Namasukan ako sa isang telecom company, hindi ako umuwi sa bahay,
kalimitan si mommy ang natawag sa akin, nangungumusta.
Kahit 3 oras lang ang byahe pauwi sa Laguna, hindi ako umuuwi,
mas ginusto ko pang sa maynila mangupahan, ayoko kaseng makita ka,
baka muli na naman tayong magka sagutan.

2009 nang magpasya akong magpunta sa Singapore, ayoko sanang magpahatid sa inyo pero mapilit si mommy. Nakita ko ang ipinagbago ng iyong itsura. Ang dati mong makisig na pangangatawan, tila bumagsak na. Gusto kitang tanungin, pero nag dalanghiya ako, baka mamaya ano na naman masabi mo at mapasagot ako ng pabalang, baka sa airport pa tayo magbangayan.
Mahihigpit na yakap ni mommy ang aking natikman, ikaw, isang ngiti lamang ang 'yong pinakawalan, sabi mo, mag iingat ako at wag magpapabaya sa aking kalusugan.

Nasa eroplano na ako nun ng maisip ko, halos 12 taon na pala tayong nagkakalamigan.
Mahabang panahon na rin ang imaginary wall sa pagitan natin dalawa.
Naisip ko habang lulan ako ng eroplano, yung mga panahon na tayo ay masaya, noong panahon na ako ay isang musmos na bata, makulit, punong puno ng sigla kapag ikaw ay kasama.
Na realize ko ang aking pagkakamali, bakit nga ba ako umiwas sa 'yo, bakit hindi ako lumapit, nag sorry or nakipag usap man lang sa 'yo matapos ang insidente ng panununtok mo sa sikmura ko.

Anak mo lang ako, at ikaw ay aking ama.
Wala ako sa mundo kung wala ka, pero hindi ko ito naisip
hindi ko ito napahalagahan sa loob ng may halos 12 taon na nakaraan,
ngayong nasa eroplano ko lamang ito naisip, kung kelan malayo na ako sa iyo.

Hustong pagbaba ko sa eroplano, naka recieve ako ng text message sa roaming celphone ko,
"anak si daddy idinerecho ko sa ospital, serious sya, stroke" si mommy ang nag message.
Hindi ko alam kung tawag ng pagiging isang anak, pumunta ako sa ilang airlines counter,
nagmamadali akong bumili ng return ticket pabalik sa Pilipinas, hindi ko na inisip ang trabaho na maghihintay sa akin, noong oras na iyon, ikaw ang aking naiisip.
Kaya pala pansin ko bago ako umalis ang pamumutla mo, akala ko normal lang iyon sa 'yo.

Habang naglalakad ako papuntang boarding waiting area ng may madaanan akong tindahan ng mga relo, parang nagbalik sa akin ang lahat, ang aking pangako sa 'yo na bibilhan kita ng mamahaling relo paglaki ko. Nagtingin tingin ako ng relo, naalala ko, kailanman ay hindi kita nakitang nagsuot ng kahit anong relo, Masyado mo atang sineryoso ang pangako ko.
Bumili ako ng isang branded na relos, swiss army , bagay na bagay sa katauhan mo.
Parang gusto kong liparin ang Pilipinas at maiabot agad ang aking regalo.

June 18, 2009
NAIA. walang sumundo sa akin, nag taxi na lamang ako papuntang Asian Hospital kung saan ka isinugod ni mommy.
Sa tanang buhay ko, ngayon lamang ako nagdasal, nanalangin ako na sana ligtas ka, na sana magkausap pa tayo.
Madami akong gusto sabihin, madami akong gustong ipaliwanag.

ICU Asian Hospital 5:35am
"Dad, andito na ulit ako, dala ko na yung promise ko sa 'yo. eto isusuot ko ang relong pinangako kong ibibigay ko sa yo paglaki ko" hindi ko na pansin ang pag agos ng luha sa aking mga mata.
Isinuot ko sa 'yo ang relo at itinaas ang iyong kanang kamay para makita mo ang nakasuot sa 'yong braso.
"salamat anak" mahina mong sagot.
"daddy patawad, i'm sorry." hindi ko na napigilan pa na humagulhol sa iyong tabi.
Animoy batang paslit na umiiyak sa tabi ng kanyang ama.
"daddy, happy father's day !" at nakita ko ang mga luha na umaagos sa iyong mga mata.

Makalipas ang limang araw, iniwan mo kami na iyong pamilya.
Ang limang araw na iyon ay katumbas ng may labindalawang taon nating hindi pagkikibuan.
Gumuho ang pader na ako mismo ang nagtayo, hindi ko napansin ako pala ang may kasalanan,
naging isang mabuti ka lamang na ama sa akin. Sa aming magkakapatid.
Hinayaan mo akong hanapin ang aking sarili, hindi mo ako pinilit sa iyong mga kagustuhan.
Huli na ng ma realize ko ang aking mga pagkakamali.

Daddy, asan ka man ngayon Happy Fathers day ! Salamat sa pagiging isang mabuting ama, sa isang naligaw ng landas na anak.


***
Treasure every moment you have with your Dad,
hindi mo alam kung hanggang kelan mo lang sya makakasama.


Jun 5, 2013

Peklat

hindi lahat ng sugat, pag naghilom walang iniiwan na peklat
kalimitan mas masama pa ang peklat na naiwan kesa sakit na idinulot ng sugat
may kirot pa rin na nararamdaman kahit tuyo na ito
kahit isa na lamang syang peklat.

Ikaw at ang sugat para sa akin ay iisa,
iniwan mo kase ako nung panahon na akala ko forever na kitang makakasama
dati rati, naku-kornihan ako sa mga wall post about moving on at letting go
kabaduyan para sa kin, yung mga emo na tao lang na papansin ang gumagawa.

Yun ang akala ko, dahil nung mawala ka na sa aking piling 
naramdaman ko ang kalungkutan, ang pakiramdam ng nag-iisa na lamang.
simula noon, lahat ng wall post pakiramdam ko lahat ay patama para sa akin
wala na akong pinalalampas basahin, dahil para itong punyal na sumasaksak sa damdamin

Sinugatan mo ako, hindi pa naghihilom ang mga sugat nasundan ito ng paulit ulit 
parang punyal lang na maya't maya ay itinatarak sa aking dibdib,
na kahit anong iwas , masasaktan at masasaktan parin,
tatama bawat talim sa akin para ako'y tuluyan ng wasakin at kalaunan ay patayin.

Madaling sabihin ang salita na move on, let go
pero mahirap gawin lalu na't ang tao na kailangan kong kalimutan at pakawalan
ay ang tao na kailanman ay hindi ko inakala 
na ang lahat ng kanyang sinabi ay puro kasinungalingan
dahil sa simula't simula pa lamang, hindi nya inamin ang tunany nyang hangarin,
ang linlangin ako at paibigin, upang sa huli ay iiwan na may dalahin

Paalam, saan ka man naroroon sana'y iyong malaman,
na ang sinugatan mo at sinaktan, at kalaunan ay iniwan ay heto ngayon
dala-dala hindi lamang ang peklat ng sugat mula sa ating nakaraan,
kundi ang binhi ng minsang pag-iibigan na inakala kong may katotohanan.


***
Para sa isang ama na tinalikuran ang anak na isisilang pa lamang,
sana ay maging maligaya ka, papalakihin ko ang bata na may tuwa at ligaya,
pasensya, pero hindi ko sya imumulat sa mundo na may kasinungalingan at pandaraya
Hindi ka karapat-dapat na kanyang makilala bilang isang Ama.

++


May 15, 2013

Dating Ikaw

Ayokong umabot tayo sa paghihiwalay na masama ang loob ng isa’t-isa.
Makipag usap ka kase ng maayos, 
wala naman mangyayari kung palagi kang pagalit sa akin.
kung ayaw mo na ako na makasama,
magsabi ka ng maayos, kahit ayoko,
Wala naman akong magagawa.


Ganun naman talaga, may mga bagay na hindi natin pwedeng hawakan
kahit alam natin na pwede naman.
Ikaw yung tao na matagal kong hiniling kay Lord,
mabait naman sya, kase ipinahiram ka sa akin
Kahit 7 years lang, atleast nakasama kita.


Siguro may iba nang plano para sa ýo kaya binabawi ka na sa akin.
Wala naman kaseng permanente sa mundo, except Changes.


Sabi mo nga, di naman pwedeng maging tayo, kase Package Deal ang promo ko.
Sino nga ba naman seseryoso sa akin eh may mga inakay akong nakabitin.
Kung meron man, siguro di nga ikaw yun. iiwan mo na nga ako di ba.

Sana bago man lang tayo maghiwalay, makapag usap tayo ng maayos.
Yung seryoso, hindi yung galit ka palagi.


Kung meron ka nang iba, well, goodluck sa kanya.
I mean sa inyo pala.
Madami na kase tayong nasabi na masasama sa isa’t-isa.
Pilitin ko man maging normal ang pakikitungo sa ýo
kung ikaw naman mismo ang ayaw na makipag cooperate,
wala talagang magiging bunga na maganda.
 

It takes two to tango sabi nga nila.
Yun nga lang, parehong kaliwa ata ang aking mga paa.
Mas madalas pa ang pag-aasaran natin
kesa sabay na kumain sa mesa.


I’m very much thankful for having you in my life for more than 7 years.
Magkahiwalay man tayo, babaunin ko ang magaganda nating pinag samahan.
Isa lang naman ang aking kahilingan,na sana,

kumustahin mo naman ako kahit pakunwari lang.

I am not yet saying goodbye,
gusto ko lang makausap yung dating ikaw na nakilala ko 7 years ago.
Sana, makaharap ko ulit sya, masabi man lang ang aking mga nadarama.



PS


i'll let you go,but i will not say Goodbye....

Apr 24, 2013

existence


Naramdaman mo na ba yung parang hindi ka na nag e exist?
Yung feeling na ginagawa mo naman lahat para mapansin ka nya
Na kulang na lang mag make up ka para maging clown ang dating
Kakabanat ng mga jokes na kalimitan kahit ikaw eh naku-kornihan na rin.
 
Yan, ganyang ganyan ang feeling ko sa ngayon,
Na parang kahit magsasayaw ako sa harapan mo, hindi mo pa rin ako mapapansin.
Paano naman kase, nasa malayo palagi ang iyong tingin,
Animoy hinihipan ka ng hangin kapag napapadaan ka sa harapan ni EX.
 
Bakit nga ba may mga tao na mahal na mahal mo,
Pero ayaw naman sa ‘yo at iba ang ginigusto, yung meron ng commitment.
Andito naman ako, single, available, willing pa nga to mingle,
Di ko maintindihan, bakit sa kanya ka pa habol ng habol eh inayawan ka na nga di ba.
 
Sa math kapag may X, kelangan may kaukulan itong value,
Hindi pwedeng makapag move on kapag palaging naka carry over si   X.
Parang ikaw, hindi ka makaka recover kung palagi kang nakahabol sa kanya,
Tumingin ka naman sa paligid mo, malay mo ang substitution eh nasa harapan mo lang pala.
 
Napapagod din ang puso, naiinip rin sa kahihintay.
Baka kung kelan huminto na ang pag-inog sa ‘yo ng aking mundo,
Kung kelan ipinikit ko na ang aking mga mata na laan sana sa  ‘yo
saka mo naman ma realize ang existence ko.
 
 
Mahirap magmahal sa taong may mahal na iba,
Pero mas mahirap magmahal kapag binibigyan ka lang nya ng maling pag-asa…
 

Apr 9, 2013

tinik ng Rosas

Paano ba magpaalam sa isang kaibigan?

Nakatulog na pala ako sa byahe, naramdaman ko na lamang ang isang tapik sa aking balikat.
"Maligayang pagdating, mabuhay!" ani ng stewardess habang nagsisitayuan ang mga pasahero,
mahigit tatlong oras din pala akong nakatulog, 4:30am na ng madaling araw, 
tama lang na nakapag pahinga ang pagal ko ng katawan, pagod na kaluluwa 
at damdamin na nahihirapan.

"ate, hanggang kailan ka dito?" masayang bati ng aking pinsan
"hanggang sa makalawa lang, may pasok na rin kase ako sa lunes" malamyang sagot ko
"pasyal tayo ha, tamang tama sarap ngayon mag swimming sa laguna" madaldal nyang wika
Hindi ko na naiintindihan ang mga kwentuhan nila. Naglalakbay kase ang isip ko.
Wari'y naiwan sa Singapore ang aking diwa.

Bakit nga ba ako napauwi ng bigla?

Nagbalik muli sa aking alaala ang mga pangyayari, 15 oras pa lamang ang nakakaraan.

Mula sa aking pinapasukan na kumpanya, yayayain ko sana si Frida para mag dinner.
Maaga pa kase, alam ko naman na wala pa si Paulo sa bahay, mauuna parin ako sa kanya.
Naisipan kong bumaba ng cityhall mrt para pumunta sa Plaza Singapura, 
doon ko na lamang tatawagan si Frida para magtagpo kaming dalawa.

Ilang linggo na kase kaming hindi maayos ang samahan ni Paulo, palagi syang pagalit
kalimitan mainit ang ulo sa akin, pag tinatanong ko naman kung anong rason,
wala syang masabi. Nananahimik na lamang. Pag kinausap, daig pa ang babaeng leon na bagong panganak kung sumagot, pagalit.

Parang kulang na lang sabihin nya na maglaho ako.
Lam mo yung feeling na hindi ka nag e exist kahit anlaki-laki ng katawan mo.
Na kahit anong gawin mong pagpapapansin, dedma parin.
Kaya mas mabuti pa na manahimik na lang, mimic. Sign language para mas tahimik.

" obvious na babae may-ari nito pag isinuot ko?" kahit nakatalikod, kilala ko ang boses na narinig ko,
sabay sa paglingon ko sa may gilid na pinanggalingan ng boses ay ang pag guho ng aking mundo.
Si Paulo, may hawak na jersey shirt at kaakbay na babae.
Hindi ko alam kung saan ako humugot ng lakas ng loob, hinarap ko sila.

Parang napaka normal lamang sa kanya ng lahat, ipinakilala pa ko sa kanyang kaakbay.
"oi, si Rose nga pala, " ayun lang at tumalikod na silang dalawa.
Gusto ko syang sapakin, sigawan at kaladkarin, sabihin na pitong taon tayong nagsasama tapos "oi" lang sasabihin mo sa akin na pagpapakilala sa Rose na iyong kaakbay at kasama.

Nag message ako sa 'yo kung sino ba sya,di na ako nagimbal sa sagot na aking nakuha.
"GF ko, bakit ano ba kita?" 
OO nga pala, ano nga ba tayo? wala naman di ba. Magkaibigan lang.
Ako lang naman ang bobo na nagbigay kulay sa ating samahan.

Hindi ko na kinailangan pang magpaalam sa 'yo, kaya't  umuwi na muna ako sa Pilipinas.

"anak, hindi mo naman kawalan si Paulo, may trabaho ka. May mga anak ka, hayaan mo sya sa buhay na gusto nya. Hindi dahil naging magkasama kayo ng matagal ay kayo na. Maaring minahal ka nya, pero hindi nya tanggap kung anong meron ka. sabi nga eh, package deal kung ikaw ang magiging asawa nya dahil may mga anak ka"
totoo nga, mothers knows best.

Meron mang Rose sa buhay nya, isa naman akong Gumamela.
hagupitin man ng bagyo, mabubuhay at mabubuhay rin kinabukasan pag hupa ng ulan.
Bahain man at putulin, susuloy at susuloy parin, hindi kagaya ng Rosas,
 ilang ihip lamang ng unos, bumabagsak. Marupok, hindi tumatagal. 

Pero nakakasakit, animo'y panusok sa kalooban ang kanyang mga tinik.

Sa makalawa, babalik na akong muli ng Singapore.
Mas matatag, mas palaban. Isa lamang lalake si Paulo, at BABAE ako.
Isang makabagong Eba na kayang mabuhay sa mundo, dahil alam kong hindi ako nag-iisa
may mga taong nasa paligid ko na nagmamahal at handang umalalay sa akin hanggang sa huli.

At gaya ng mga nakaraang bagyo, muli akong tatayo at mabubuhay.

.
.
.

at AASA na maging maayos pa sana kaming dalawa...




Mar 5, 2013

halik

Lumalamig na ang simoy ng hangin, nagbabadya na naman na may paparating na ulan
ilang araw at gabi na bang ganito, halos di ko na matandaan kung kelan ko huling nasinagan ang liwanag ng buwan
hindi dahil sa pag-ulan, kundi sa rason na palagi akong nakamukmok nakaharap sa tila kawalan

nag hihintay...
nag aabang...

hindi naman tayo ganito,
walang lugar sa atin ang lungkot.palaging masaya
hindi natin pansin ang homesickness, dahil at home tayo sa isa't-isa
sabi mo nga, ako ang iyong best buddy, ang iyong best friend at kung anu-anong best pa
inshort, masaya tayo na magkasama.

Tinutukso nga tayo ng madami, bagay daw tayong dalawa,
ewan ko kung kilig ba ang tawag dun, kase parang kiliti sa puso ang sinabi nila
Pag tinatanong ko naman sa 'yo kung crush mo ako,
sasagutin mo ito ng walang humpay na halakhak at tawa
minsan tuloy naiisip ko, ano bang relasyon meron tayong dalawa.

One time namasyal tayo sa may tabing dagat,
alam mong hindi ako marunong lumangoy, pero dahil mapilit ka,lumublob ako ng sobra
nakita ko ang takot sa 'yong mga mata,ewan ko kung ninerbyos ka lang dahil napasisid ka
at iniahon ako sabay niyakap ng mahigpit at bonggang bongga.
Muntik ko pa nga sapakin yung lifeguard, nakisali kase sa eksena.

Natanong tuloy kita kung may balak ka pa bang mag-asawa,
ngiti lang isinagot mo sa kin sabay akbay mo pa.
Kulang na lang hilahin ko dila mo at pilitin kang tanungin ako ng
"pwede ka bang pakasalan now na?" pantasya na ilang taon ko ng inaasam-asam
sa halip sinabi mo na makikilala mo rin ang para sa 'yo, maybe malapit na.

Tao lang ako, naiinip rin maghintay
dala ng talanding pagkakataon, pinagdampi ko ang ating mga labi
isang saglit na kaligayahan, daig pa ang may sampung taon nating pinag samahan
sana hindi ko na lang iminulat ang aking mga mata.
parang napahiya kase ako sa aking nakita, walang reaksyon mula sa yo.
Manhid ka na ba talaga?

Unti-unti, nagbago sa atin ang lahat.
Naging malihim ka na.
Gumigimik ka ng mag-isa. Hindi mo na ako niyayaya at kalimitan iniiwan pa nga.
Para akong hangin na dinadaanan mo lang,
hindi mo nakikita, kahit pinararamdam ko sa 'yo ang aking presensya.

at tulad ng mga nakaraang gabi,
heto na naman ako, nakaupo sa harap ng nakapatay na pc
nakikiramdam kung papansinin mo ako, kakausapin...susulyapan.
panalangin na hindi diringin hanggang sa igupo muli ng antok
at parang routine lang, paulit-ulit na mangyayari pagdating ng kina-umagahan.

tanong na hindi ko mahanapan ng kasagutan,
why is it hard to lose yourself with your bestfriend?

Isang halik lang pala ang mag gugupo sa mahigit sampung taon nating pinagsamahan...

Jan 29, 2013

wish

Minsan nakakita ako ng bulalakaw na nahulog mula sa kalawakan,
taimtim na humiling ako, sabi ko sana makilala ko na ang lalake na sisira ng pangit kong future.
Sabay pikit ng aking mga mata, habang ini imagine ang itsura nina Dao Ming Su at San chai ng F4

Sabihin mo ng baduy, eh sa ganun ang naging porma ko anong magagawa mo.
After ng pangyayari na yun, nag abang na ako gabi-gabi ng meteor shower
ewan ko kung may katotohanan, pero may nagtutulak sa akin na gawin yun.
Para lang title sa pelikula,  Hindi pala natutulog ang Diyos, 

ipinakilala ka Nya sa akin....

Binago mo ang masalimuot kong mundo, binigyang direksyo ang magulo kong buhay.
Dati-rati'y wala akong pakialam sa ibang tao, basta kung anong gusto ko, yun ang masusunod
Pero kapag ikaw ang kasama ko, animo'y isang maamong anghel ang itsura at karakter ko
Ikaw na ba naman ang magka lab layp ewan ko lang kung maipaliwanag mo ang feeling noh.

Sa loob ng may pitong taon, uminog sa 'yo ang aking mundo.
Binago mo ang pangit kong future, nagkaroon ng liwanag ang aking bukas.
Pinamulat mo sa akin kung paano mabuhay ng maayos at walang kagalit,
na hindi lahat ng nang iintriga ay nasa showbiz, meron din sa totoong buhay na dapat iwasan.
Na hindi lahat ng nakasimangot ay dapat kong tarayan, 
naging mabuting tao ako dahil sa gabay mo.

sabi ko sa sarili ko, ikaw na ang lalake para sa akin.
Na tayong dalawa ang para sa isa't-isa.
na forever pwede tayong maging magkasama.

Akala ko lang pala yun.

Nagising na lang ako isang araw, wala ka na sa tabi ko.
Nagtatanong ang puso ko kung bakit nangyari ito, pilit kong pinagnilayan ang nakaraan.
Humarap ako sa salamin at kinausap ang aking sarili, 
kung may pagkakamali bang nagawa ako sa 'yo...
doon ko napagtanto, mali pala ako ng hiniling sa bulalakaw noon.


"wish ko lang naman eh lalake na sisira ng pangit kong future at hindi nga pala asawa noh!"



lesson learned:

next time na mag wish, ayusin ang grammar para di magkamali at malito !


***
para sa isang kaibigan...hanggang dito na lang.

Jan 5, 2013

parting time

There's a time to love and time to leave.

May mga bagay na dapat ipaglaban,may mga feelings na dapat iparamdam,
at may mga tao na kahit importante sa 'tin, wala tayong ibang magagawa kundi iwan.
Hindi naman kase tayo mabubuhay sa pagmamahal lamang, wala pang scientific explanation or any applied science ang makakapag sabi na nabuhay ang dalawang tao sa pagmamahalan lamang.

Kailangan din ng pagkain, tubig at nutrisyon di ba.

parang tayo, 
mahal natin ang isa't isa pero kelangan natin maghiwalay para sa ikabubuti ng lahat.
We have a perfect love in the most complicated time.
Jive tayo sa lahat ng bagay, magkasundo tayo halos sa lahat, 
pero di tayo pwedeng magsama.
Iba ang mundo mo sa mundo ko. 
Gustuhin man natin na maging iisa, hindi naman aayon ang mga nakapaligid sa atin.

Lam mo yung kwento ni Romeo at Juliet?   Well, Di tayo ganun.
Mas complicated pa kase doon. 
Dumating ka noong panahon na akala ko, napakalakas ko, na kaya kong dalhin lahat.
Nakalimutan ko, may mga tao nga pala na nakapaligid sa akin, umaasa, naghihintay na makamit ko yung mga pina plano nila.
Nalunod ako sa pagmamahal mo, sandali kong kinalimutan kung anong mundo ba ang dapat ay kinaroroonan ko. 
Ganun naman ata talaga kapag nai inlove, lahat nakakalimutan.
Buti nga may ID ako, atleast kahit papanu, natatandaan ko kung ano ba talaga ang pangalan ko, panu naman kase, sa inaraw-araw na tinatawag mo ako ng "mahal o Lab" nakakalimutan ko tuloy na may pangalan nga pala akong totoo.

Pag magkasama tayo love is like a fairytale, castle na lang ang kulang at ako na ang isa sa princess ng mga paborito kong Disney characters. 
Na ang lahat ay walang katapusan, that we will live happily ever after.
Pero gaya ng mga nauna kong naisulat, love is not a bed of roses, lalu na at pareho tayong may mga umaasang pamilya, kaibigan, at heto nga, magiging mga pamayanan pa kung sakali.

Ipokrita ako kapag sinabi ko sa 'yo na kalimutan na lang ako at dali-dali kang mag move on.
Dahil ako mismo, it took me years living in bitterness before i said i am moving on in my previous relationship, but in the end sinasabihan parin nila ako na i am not letting go. 
Ayokong maranasan mo ang dinanas kong sakit, kaya nga habang maaga pa, sinabi ko na sa 'yo na mas makakabuti kung magiging magkaibigan na lang tayo.

Alam ko mapapangiti ka ng mapakla, 
sino ba naman ex-lovers ang naging magkaibigan? 
Isa man sa atin ay hindi artista, kaya't wala tayo sa showbiz para mag plastikan di ba.
Pero kung kakayanin mo na mag pretend kahit nasasaktan ka, gawin mo.
In the long run, mapapansin mo na lang, nakalimutan mo na pala ang feelings na dati ay meron ka para sa isang tulad ko.

Ikaw at ako ay magkaiba ng destinasyon.
Para sa iyo, ang mabuhay ay magkaroon ng masayang pamilya.
Samantalang ako, pangarap kong maabot at marating  ang tagumpay na nag-iisa. 
Hindi ako ang babae na pwede mong ilagay sa bahay na parang tropeo na napanalunan,
di ko kayang mag-alaga ng mga anak habang hinihintay ang oras ng iyong uwian.
Isa akong makabagong Eba na ang hangad ay lumaban at maipakita sa mundo ang aking katatagan.

Katatagan na maaring matupok dahil sa pagmamahal na nararamdaman.

Hindi ito ang panahon para ka lumuha, 
Harapin mo ang mundo, masyado pang kakaunti ang iyong karanasan para sabihin na wala ng saysay ang buhay mo dahil lang sa wala na tayo.
Tandaan mo, hindi totoo lahat ng Feng Sui at hindi totoo na bawat isa ay may naka tadhana.
Minsan, tayo mismo ang gumagawa ng sarili nating kapalaran, hindi ibang tao.
Hindi ako ang nakatakda para sa 'yo, dahil ako mismo ang gumagawa ng tadhana para sa sarili ko.
Matuto kang gumawa ng sarili mong mundo, kung saan ikaw ang bida. 
Hindi isa ka lamang sa mga ekstra. Ikaw ang piloto, hindi ikaw ang pasahero.

lagi mong tandaan ang bilin ko sa 'yo, Learn from my Mistakes. 
Magiging tagumpay ka sa anuman larangan at malamang ako ay iyong pasalamatan.
Hindi natatapos ang inog ng mundo kapag iniwan ka ng mahal mo, 
dun pa lang magsisimula ang adventure kung paano ka tumayo at lumaban sa mundo.

PS
Matuto ka sa aking mga naging kamalian,Wag mo itong tutularan, 
dahil copyright infringement ang haharapin mo in the long run.



Translate

~♥~`~`~`♥~`~`~`♥~`♥~`♥~`♥~`~`~`♥~`~`~`♥~

Subscribe via email

Enter your email address:

Delivered by FeedBurner

 
;