"Daddy paglaki ko, bibilhan kita ng magandang relo" paslit pa lang ako bibong bibo na talaga ako.
"sya nga anak? sige hindi na ako mag re relo, hihintayin ko ang pangako mo"
Lumipas ang mga panahon, nagbinata ako.
Ang dating bibong anak mo, medyo nagkakasungay na sa ulo.
Nagiging pasaway sa mga utos mo.
Nasa High School pa lang ako hindi na kita makasundo,
nakakainis ka kase palagi mong napapansin ang mga munting pagkakamali ko.
Minsan, umuwi akong nakainom, fourth year high school ako nun, nagkayayaan sa birthday
hindi naman ako nalasing, medyo amoy alak lang, pagpasok ko sa bahay, sinalubong agad ako
ni mommy at sinabihan na galit ka daw at kanina pa ko hinahanap kung asaan.
Akala ko, pagsasabihan mo lang ako, pero iba ang gabing yun.
Papasok ako ng aking kwarto ng salubungin mo ako at unadayan ng suntok sa sikmura,
Masakit, makirot, parang gusto kong masuka,
"Pinag aaral ka hindi pinababarkada, anong mapapala mo sa ginagawa mo, kung napaaway ka, maipagtatanggol ka ba ng mga kainuman mo?" mahaba mong litanya.
Hagulhol ni mommy na lamang ang aking naintindihan, pumasok ako ng kwarto sabay lock ng pinto.
Gusto kitang sigawan, na parang di ka dumaan sa kabataan, lalake ako hindi babae,
Nagbibinata na ako, may mga kaibigan at mga kakilala na pinakikisamahan.
Simula noon, umiwas na ako sa 'yo, sumasagot lang kapag may itinatanong ka, naging mailap ako.
Nasa third year college ako sa Adamson University nang mag retired ka,
kung dati every week ka lang umuuwi sa bahay dahil sa isa kang sundalo at palaging naka duty,ngayon, halos araw-araw na nasa bahay ka.
Pag gising ko pa lang nagkakape ka na sa kusina,sa gabi naman pag uwi ko,
nasa salas ka nanonood ng TV.
Para hindi na maulit ang ating pag sasagutan, dume derecho na ako sa aking kwarto,
minsan naririnig ko kayo ng mga kapatid ko habang nagku kwentuhan,
alam mo yung feeling ng outcast, ganun ang palagi kong nararamdaman.
Yung parang hindi ako parte ng pamilya.
Graduation ko nung 2006, iniwan ko lang sa mesa ang invitation para sa aking pagtatapos.
Di ko ini expect na pupunta ka sa graduation ko, panu kase, mabababa lang ang grades ko,
hindi ako katulad ng iba kong mga kapatid na nagsisipag tapos na may honors.
Si Divina,Magna Cumlaude , si Hector naman CumLaude.
Samantalang ako, inabot ng 6 years sa kursong ECE, hindi pa nga sigurado kung makakapasa sa board.
Imbes na umuwi sa bahay pagkatapos ng graduation, dumerecho ako sa celebration ng aking barkada.
Kasama nya ang buo nyang pamilya, pati mga tyuhin at tyahin galing probinsya nila dumalo. Ang saya nila, pakiramdam ko, kahit siguro inabot ng 7 taon sa kolehiyo si Arthur, ganito parin kasaya ang magiging celebration nila. Hindi mahigpit ang kanyang ama.
Alas onse na yun ng gabi, pagpasok ko sa bahay,
nakita-kita, nakatulog ka na pala sa panonood mo ng TV.
Lumabas si mommy, "ba't ngayon ka lang? nagluto si daddy mo, nagpa order pa kami ng ilang putahe yun pala hindi ka uuwi ng maaga" pabulong nyang sabi sa akin, para siguro wag kang magising.
"Sorry po, nag celebrate kase si Arthur kasama ng pamilya nya, napasama ako" patalikod na sana ako nun ng bigla kang magising.
"Tapos ka na sa pag aaral mo, tapos na rin ang obligasyon ko sa 'yo. Malaya ka ng gawain ang ninanais mo. Maiintindihan mo rin ang paghihirap namin sa 'yo pag ikaw na ang ama ng tahanan gaya nito" matalinhaga mong salita sabay tumalikod ka na at pumasok ng iyong kwarto.
Isang linggo after ng pangyayaring iyon, umalis ako ng bahay.
Naghanap ako ng trabaho, sabi ko sa aking sarili,
hindi ko na iaasa sa inyo ang pagbabayad sa aking review.
Namasukan ako sa isang telecom company, hindi ako umuwi sa bahay,
kalimitan si mommy ang natawag sa akin, nangungumusta.
Kahit 3 oras lang ang byahe pauwi sa Laguna, hindi ako umuuwi,
mas ginusto ko pang sa maynila mangupahan, ayoko kaseng makita ka,
baka muli na naman tayong magka sagutan.
2009 nang magpasya akong magpunta sa Singapore, ayoko sanang magpahatid sa inyo pero mapilit si mommy. Nakita ko ang ipinagbago ng iyong itsura. Ang dati mong makisig na pangangatawan, tila bumagsak na. Gusto kitang tanungin, pero nag dalanghiya ako, baka mamaya ano na naman masabi mo at mapasagot ako ng pabalang, baka sa airport pa tayo magbangayan.
Mahihigpit na yakap ni mommy ang aking natikman, ikaw, isang ngiti lamang ang 'yong pinakawalan, sabi mo, mag iingat ako at wag magpapabaya sa aking kalusugan.
Nasa eroplano na ako nun ng maisip ko, halos 12 taon na pala tayong nagkakalamigan.
Mahabang panahon na rin ang imaginary wall sa pagitan natin dalawa.
Naisip ko habang lulan ako ng eroplano, yung mga panahon na tayo ay masaya, noong panahon na ako ay isang musmos na bata, makulit, punong puno ng sigla kapag ikaw ay kasama.
Na realize ko ang aking pagkakamali, bakit nga ba ako umiwas sa 'yo, bakit hindi ako lumapit, nag sorry or nakipag usap man lang sa 'yo matapos ang insidente ng panununtok mo sa sikmura ko.
Anak mo lang ako, at ikaw ay aking ama.
Wala ako sa mundo kung wala ka, pero hindi ko ito naisip
hindi ko ito napahalagahan sa loob ng may halos 12 taon na nakaraan,
ngayong nasa eroplano ko lamang ito naisip, kung kelan malayo na ako sa iyo.
Hustong pagbaba ko sa eroplano, naka recieve ako ng text message sa roaming celphone ko,
"anak si daddy idinerecho ko sa ospital, serious sya, stroke" si mommy ang nag message.
Hindi ko alam kung tawag ng pagiging isang anak, pumunta ako sa ilang airlines counter,
nagmamadali akong bumili ng return ticket pabalik sa Pilipinas, hindi ko na inisip ang trabaho na maghihintay sa akin, noong oras na iyon, ikaw ang aking naiisip.
Kaya pala pansin ko bago ako umalis ang pamumutla mo, akala ko normal lang iyon sa 'yo.
Habang naglalakad ako papuntang boarding waiting area ng may madaanan akong tindahan ng mga relo, parang nagbalik sa akin ang lahat, ang aking pangako sa 'yo na bibilhan kita ng mamahaling relo paglaki ko. Nagtingin tingin ako ng relo, naalala ko, kailanman ay hindi kita nakitang nagsuot ng kahit anong relo, Masyado mo atang sineryoso ang pangako ko.
Bumili ako ng isang branded na relos, swiss army , bagay na bagay sa katauhan mo.
Parang gusto kong liparin ang Pilipinas at maiabot agad ang aking regalo.
June 18, 2009
NAIA. walang sumundo sa akin, nag taxi na lamang ako papuntang Asian Hospital kung saan ka isinugod ni mommy.
Sa tanang buhay ko, ngayon lamang ako nagdasal, nanalangin ako na sana ligtas ka, na sana magkausap pa tayo.
Madami akong gusto sabihin, madami akong gustong ipaliwanag.
ICU Asian Hospital 5:35am
"Dad, andito na ulit ako, dala ko na yung promise ko sa 'yo. eto isusuot ko ang relong pinangako kong ibibigay ko sa yo paglaki ko" hindi ko na pansin ang pag agos ng luha sa aking mga mata.
Isinuot ko sa 'yo ang relo at itinaas ang iyong kanang kamay para makita mo ang nakasuot sa 'yong braso.
"salamat anak" mahina mong sagot.
"daddy patawad, i'm sorry." hindi ko na napigilan pa na humagulhol sa iyong tabi.
Animoy batang paslit na umiiyak sa tabi ng kanyang ama.
"daddy, happy father's day !" at nakita ko ang mga luha na umaagos sa iyong mga mata.
Makalipas ang limang araw, iniwan mo kami na iyong pamilya.
Ang limang araw na iyon ay katumbas ng may labindalawang taon nating hindi pagkikibuan.
Gumuho ang pader na ako mismo ang nagtayo, hindi ko napansin ako pala ang may kasalanan,
naging isang mabuti ka lamang na ama sa akin. Sa aming magkakapatid.
Hinayaan mo akong hanapin ang aking sarili, hindi mo ako pinilit sa iyong mga kagustuhan.
Huli na ng ma realize ko ang aking mga pagkakamali.
Daddy, asan ka man ngayon Happy Fathers day ! Salamat sa pagiging isang mabuting ama, sa isang naligaw ng landas na anak.
***
Treasure every moment you have with your Dad,
hindi mo alam kung hanggang kelan mo lang sya makakasama.
Jun 16, 2013
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
Translate
~♥~`~`~`♥~`~`~`♥~`♥~`♥~`♥~`~`~`♥~`~`~`♥~
No comments:
Post a Comment
Please leave a comment: