Mar 19, 2014

Nagmahal lang naman ako di ba?

Bakit nga ba kailangang masaktan kapag nagmahal ang isang tao.

2001 ng tumulak ako papuntang Hongkong.
Sabi ko, mag iipon ako, papag aralin ko ang aking dalawang kapatid. Tutubusin ko kay aling Chedeng ang aming sakahan, ipapagamot ko ang sakit ni itay na TB.
magpapagawa ako ng mini store sa harapan ng aming bahay para kay inay.
Mga pangarap na pinlano kong matupad sa loob ng dalawan taon kong kontrata.

Naging maayos ang aking trabaho, mababait ang aking amo.
Dahil nakatapos ako ng education, ipinagkatiwala nila sa akin ang kanilang dalawang anak. Ako ang naging yaya at tutor. Mataas ang aking sweldo, hindi nila ako ginawang katulong, manapa'y kumuha sila ng isang kasambahay. Tumutok ako sa pag aalaga sa dalawang bata para mai maintain ang kanilang pagiging honor students.
Renewal ang kontrata ko, sa akin na halos lumaki ang 2 anak nila.

Hindi masaya ang maging OFW, malungkot lalu na at dumadaan ang kaarawan ng mga mahal mo sa buhay. Naka ilang birthday si nanay at tatay na wala ako sa Pilipinas. Tanging tawag lamang sa telepono na kalimitan ay napuputol putol dahil sa mahina ang signal, saka ko lamang sila nakakausap.
Gaya ng aking pinangarap, natubos ko ang aming sakahan, napapagtapos ko ng kursong nursing at commerce ang dalawa kong kapatid, si nanay ay may maliit ng sari-sari store.
Si tatay naman ay binawian na ng buhay noong ikatlong taon ko sa Hongkong. 
Masasabi kong na achieve ko ang aking mga plano sa buhay.Masaya na ako.

Yun ang akala ko.

"Marie, sya si Alfred, kasamahan ni Bobby sa trabaho. Driver din sa kumpanya nila" pagpapakilala sa akin ni Anna sa isang lalake.
Matipuno ito, mukhang malinis at maporma. Maganda kung manamit.
"Hi Marie, " sabay lahad nito ng kanyang palad upang makipag kamay
"Hello" matipid kong tugon at nakipag kamay ako sa kanya
Masayang kausap si Alfred, mabiro at kabisadong kabisado ang mga nakakatawang jokes.
Lumipas ang aming maghapon na puro tawanan bukod sa ilang beses kaming nakalampas ng mrt station dahil na rin sa pagku kwentuhan.

Doon nagsimulang magkaroon ng kulay ang aking mundo.
Akala ko sa edad kong 38 ay wala na akong makikilala na magpapabago
sa nakagawian kong buhay.
Nanligaw sa akin si Alfred, batid ko na may pamilya sya sa Pilipinas.
May 2 silang anak na babae at sinusuportahan nya ang mga ito.
Driver si Alfred ng vice president ng isang manufacturing company dito sa Hongkong at may 20 taong na syang naninirahan dito. 46 na sya pero mukhang nasa 40 pa lang ang itsura dahil na rin sa pagiging palangiti.

Nahulog ng husto ang loob ko sa kanya. Nagpasya kaming magsama ni Alfred, nag stay out ako sa aking amo na pumayag naman, palibhasa ay malapit ang aming inuupahang apartment sa bahay nila.
Maganda ang samahan namin dalawa, mabibilang ko sa daliri ang panahon kung kailan kami ay nagkaroon ng alitan or tampuhan. Palibhasa mga matured na, hindi na namin hinahayaan na lumawig pa ang away. Inshort, di kami natutulog na magkagalit.
Inaayos agad namin dalawa.

2013.
Isang tawag sa telepono ang gumimbal sa akin. Si Bobby, nauutal na nagbalitang nasa ospital si Alfred, inatake daw sa puso. Nagulat ako, wala naman syang sakit,
sa may halos dalawang taon namin na pagsasama, hindi ko man lang nalaman na may dinaramdam pala sya. Abot langit ang aking dasal habang papunta ako sa Kwai Chung Hospital kung saan sya isinugod.
Laki ng pasasalamat ko at hindi grabe ang kanyang naging pinsala, although tumabingi ng konti ang kanyang labi at hindi pa makapag salita. Ipinaalam ko sa aking amo na mayroon akong emergency at kailangan kong mag leave ng may 5 araw. Pinayagan naman ako palibhasa ay malapit na rin ang bakasyon ng mga bata.

Ikatlong araw sa ospital, nang dumating mula sa Pilipinas ang kanyang pamilya.
Si Alicia, ang kanyang asawa at dalawang anak na babae. 
Hindi ako nakakibo, mistulang kandila ako na itinirik sa isang sulok
upang magsilbing ilaw sa dilim.
Umiiyak si Alicia, maging ang dalawa nilang anak. Parang dinudurog ang aking puso nang makita ko ang pag agos ng luha sa mga mata ni Alfred.
Alam ko, kalabisan na ang aking presensya sa loob ng silid na iyon.
Walang lingon likod na kinuha ko ang aking bag at tuloy-tuloy akong lumabas ng kwarto.
Sa may pasilyo, hindi ko na napigilang pamaupo at humagulhol ng iyak.
Masakit palang makita na ang tao na minahal mo at nakasama ng may dalawang taon ay lumuluha sa harapan ng kanyang tunay na pamilya.
Masakit, daig ko pa ang binabayo ng maso ang dibdib.

Makaraan ang ilang minuto, ay tumayo ako, nais kong lumabas ng ospital at maglakad sa kung saan ako kayang dalhin ng aking mga paa.
"Marie !" isang sigaw ang nagpalingon sa akin.
Si Alicia, papalapit sa aking kinatatayuan.

"Kilala na kita, minsan ka ng nai-kwento sa 'kin ni pareng Ariel."  kasamahan ni Alfred sa trabaho.
"maari ba tayong mag-usap sandali?" malamya nyang pagyaya sa akin sa may sofa sa waiting area.
"siguro naman alam mo na may pamilyang tao si Alfred, kung anuman namamagitan sa inyo, ayoko ng alamin pa dahil obvious naman na kerida ka. Kabit."
dere-deretso nyang pagsasalita.

"andito kami ng mga anak namin para dalawin at iuwi na si Alfred, kami ang kanyang pamilya, siguro naman ay naiintindihan mo ang sinasabi ko, matagal tagal na rin nagloloko si Alfred, bago ka pa nya nakilala may naging ka live-in na rin sya. Ilang buwan lang at naghiwalay sila. Tapos ayan, ikaw naman ang ipinalit" malumanay ang kanyang pagsasalita pero daig pa nito ang punyal na tumatarak sa aking dibdib.

"sana eto na ang huling pagkikita natin dalawa, dalaga ka pa, sana maghanap ka ng binata, yung walang sabit at walang pamilya!"
sabay nito ay tumayo sya at pumasok na muli sa silid kung saan naroon si Alfred.

Di agad ako nakatayo mula sa sofa, bumalong ang luha sa aking mga mata.
Ano ba ang ginawa ko,NAGMAHAL LANG NAMAN ako di ba?
Nagbigay lang naman ako ng buong pagkatao  sa lalake na inakala kong
mamahalin din ako habang buhay.

Napatigil ako.

Paano ko nga ba sasabihin na mamahalin ako ni Alfred habambuhay gayong una pa lamang ay alam ko ng may pamilya sya. Nalunod ako sa kahibangan namin, inakala ko na magiging akin si Alfred dahil kami ang magkasama sa araw-araw.
Hindi ko naisip na di nga pala kami legal na mag asawa.
Dinampot ko ang aking bag, umuwi ako sa aming inuupahan na apartment
at nag ayos ng gamit ni Alfred.
Masakit pero eto ang tama at dapat kong gawin.

Kinaumagahan, bitbit ko ang mga gamit ni Alfred papunta sa ospital.
Naroon sa loob ng kwarto ang dalawa nyang anak.
Mga dalaga na sila,  accountant sa BPI bank ang panganay at sa call center naman nagta trabaho ang bunso.
Hindi nila ako binastos, tinanong pa nga ako kung gusto ko ng kape.
Sila na rin ang kusang nagpaalam at lumabas ng kwarto upang mapapagsolo kami ni Alfred.

Tumabi ako  at naupo sa kanyang hinihigan upang kausapin sya kahit alam ko na hindi nya ako masasagot dahil sa aparato na nakakabit sa kanya.
"Fred, sensya ka na ha. Di ko akalain na hahantong sa ganito nag lahat, Mahal na mahal kita kaya gagawin ko ito. Alam ko at ramdam ko na minahal mo ako, sa loob ng dalawang taon natin na pagsasama, ipinadama mo sa akin ang pagmamahal na kelanman ay di ko naranasan."
muling tumulo ang luha sa kanyang mga mata habang hawak ko sya sa kaliwang palad.

"salamat, salamat sa lahat ng pagmamahal. Kailangan na natin gumising sa katotohanan,
sa fairytale lamang may happy ending ang mga relasyon na gaya ng sa atin.
Mahal ka ng pamilya mo, kailangan ka na nilang makasama, bago pa maging huli sa inyo ang lahat."
humahagulhol na ako sa iyak.
Di ko alam kung saan ko hinuhugot ang lakas ng loob habang nagpapaalam kay Alfred.

Tumayo ako at humalik sa kanyang noo.
"Goodbye for now Alfred, till we meet again. Mahal na mahal kita" at muli, isang halik sa noo at mariing halik sa kanyang kaliwang palad bago ako tuluyang lumabas ng kwarto.
Nginig ang aking mga tuhod, hindi sa lamig ng aircon, kundi sa sakit ng aking nadarama.

At habang binabaybay ko ang papunta sa bahay ng aking amo para sabihin na pwede na ulit ako mag stay-in sa kanila, napagtanto ko, lumuwag ang aking dibdib.
Parang nabunutan ako ng tinik. Parang umuulit-ulit pa sa aking utak na
sa fairytale lang may happy ending ang relasyon namin ni Alfred.

Tama lamang na lumayo na ako sa kanya, para na rin mabuo ng tuluyan ang kanyang pamilya.

Nasabi ko na lang sa aking sarili, Nagmahal lang naman ako ah.

Translate

~♥~`~`~`♥~`~`~`♥~`♥~`♥~`♥~`~`~`♥~`~`~`♥~

Subscribe via email

Enter your email address:

Delivered by FeedBurner

 
;