nakagisnan ko nang tawagin na INAY ang aking lola, palibhasa mga unang apo kaya't ate at kuya imbes na tito at tita ang itawag sa mga tyahin at tyuhin.
bata pa lamang ako ay sinasanay na ako ni inay sa kanyang gawain. lagi nya akong isinasama sa gubat upang manguha ng bunga ng kakaw. tuwang tuwa naman ako dahil ansarap sipsipin ng buto nito, laluna't kapag ang kulay ay violeta. kapag nakapanguha kami ng kakaw at nasipsip ang laman nito ay ibibilad naming mag lola sa arawan. makalipas ang 3 araw ay lulutuin ito ni inay at saka isasangag hanggang maging kulay uling.
Noong una ay natutuwa ako sa gawaing ganito, palibhasa ay bata kaya't aliw na aliw ako. Pero kapag gigilingin na ang kakaw gamit ang gilingang manual, dito na lumalabas ang iba't-ibang sakit na nararamdaman ko. Naroong sasabihin ko na ako'y naiihi, nadudumi, masakit ang ulo, masakit ang tyan at kung ano-ano pa, wag lang makapag giling ng kakaw na mamaya lamang ay tabliya na ang tawag.
hindi lamang sa paggawa ng tabliya magaling si inay, malupit nyang menu ang suman at tamalis.
walang okasyon sa amin na hindi sya gumagawa ng suman at tamalis. di bale na daw kokonti ang handa basta may suman at kape, tamalis at tsokolate na gawa sa tabliya, ay ayos na ang huntahan ng mga bisita. mapa fiesta, birthday, todos los santos, pasko, bagong taon o kung anu pa mang handaan, laging may suman, tamalis, kape at tabliya kaming nakahain.
Kapag umuulan, ugali na nyang magluto ng nilugaw na may tabliya, uulaman namin ng tuyo o kaya naman ay sinaing na isda. siguradong taob ang kaldero sa kusina.
Dahil sa pagsusuman at pagtatamalis, napatapos nya ang kanyang mga anak.
Naging mabilis ang panahon, ang dating taga probinsyang inay namin ay napadpad sa bansang canada. Doon na sya nanirahan ng halos may 2 taon. Araw at gabi daw syang umiiyak, hindi sya mawili-wili sa bansang sobra ang lamig. Kahit kapitbahay nya lamang ang ilan sa kanyang mga kapatid, hindi parin nya magustuhan ang bagong lugar na kanyang kinalalagyan. Dito nagsimulang manghina si inay, palaging sinasambit na iuwi na lamang sya sa batangas. mas gusto pa daw nya pumunta sa gubat kesa mamasyal sa mga mall sa syudad.
Sa loob ng 2 taon nya sa canada, malaki ang ibinagsak ng kanyang katawan. ang dating mala donya buding nyang itsura, naging maimpis at nangulubot na katawan na. hindi daw sya mawili sa mga pagkain doon. isang gabi ginulantang kami ng isang tawag, isinugod sa ospital si inay. critical na daw ang lagay. palibhasa ay hindi naman kami makakasunod, walang nagawa kundi maghintay ng balita.
At pagkalipas lamang ng 1 buwan, iniuwi si inay. wala ng sigla ang kanyang katawan, nanginginig na ang kanyang salita, hindi makabangon at parang gulay na lamang. una nyang hiningi pagkamulat ng mata ay tsokolateng tabliya at suman. dahil simula ng umalis sya, wala ng gumawa ng tabliya sa pamilya namin, kaya't nanghingi na lamang muna kami sa kapitbahay. buti na lamang at may nagsusuman sa aming barangay kaya't nakabili rin kami para kay inay. nagulat na lamang kami ng pagkalasa nya sa suman at tsokolate, sya ay biglang lumakas.
hindi daw masarap ang timpla ng tsokolate, matapang daw ang pagkakatunaw. ang suman daw ay hindi kinanda ang brand ng ginamit na malagkit. anupa't ang inay ay biglang bangon sabay utos sa aking tyahin na ibili sya ng mga kakailanganin para sa kanyang suman at tamalis. ganun na lamang ang pagka mangha ng lahat, dahil ayon sa doctor na tumingin kay inay sa canada, hindi na daw sya tatagal ng ilang araw kaya't mabuti pang iuwi na at ibigay na kung anong gusto.
Mantakin ba namang pagkauwi sa batangas, bigla syang lumakas. at ngayon nga, halos 6 na taon na ang nakakaraan, si inay ay makikita nyo parin na pumupunta sa gubat, nagbibilad ng kakaw, nag gigiling ng tabliya at gumagawa parin ng suman at tamalis.
Balik na sa dati ang sigla at itsura, kapag may naamoy kayo sa daan na sinanglay, malamang na nagluluto na naman si inay.
dito namin napatunayan na talaga palang mahirap baguhin ang isang nakasanayan.