Dec 5, 2008

Pilat sa palad

"I'm coming home for christmas....." ayos yung kanta sa radyo, parang patama sa akin. 3 taon din akong hindi nakakaranas mag pasko sa bahay.

Naalala ko pa noon si dennis, dec 15 pa lang, panay na ang handa nya ng kanyang gamit pabalik sa quezon kung saan doon ang probinsya nila. at pagkakatapos ng pasko,
sandamakmak na pasalubong ang uwi nito sa amin.

ahhh...ilang pasko na nga ba ang nakalipas? hinding hindi ko malilimutan ang lahat. kung bakit narito ako ngayon sa bus byaheng quezon.

"buti naman at maaga kang nakarating, ang akala namin ay gagabihin ka" si nana sela iyon, habang sinasalubong ako.

"kumusta naman po si...inay?" tanong ko

"ang iyong INANG ba kamo? naku, hayun at palala parin ng palala ang kondisyon, laging tawag ay ang kanyang bunso, kailan daw ba uuwi. malabo na rin ang mga paningin. mas mabuti pa siguro ay
panhikin mo na at ng magkita na kayo"

sa pag hakbang ko sa mga baitang ng hagdanan, para bang nanariwa sa akin ang lahat. dala ng isang pangako, kailangan kong tuparin ito.

"Inang, narito na po ako." sabay abot ko sa kanyang palad upang magmano

Mahina na ang kanyang katawan, animo'y parang nauupos na kandila.

"salamat dumating ka na anak, akala ko'y tuluyan ka ng nakalimot."

"andito na po ako, aalagaan ko na kayo." sabay sa pagkapit nya sa aking mga kamay, ay syang pag ihip ng malamig na hangin.

"inang, hindi ba kayo giniginaw?" tanong ko sa kanya

ngunit imbes na sumagot sya sa aking tanong,paulit-ulit nyang hinahaplos ang aking mga palad.

"inang, na miss nyo talaga akong masyado ano, hayaan nyo, simula ngayon lalagi na ako sa tabi nyo"

"salamat anak...salamat"

Lumipas ang mga araw, laging kaagapay ako ni Inang sa kanyang tabi. hindi ko sya iniiwan basta basta, anuman ang kanyang kailanganin, ako na muna ang nag aasikaso.
Mabait si nana sela, sya palagi ang aming kasama ni inang sa bahay, palibhasa ay magkapatid silang dalawa kaya't hanggang sa tumanda'y sila ay magkasama.

"Hindi ka na ba babalik sa iyong serbisyo?" untag ni nana sela sa akin, isang gabing kami'y naghahapunan

"naka leave po ako, medyo masakit parin po kase ang sugat sa aking mga paa.lalo na at halos kailan lamang ito nasemento."

"salamat na lamang at nakaligtas ka, ganyan sadya ang mga sundalo, ang buhay ay iniaalay sa bayan" halos pabulong na wika nya

"oho, inaalay hindi lamang sa bayan, maging sa kaibigan..."

"teka, natawag yata ang iyong inang" sabay pihit ni nana sela

Noche Buena iyon, kasalukuyang abala si nana sela para sa aming pagsasalu-saluhan ng ako'y tawagin ni inang.

"halika anak, dito ka sa tabi ko" kahit malabo ang mga mata, pilit nyang inaaninag ang kinaroroonan ng aking mga palad.

"salamat dumating ka, salamat at pinaligaya mo ang isang ina na tulad ko" animo'y paglalambing ni inang.

"inang, kayo ang aking ina at anak nyo ako kaya't anuman ang mangyari ay hindi ako basta mawawala sa inyo"

"alam mo bang walang pinangarap ang iyong ama kundi ang maging isang magaling ka na sundalo?" sabay hugot nya ng isang malalim na buntong hininga.

"kung alam lamang nya ngayon ang katayuan mo, marahil isa siya sa pinaka masayang tao sa mundo. magagalak siya sa narating mo."

kasabay sa pagpisil nya sa aking palad ay inabot nya ang aking mukha. kinapkap ito, mula sa noo, sa anyo ng buhok ko, maging ang aking mga mata, ilong at baba.

"parang kailan lamang ay kandong-kandong ko pa si dennis, ang aking bunso"

"Inang?!" putol ko sa kanyang sinasabi.

"ssshhh....wag ka ng magbalatkayo, alam kong pumanaw na ang aking anak. malabo man ang aking mata at pandinig, ngunit ang tibok ng aking puso ay napakalakas parin.
Alam ko na noon pa mang una kang dumating na hindi ikaw si dennis, wala ang pilat sa iyong palad,hindi mo rin kayang gayahin ang gawi ni dennis, ngunit gayunpaman ay nagpapasalamat ako, dahil pinaligaya mo ang
isang ina na tulad ko. Anuman ang nangyari sa aking anak, alam kong kaloob ito ng Panginoon. Maari mo bang ikwento sa akin kung paano sya nawala?"

Dito ko na sinimulang ikwento ang nangyari, ang kung paano kami na deploy sa mindanao para sa rescue operation.

"Alam naman po natin na tuwing papasko ay umuuwi si dennis dito, dapat ay kasama sya sa babalik ng maynila. pero dahil sa maiiwan pa ako, minabuti nyang magpaiwan na rin at sabay na kaming lumuwas 3 araw bago mag pasko.
Napakabilis ng pangyayari, sinalakay kami ng mga rebelde. Hindi kami lahat nakahanda dahil rescue lang naman ang operasyon namin, kukunin lamang namin ang mga sibilyan at dadalhin sa kabayanan.

May inihagis na granada ang aming kalaban, hindi na po ako makatakbo dahil ligaw na ang mga paa ko. andami na kasing tama ng kaliwa kong paa kaya't hindi ko na kakayanin pang iwasan ang granada.
malapit sa akin si dennis ng oras na iyon, kaya't imbes na iwan nya ako, kinubabawan nya ang aking katawan, kaya't pagsabog ng granada, isa sya sa tinamaan. may malay pa sya ng may ilang sandali, at
ipinagbilin nya nga sa akin na anuman ang mangyari,uwian ko kayo dito. isa iyong pangako na kailanman ay hindi ko maaring bitawan."


"Isang tunay na bayani ang aking anak, sa huling hininga ng kanyang buhay ako parin ang iniisip nya." tumutulo ang luha sa mukha ni inang.
"at hindi ka lamang isang tunay na kaibigan, isa ka rin tunay na kapatid. marahil ay masaya na sa ngayon ang aking anak saan man sya naroroon"

"iniligtas po nya ang buhay ko, kaya't kung anuman po ako ngayon ito ay dahil sa kanya."

"salamat, maraming salamat. maari bang ako'y mamahinga?" inihiga ko sa kanyang kama si inang. may ngiti sa kanyang labi.


Makalipas ang bagong taon, pumanaw si Inang. Gaya ng aking pangako kay Dennis, inihatid ko si inang ng maayos sa huling hantungan. at ngayon nga, papasko na naman, muli kong dadalawin ang quezon. ang mag-inang nagbigay ng bagong buhay sa akin ngayon.

Translate

~♥~`~`~`♥~`~`~`♥~`♥~`♥~`♥~`~`~`♥~`~`~`♥~

Subscribe via email

Enter your email address:

Delivered by FeedBurner

 
;