Apr 6, 2009

Penitensya

Tumitikatik na naman ang pawis sa aking noo, sobrang init ng araw.
Katanghaliang tapat kase, at sa haba ng nilakad ko mula sa terminal ng bus hanggang dito sa cathedral ay talagang tutulo ang pawis ko.

"Tay, madami kaya ngayon ang sasama sa penitensya? May mga lalatiguhin kaya ulit?" tanong ng bata na nasa aking likuran sa kanyang ama.

"mamaya makikita natin, malapit na tayo sa simbahan, ubusin mo na yang kinakain mo" sagot nito.

mataman kong pinagmasdan ang mag-ama,tangan nito sa kaliwang kamay ang kanyang anak, habang ang bata naman ay panay ang subo sa ice cream na hawak nito. tatawid kami ng daan at naghihintay mag berde ang traffic light na nasa kabilang kalsada.

Parang kaylan lamang ay ganito rin kaming mag-ama.mahilig kaming magpunta sa plaza at sa simbahan tuwing semana santa. nanonood kami ng mga taong nagpipinetensya. Si tatay ay nagta trabaho sa munisipyo noon, si inay naman ay kumadrona ng bayan namin. 4 kaming magkakapatid, ako ang bunso.
tahimik kaming namumuhay sa aming baryo sa bayan ng santa anastacia, isang bayan na masasabi kong makaluma ang itsura. mapagpaniwala sa mga pamahiin at sabihin pa, madaling maniwala sa mga milagro o kababalaghan.

hindi mayaman ang aming bayan, puro araruhan at tumana ang makikita mo sa tabi ng hi-way na nagdudugtong sa aming bayan papunta sa mga
probinsya sa norte. pagsasaka, palaisdaan at kalimitan ay pagtatanim ng gulay ang ikinabubuhay ng mga tao sa min. ngunit may kasabihan nga,
walang permanente sa mundo kundi pagbabago. at dito nagsimula ang aking kwento.

"san ka na naman ba pupunta martin? maano bang dumito ka na muna sa bahay. Linggo na nga lamang tayo nagkakasama-sama eh lalabas ka pa" himutok ni ina.
"may patanim ngayon sa bukid, mas mainam ng naroon ako, baka mamaya nyan eh dayain ako sa partihan. alam mo naman ang mga tao ngayon." sabay labas ni itay sa aming munting bahay.

Nagpapautang sina inay at itay sa mga magsasaka sa bukid. 25 porsyento ng ani ay isinusulit sa amin bilang parte o mas madaling sabihin eh pinaka interes sa nahiram nilang pera.

Tuwing may paani, dumadalaw si itay sa bukid, binabantayan at inaalam kung tama ba ang magiging parte nya sa mga sinaka. may mga panahon pa nga na naiilit niya ang lupang sakahan, kapag hindi nakakabayad ang mga pinauutang niya, kinakabig nya ang lupang sakahan ng mga ito.

nasa kolehiyo na ako noon, sina kuya naman at ate ay may mga trabaho na. mula maynila ay umuwi ako sa aming probinsya, nagulat ako sa laki ng ipinagbago ng aming bahay.

mas malaki na ito kaysa dati, may mga taong naninilbihan sa aming bahay. mga anak daw ng mga magsasaka sa amin. namamasukan na lamang upang makabayad kina itay sa utang.

ang dating bakuran namin na natataniman ng mga gulay,ngayon ay may mga kambing, baka at ilang kalabaw ng naka pastol. masasabi kong umaasenso na ang buhay namin.

"ser, eto na po ang kape ninyo. sabi po ng inyong ama hihintayin na lang daw nya kayo sa likod bahay kapag natapos na kayo sa pamamahinga" mahabang sabi ng inutusan ni ama.

"matagal na ba kayo dito?" tanong ko sa bata.
"mga ilang buwan na po, simula po noong nailit ang aming lupa" malungkot ang mukha nya.

"ganun ba, ano ba ang nangyari at nailit ang luoa nyo?" muli kong tanong sa kanya.

"Gener, anak, anu ba at pati bata ay kinakausap mo. nailit ang lupa nila dahil tamad mag araro ang tatay nya." hindi ko napansin, nakalapit na pala si itay sa amin.
tumalikod na lamang ang bata, halatang napapahikbi ito.

sa may ilang araw na pamamalagi ko sa aming bahay, lalu kong nakilala ang mga naninilbihan sa amin. halos naroroon sila dahil sa utang kay itay.

"tay, labis-labis na ang kinikita nina kuya at ate para sa pang gastos ninyo. malaki na rin ang kinikita ng bukirin. bakit hindi nyo na lamang tigilan ang pagpapa-utang?"

"nalalaman mo ba ang sinasabi mo?" pagalit na tanong ni itay.
"kase 'tay yung mga bata dito na naninilbihan sa atin, imbes na nag-aaral sila, hayan at andito sa bahay.hindi ka ba naaawa sa kanila?" paliwanag ko sa kanya

"eh kung yung mga magulang nga nila eh hindi naawa sa kanila, ako pa kaya? pwede ba Gener, ibahin mo ang negosyo sa kawang gawa. hindi ako pulitiko para mamigay ng pera"

iba na talaga ang ugali ni itay, parang hindi na sya ang dating tao na nakilala ko. umiikot na sya sa pera, na kung tutuusin naman ay hindi nya kailangan. malaki na ang ipinadadalang pera sa kanya nina ate at mga kuya ko. hindi na nya kailangan pa magpatubo sa mga magsasaka sa aming bayan.

Naging malapad ang lupain namin, may mga magsasaka na rin kami. sabihin pa'y naging matagumpay si itay sa negosyo na sinimulan nya. nag retiro na si inay bilang kumadrona, mas gusto kase ni itay na nasa bahay na lamang ito, tutal daw naman ay maayos na ang pamumuhay namin.

"mang bestre, ang aga nyo ata napapasyal dito sa amin?" bungad ko sa matandang lalake na nasa aming balkonahe.
"eh mangyari po, hihingi sana ako ng tulong kay senyor martin. nasa ospital kase ang aking anak, bibiyakin daw ang tyan dahil hindi kayang manganak ng normal.eh wala naman kaming ibang malalapitan kundi kayo, nakakahiya man ho, pero talagang wala na po akong alam na pwedeng lapitan. eto ho at dala ko ang titulo ng lupa namin" mahabang salaysay ni mang bestre.

"yaan nyo ho, makaka recover din agad ang anak nyo" sagot ko.

"iyon na nga ho ang masakit, hindi po tinanggap ni senyor martin ang alok ko. malayo daw at nasa may gilid ng bangin ang lupa na iniaalok ko. sige po, mauna na ako, kay mayor muna ako lalapit.

Ganito na ba kaganid si itay sa pera? hindi ko na talaga sya maintindihan.

KASALUKUYAN.

Pagkatawid sa kalsada ay dumiretso ako sa tindahan, ilang mineral water ang aking binili, sinamahan ko na rin ng straw. Mas madaling inumin ito kung sisipsipin na lamang. Sa may tabi ng kalsada, doon ako pumwesto. At gaya ng dati, may ilan na taon na ang nakakaraan, naririto akong muli, nag aabang ng prusisyon.
Nag aabang sa mga nagpipinetensya, nag aabang sa lalakeng may bitbit ng krus.

Pagkaraan lamang ng ilang saglit, iniluwa na ng plaza ang mga taong kasama sa sinakulo at penitensya. Hanap ng aking mata ang lalakeng may bitbit ng krus, at ng matagpuan ko ito, kusa na akong lumapit sa kanya. Gaya ng dati, madugo na ang likod nito, pawisan ang mukha, ngunit may ngiti na sa kanyang labi habang pina sisipsip ko sya sa straw
upang makainom ng tubig.

"salamat." salitang namutawi sa labi niya.sabay nakita ko ang pag agos ng luha sa kanyang mga mata.

Sa puntong iyon ay hindi ko na kinaya ang lahat, naging masama man ang taong ito, ang lahat ay may kapatawaran.Ilang taon na niyang pinagsisisihan at ilang taon na rin niyang binibitbit ang krus sa kanyang balikat upang ipakita ang kanyang pagsisisi hindi lamang sa KANYA kundi sa lahat.

"tay, sapat na po ang lahat. maari ka ng mamahinga.napatawad ka na NIYA."

"hindi anak, kulang pa ito. sa laki ng kasalanan kong nagawa sa mga taong inagrabyado ko, hindi sapat ang penitensya kahit pa taun-taon kong gawin ito" pagpapatuloy nya,
"ang anak ni bestre, namatay ng dahil sa kadamutan ko, ang asawa ni teban, hindi ko pinahiram ng pera kaya't namatay ito. mga lupa nila isinanla sa akin, ginipit ko sila para maangkin iyon. anak, huli na ng maintindihan ko ang lahat, na hindi sapat ang pera,ang iyong inay, may sakit. at hanggang ngayon ay wala pang naiimbento na kagamutan. madami akong pera ngunit hindi nito kayang bilhin ang buhay ng iyong ina.tanging ito na lamang ang alam kong paraan upang humingi ng kapatawaran sa lahat ng aking kasalanan.
bibitbitin ko ang krus na ito habang ako'y nabubuhay."


Sabay sa aking pagtayo ay kinuha ko ang krus na dala dala nya, inilagay ko iyon sa aking balikat. Ipagpapatuloy ko ang kanyang nasimulan, para kay inay,na umaasa ng kagalingan. para kay itay, na umaasam ng kapatawaran.

at mula ngayon, ako na ang bagong mukha na makikita sa santa anastacia, ang lalakeng nagbubuhat ng krus. hindi nakamaskara, humihingi ng pag-asa.

Translate

~♥~`~`~`♥~`~`~`♥~`♥~`♥~`♥~`~`~`♥~`~`~`♥~

Subscribe via email

Enter your email address:

Delivered by FeedBurner

 
;