“grabe salamat talaga, kahit kalian napaka supportive mo sa akin. Di kami magkakabati ni Joan kundi dahil sa ‘yo”
Ilang beses ka na ba nagpasalamat sa akin? Hindi ko na ata mabilang. Gaya ngayon, nagkabati na naman kayo ni Joan kaya puro salamat na lang lumalabas sa bibig mo.
“oo na, hanggang salamat ka lang naman. Dami mo na utang”
Pabirong sagot ko sa ‘yo.
Ilang taon na nga ba tayong magkaibigan? 3 or 5 ? Hindi ko na matandaan, basta ang alam ko, simula ng dumating ako dito sa Singapore, naging magkaibigan na tayo.
“pano, una na ako ha. Salamat ulit”
Aalis ka na, parang ayoko munang mamaalam ka. Kung pipigilan naman kita, late ka malamang sa usapan nyo ni Joan.
“saglit, maya-maya naman ng konti. Ubusin ko lang iniinom ko” sinabi ko lang ito para magtagal pa ang pag uusap natin. Delaying tactics ika nga.
“anong oras pa yan matatapos eh ang bagal mo, sige na, kita na lang tayo ulit bukas. Salamat ulit ha” Sabay yakap mo sa akin.
Parang huminto ang mundo, at sa hindi ko namalayang paglipad ng utak ko, naibaon ko na pala ang mukha ko sa dibdib mo.
Nagtatanong ang mga mata mo. May hinahanap na paliwanag sa nagawa ko.
“pasensya ka na, minsan kase hindi ako naka maskara” paliwanag ko sa ‘yo.
At nagulat ka, napalayo. Sabay talikod mo sa akin.
“mauna na ako, salamat ulit Bes.”
At hindi ko na napigilan ang pagpatak ng luha ko. Hanggang kailan ako magiging ganito.
At muli isinuot ko ang maskara sa katauhan ko.
“Sige bes, ingat kayo ni Joan”
Talagang napaka ipokrita ko.
Dahil sa manhid na taong gaya mo.
****