paano nga ba ang mag-isa?
Naka-empake ka na pala. Talagang hindi na mapipigilan pa ang pag alis mo.
Ilang taon nga ba tayong magkasama?
apat?
at sa mga taon na iyon, bawat araw ay naging makulay.
ikaw ang naging karamay ko sa kalungkutan.
naaalala mo pa ba noong wala pa tayong mga trabaho. Isang meal pinaghahatian pa natin dahil baka kapusin tayo pareho eh wala pang nahahanap na trabaho.
noong magka trabaho ako, ikaw ang unang natuwa. hindi tayo makapaniwala na malalampasan natin ang kulay abo na mga araw sa ating hinaharap.
nagkasakit ako, ikaw parin ang karamay ko. halos nasa bingit na ako ng kamatayan at ang mga kamay mo ang umalalay sa akin, nagpapalakas ng loob ko na makakaraos din.
ilang beses mo na ba akong tinulungan, hindi ko na mabilang pa sa aking mga daliri. nagsakripisyo ka para sa akin.
isinakripisyo mo ang may 4 na taon mong kaligayahan para lamang maging karamay at kaagapay ko.
ako na walang ibinigay sa 'yo kundi problema.
bakit nga ba tayo umabot sa ganitong punto, kung saan lilisan ka at maiiwan ako.
at habang inaayos mo ang iyong mga gamit ay nagbalik sa alaala ko ang lahat. kung bakit ngayon ay paalis ka at hindi ko na alam kung muli pang magkikita.
naging makasarili ako, pilit kong isiniksik ang sarili ko sa tahimik mong mundo.
naging mabait ka at mabuting kaibigan, ngunit hindi ko iyon nakita, mandi'y naging bulag ako sa lahat.
ang mga sakripisyo mo ay pinara kong bula, hindi inintindi bagkus ay lalu pa akong naging makasarili. hinayaan kong ako lamang ang nasa itaas, gayung ikaw ang adobe na aking kinatutuntungan.
nagpalamon ako sa sistemang bulok, hindi ko naisip na sa likuran ko pala ay naroroon ang isang IKAW. na kung wala ka, hindi ko mararating kung anuman ako ngayon.
at ngayon nga ay paalis ka na, habang bitbit mo ang iyong mga maleta, wari'y ngayon ko lamang naramdaman ang tunay mong presensya. masakit mawalan ng minamahal, ngunit mas masakit ang mawalan ng isang tunay na kaibigan.
isa...dalawa...ikatlo mong hakbang ay hindi ko na napigil ang sarili ko at niyakap kita sa iyong likuran sabay sambit
"patawad, naging masama akong kaibigan. saan ka man makarating sana ako'y wag mong kalimutan. mahala na mahal kita"
at sabay agos ng mga luha sa aking mga mata ay nilingon mo ako.
"sayang, huli na ang lahat. paalam." ang huling kataga na iyong binitawan.
saksi ang ihip ng hanging amihan kung paano ako lumuha na parang wala ng katapusan. ngunit may magagawa pa ba ako? wala na, isa ka ng nakaraan.
at muli, umihip ang hangin tangay ang halimuyak ng kaaalis mo pa lamang na katawan. kung kailan kita muling masisilayan, hindi ko na alam. ang batid ko lamang ay nabawasan ang aking pagkatao. nawala ka...nawala ang kabiyak ng aking kaluluwa.
****
nasaan ka man ngayon, sumagi nawa sa iyong isipan ang aking pangalan.
at maalala mo ang magagandang nakaraan na ating pinagsamahan.