30 taon.
Panahon pa ng rehimeng Marcos ng ako ay tumulak papunta sa bansa ng mga niyebe. Hindi ako tumakas, manapay, naging timing lang ang tawag ng tungkulin upang ako'y manilbihan sa bansang Switzerland.
Isa akong Nurse.
Sabi nila, mapagkalinga daw ang mga Pilipino. Magagaling magtrabaho. Kung kaya't pinalad akong makapag trabaho sa bansang kailanman ay hindi ko pa nakikita maski sa litrato.
Baon ay yakap mula sa aking mga magulang at kapamilya, luha ko ay hindi mapigilan sa bawat minuto ng pag hihintay sa isang tao na kailanman ay hindi nawalay sa aking isipan.
Sya si Greg.
Isang arkitekto. Second year college ako ng makilala sya at maging kasintahan. Ayaw nya akong umalis ng bansa, dangan lamang at kinakailangan dahil na rin sa hirap ng buhay at kalagayan ng ating bansa. Masyado ng magulo, ayokong manatili ang aking pamilya sa P. Tuazon na laging may ligalig at ambang kapahamakan mula sa rehimeng nanunungkulan.
Isang halik at ilang patak ng luha sa bisig ng Greg sabay bulong na "hintayin mo ako mahal" ang aking iniwan.
Madalas akong sumulat sa aking pamilya, at kasabay nito ay ang liham din para kay Greg.
1986, EDSA Revolution. bumungad sa akin ang balita na malaya na sa rehimeng Marcos ang Pilipinas. Nagbalik na ang demokrasya.
Ngunit kasabay nito ay ang pagdating ng sulat mula sa aking kapatid, na si Greg ay ikakasal na sa kaibigan na malapit sa aming dalawa.
Masakit. Hindi ko alam kung paano ko paglalabanan ang kirot na nadarama ko. Ang tao na minahal ko ng may 10 taon, ngayon ay nawala na. Hindi ko alam kung paano sisisihin ang sarili ko. Bakit ko pa kase kinailangang iwan sya, bakit mas inuna ko pa ang aking mga pangarap kaysa makasama ang pinakamamahal ko.
Bakit nagkaroon ako ng kaibigan na pinagtiwalaan ko, yun pala ay aahasin at kukunin ang mahal ko.
Ibinuhos ko ang lahat sa trabaho. Hindi ako umuwi ng Pilipinas. Ayoko ng maalala ang sakit. Ayokong malaman ang anuman tungkol sa kanya at sa kanyang pamilya. Isinarado ko na ang puso ko.
Ayokong maalala ang taong tumalikod sa aming sumpaan.
Marso 2010.
"Auntie you should use facebook to reconnect with your friends, it's fun you know" pagrerekomenda ng madaldal kong pamangkin.
"that's for bagets, i'm too old for that !"
"who says? even my mom use this, and she chat's with our relatives in Pinas" makulit din talaga ito palibhasa ang bf ay taga Bulacan.
Dala ng kuryosidad, nag sign in ako sa facebook.
Mula sa ilang pamangkin, kaibigan at mga kakilala, unti unti kong nakita at nai research ang aking mga dating kaibigan.
"Aurora, is that you?" wall message ng dating kaklase ko sa anatomy101.
"yes, i'll be online later, hope we can chat" reply ko naman sa kanya.
Dito na nagsimula ang muli naming pagbabalitaan na magkakaibigan. At sa hindi sinasadyang tanong, naungkat sa usapan si Greg.
"byudo na sya, Dulce died 4 years ago from cancer. I heard he got a project in Thailand" pagbabalita ni Criselda.
"oh, really. " eto lamang ang naisagot ko. at muling kumilos ang aking mga daliri na animoy may kanyang pag-iisip, hinanap ko ang pangalan ni Greg sa facebook.
Kung gaano kabilis tumipa ang aking mga daliri sa keyboard ay sya ring bilis ng tahip ng aking dibdib.
At nakita ko ang profile ni Greg.
Parang malulunod ang aking puso sa sobrang tibok nito.
Nagka edad na si Greg, pero ang tindig at porma ay walang nabago. Sya parin ang lalake na minahal ko tatlong dekada na ang nakararaan.
At hindi ko alam kung ano na ang mga sumunod, na i add ko sya sa aking facebook.
January 11, 2011 NAIA.
Habang papalabas ako ng terminal sa Ninoy Aquino International Airport ay hindi ko malaman ang aking pakiramdam. nerbyos ba ito, o excited lamang.
Maya-maya lamang paglabas ko ng arrival area ay wari'y uminog pabalik 1981 ang aking mundo.
Si Greg nasa may bungad ng waiting area, tangan sa kamay ay 1 pumpon ng mga bulaklak. Nakangiti at walang kakurap kurap.
Hindi ko alam kung paano ako nakalabas, naramdaman ko na lamang ay may mga bisig na sa akin ay nakayakap.
At sa labas ng terminal ako ay kanyang iginiya papunta sa parking lot, na aking ikinagulat.
Isang malaking banner at ilang mga pulubing bata na may tangan na rosas ang sa akin ay nagpa mangha.
"WILL YOU MARRY ME ?" ang nakasulat sabay sa aking pagkabigla ay lumuhod sa aking harapan si Greg, inabot ang aking kamay sabay sa pagsusuot nya sa aking daliri ng singsing ay namutawi sa kanyang labi " kay tagal kong naghintay sa 'yong pagbabalik "
Tanging luha na lamang ang aking naisagot.
Nakabibinging palakpakan mula sa aking mga kamag-anak at ilang tao na nakasaksi sa parking lot ang mga sumunod.
At dito ko naalala ang kantang Que sera sera ...what ever will be , will be.
Salamat sa facebook...