Kuha ito noong company trip namin sa Korea, napadaan kami sa business district nila at eto nga, mga flag ng ASEAN ang una kong nakita.
Hindi naman ako Patriot or Masyadong makabayan, pero ng makita ko ang bandila ng Pilipinas, parang may kung ano sa loob ng puso ko ang biglang nabuhay at hindi ko namalayan, umaagos na pala ang luha sa aking mga mata.
Sabihin mo ng OA, eh sa yun talaga ang nangyari eh.
Pinag tawanan pa ako ng mga kasamahan ko sa kumpanya, ano daw meron sa ating Bandila at ba't napaiyak ako. Sabi ko, wala. May epal pa akong ka empleyado, nag comment ba naman ng "what so special with your flag, only comes with red white blue and color yellow"
Gusto ko sana syang batukan, at isa isahin ang meaning ng bawat kulay sa ating National Flag.
Palibhasa walang subject sa bansa nila ng Araling Panlipunan.
Kaso naisip ko, waste of time din lang naman, dahil paulit ulit ko man sa kanilang ikwento na ang mga bituin sa watawat ay sumisimbulo sa Luzon Visayas at Mindanao, na ang isang guhit ng araw ay kumakatawan sa probinsyang nag aklas noong panahon ng kagitingan, ang BATANGAS, na aking kinamulatan, hindi rin nila maiintindihan.
Sabay sa pagtingala kong muli sa ating watawat, parang naintindihan ako ng kalikasan.
Humangin bigla at animoy may sariling pag iisip na ito ay wumagayway.
Lalo ko na miss ang Pilipinas, naging mabilis ang pagbabalik tanaw ko sa nakaraan.
Parang kailan lamang, umuugoy sa saliw ng hangin ang hawak kong bandila habang nagma martsa sa kahabaan ng morayta papuntang mendiola, kasama ang ilang estudyante kami ay sumisigaw, "Imperyalismo,IBAGSAK ! Burukrata Kapitalismo IBAGSAK" at sinuman ang umupong Presidente sasabihin ang pangalan kasunod ay BABAGSAK, aapak-apakan, dudurug durugin, dudura-duraan !" mga panahon ng aking Golden kabataan.
O, ba't ganyan ka makatingin? walang pakelamanan, wall ko ata ito baka iyong nakakalimutan !
palagi kong naririnig nun, wag magpaalila sa mga dayuhan, bumangon tayo gamit ang ating mga likas na yaman. Ibasura ang foreign ek-ek act, ibagsak ang kapitalismo na pinamumugaran ng halimaw sa pamahalaan...at marami pang iba.
napakurap ako, 16 years ago na nga pala ang matuling nakalipas. buhay pa si Daddy noon, malakas pang humataw ang business ni mader sa LTO, wala pa akong sinusuportahan na mga inakay.
16 years ago, nag aaral pa lamang ako at humihingi lang ng baon, wala pang sakit si daddy na kailangan naming ipangutang at isangla ang mga ari-arian. May sarili pa akong sasakyan noon. 16 years ago...16 years ago...
Isang tapik sa balikat ang nagpabalik sa akin sa kasalukuyan.
"'te, ok ka lang? magkaka stiff neck ka nyan, halika na, bago ka pa makapag recite ng Panatang Makabayan.
Ang bilis lumipas ng panahon talaga, ang dating isinisigaw ko sa kalsada, ngayon pinag lilingkuran ko na. Nasa bansa ako ng mga dayuhan. Likas na yaman ba? san naman ako kukuha ng ikakapital para maging simula di ba?
Kung walang kapitalista na dayuhan sa atin, sino namang mayaman kaya ang mag i invest ng ganun na lang sa ating bansa...
hay, kabataan ko nga naman. Wala ng nakita kundi ang nasa harapan, hindi ko man lang naisip noon ang dahilan kung bakit may tinatawag kaming mga Bagong Bayani ng Bayan.
OFW daw, at ngayon nga eh MEMBER na rin ako nyan.
Di bale, 1 araw, uuwi ako sa atin at dadaan ako sa dati kong eskwelahan. Aatend ako ng FLAG CEREMONY .
Ipapatong kong muli sa kaliwang bahagi ng aking dibdib ang kanan kong kamay sabay awit ng Lupang Hinirang sa saliw ng musika ni Julian Felipe na susundan pa ng tula na Panatang makabayan.
-o ang kilay, wall ko 'to ok?!