nay,
kamusta na kayo dyan? nagustuhan nyo ba ang laman ng kahon na aking ipinadala? pasensya na kayo kung yan lang naipadala ko, siguro naman ay nabalitaan nyo na ang krisis na nangyayari sa buong mundo.
nay, pakisabi nga po pala kay ate na pasensya na kung bakit 5,000 lang nabigay ko sa kanya. kung bakit ba naman kase taun-taon eh nangananak sya, hindi ko naman ho sya pinagbabawalan manganak, pero 'nay sana naman maisipan na ng mr nya na humanap ng trabaho para ipakain sa pamilya nya.
ang pang matrikula nga pala ni jun-jun ay kasama na rin sa ipinadala ko, sana matapos na nya ang kurso nya. aba eh halos 7 taon na nyang kinukuha ang ECE, dapat nagta trabaho na sya ngayon.
si angela nga pala 'nay pakiabutan mo na rin ng pambili daw ng pamasko nya. paki paalalahanan na rin na hindi pina pala at winawalis dito sa singapore ang pera. kada 3 buwan ata eh umuungot ng bagong gamit yan. paki check nyo rin kung ayos ba ang grades nya, baka naman abutin na sya ng 6 na taon sa kurso nyang nursing.
si itay naman po ba ay maayos lang? paki bawalan na rin syang uminom basta-basta. baka sakit sa atay naman mapala nya, kakagaling lang nya sa ospital na hanggang ngayon ay binubuno ko pa ang pambayad sa credit card na 0% interest daw. pero heto at ngayon ang bill ay patung-patong na charges na. pakisabihan na wag na syang masyadong mahilig sa alcohol. mag buko juice na lang sya.
si marissa ba 'nay eh natapos na sa kanyang ojt? sana naman ay makahanap agad sya ng trabaho, hindi ko na alam kung paano sya maihahanap pag di nya pa natapos ang x-ray tech na kurso nya.
yung iniuungot nyo nga palang pambili ng AUV para pampasada ng eskwela ay kasama na rin dito sa ipinadala ko. sana naman ay makatulong ito para sa araw-araw na gastusin ninyo. humanap na lang kayo ng mahusay na driver, yung hindi manloloko.
anong handa nyo sa pasko? paki lagay ng computer sa malapit sa sala para makapag chat naman tayo. para sa pasko ay kasama nyo na rin ako kahit na sa computer man lang tayo magkita-kita.
sa totoo lang 'nay gustong gusto ko na makauwi ngayong pasko, pero dahil sa pangangailangan ng pamilya natin titiisin ko na lamang ulit na wag umuwi. wag kang magtatampo 'nay. alam kong obligasyon ko na tulungan kayo na pamilya ko, pero sana naman makaisip rin ang mga kapatid ko na tumulong din naman sa inyo. anong edad na ba ako? hanggang ngayon hindi ako makalagay sa tahimik at makapag buo ng pamilya dahil inaalala ko kayo na pamilya ko.
panahon ng krisis ngayon dito 'nay, kabi-kabila ang tanggalan sa trabaho. para lang wag akong makasama, talaga namang puspusan ang pagpapakitang gilas ko. pumapasok ako ng maaga, halos umuuwi ako ng hatinggabi para lang mapansin ng management na ayos ako.
gusto kong maibigay lahat ng pangangailangan ko, kaya't eto kayod kabayo talaga ako dito. mapapansin nyo sa mga pictures medyo humapis na ang mukha ko, bunga po yan ng palaging pagpupuyat sa trabaho.
sa sweldo ko nga po pala ay bahala na kayo magtabi ng para sa iba pang gastusin, talagang wala akong maipon dito lalu na't 3 kapatid ko ang nasa kolehiyo. sana naman ay maunawaan nila na hindi ako atm machine na anumang oras ay pwedeng kunan ng pera. tumatanda na rin po ako, nakakaramdam na ko ng panghihina ng katawan. anuman mangyari sa akin dito kayo na ang bahalang mag ayos sa aking katawan.
'nay mahal na mahal ko kayo, sana ay ingatan ninyo ang sarili nyo. sabihin nyo kay itay ang mga bilin ko.
nagmamahal,
ompong